Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Biyernes, Marso 7, 2014
TUKSO: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year A - March 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Isang tatay na nagdiriwang ng kanyang ika-50 kaarawan ang masiglang gumising upang harapin ang mahalagang araw na ito ng kanyang buhay. Ngunit laking pagkagulat niya ng wala man lang bumati sa kanya sa bahay. Ang kanyang mga anak ay maagang nagsipasukan sa paaralan. Ang kanya namang asawa ay abalang-abala sa gawaing bahay at naghahanda sa pamamalengke. Nakadagdag pa sa kanyang kalungkutan ng pumassok siya sa opina at wala man lamang ni isa na bumati sa kanya. Halos patapos na ang araw at naghihintay pa rin siya ng kahit isa man lang na lalapit upang bumati. Sa wakas, ang kanyang magandang sekretarya ay pabulong na nagsabing: "Happy birthday po sir." Medyo may pagkamalandi ang kanyang tinig at idinugtong na" "Sir, baka naman gusto ninyong sa bahay ko na lang tayo magcelebrate ng inyong birthday?" "Bakit nga ba hindi?" tanong niya sa kanyang sarili. Siya lang naman sa lahat ang nakaalala na birthday nya ngayon. Kaya't sumama siya sa bahay ng kanyang sekretarya. Pagdating sa bahay ay laking pagkagulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lugar. May pagkadimlight ang sala, may two glasses of wine sa maliit na lamesa at may romatic background music na nagpapalamig sa apat na sulok ng bahay. Kinabahan siya at lalong pang lumakas ang kalabog ng kanyang dibdib ng sabihin ng sekretaryang hintayin lang siya at magpapalit lang siya ng mas kumportableng damit. Ilang sandali ang lumipas at narinig na naman niya ang malanding tinig nito: "Sir, nandyan na po ako ready na kayo..." At pagkatapos ay biglang bumukas ang mga ilaw at malakas na pagbati ang bumulaga sa kanya "HAPPY BIRTHDAY! SURPRISE!!!" Laking pagkagulat niya sapagkat naroroon ang kanyang asawa at mga anak, mga ka-opisina at kaibigan. Ngunit mas malaki ang pagkagulat ng lahat ng makita siyang nakababa na ang pantalon at wala ng damit pantaas! hehehe... ang tukso nga naman napakahirap iwasan lalo na't pag nasa iyo ng harapan. Kung ang malakas na super typhoon Yolanda ay nanira ng maraming bahay at kabuhayan, ang malakas na tukso namang 'YoLANDI" ay kayang sumira ng buhay at tahanan. Wala nang hihigit pa sa pinsalang idinudulot ng tukso sa pang-araw-araw nating buhay. Hindi lang bahay o buhay ang sinisira, ngunit higit ang ating buhay espirituwal ay isinasapanganib! Maari bang layuan tayo ng tukso? Hindi. Bagkus ito pa nga lapit ng lapit sa atin! Kahit si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi pinatawad na lapitan ng tukso. Marahil ang nag-iiba sa atin kay Jesus ay kailanman ay hindi nakapanaig sa kanya ang tukso. Bagkus ito pa nga ay kanyang napagtagumpayan. Ito ang laman ngayon ng Ebanghelyo, nanaig si Jesus sa tukso ng diyablo! Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ay binibigyan kaagad tayo ni Jesus ng halimbawa kung papaano nating mapagtatagumpayan ang maraming tukso sa ating buhay. Dalawang mabisang panalaban ang ginamit ni Jesus na siyang sinasabi ng Simbahan na atin ding magagamit ngayong panahon ng Kuwaresma: pagdarasal at pag-aayuno! Apatnapung araw itong ginawa ni Jesus. Hindi nangangahulugang ganoon din kahaba ang ating gagawin. Sinasabi lamang sa ating kung seryoso tayo sa pakikipaglaban sa diyablo ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang Diyos ba ang sento ng aking buhay o baka naman sa mga bagay na makamundo o mga tao umiikot ang buhay ko? Kailan ko masasabing nagdasal ako ng mabuti? Tandaan natin na ang tunay na panalangin ay pagkikikipag-ugnayan sa Diyos at hindi lang salitang lumalabas sa ating bibig. Ang pag-aaayuno naman ay hindi lamang para sa mga nakatatanda at hindi lamang nangangahulugan ng pagbabawas ng pagkain. Mas kinalulugdan ng Diyos ang ayuno ng pagbabawas ng ating mga masamang pag-uugali na nakakasira sa ating sarili at sa iba tulad ng mga bisyo, pagmumura, paninira sa kapwa, pagsisinungaling, tsismis at mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos. Sa apatnapung araw ng Kuwaresma ay sikapin nating madisplina ang ating sarili sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aayuno. Sa ganitong paraan ay mapagtatagumpayan natin ang maraming tuksong darating sa ating buhay. Ngayong Taon ng Mga Layko ay piliin natin ang maging matapang: "Choose to be brave!" lalo na sa harapan ng maraming tukso sa ating buhay. Makakaya natin ito sapagkat sa ating kahinaan ang Diyos ang ating kalakasan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento