Sabado, Pebrero 8, 2014

TAYO AY ASIN AT ILAW: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year A - February 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY

Ang buwan ng Pebrero ay PRO-LIFE MONTH na kung saan ay inaanyayahan tayong ipagdasal, ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng tao, buhay na mula sa sinapupunan hanggang kamatayan nito.  May isa akong estudayante na may ganitong "motto" sa buhay: "To live not only to exist!"  Tunay nga naman na hindi lahat ng nag-eexist ay buhay!  May mga nilalang na may buhay at mayroon ding walang buhay.  Ngunit hindi sapagkat humihinga ay buhay na... baka nag-eexist lang sila at hindi naman talaga buhay!  May mga ilan kasing tao na parang walang patutunguhan ang buhay.  Hindi mo alam kung saan pupunta at parang walang direksiyon ang tinatahak na landas.  May mga ilan naman na sinasayang ang buhay nila sa makamundong pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakasisira sa kanilang katawan o kaya naman ay namumuhay na walang panggalang sa kanilang dignidad bilang tao.  Hindi lang sapat na tayo ay humihinga. Dapat din na tayo ay nabubuhay na BUHAY!  Sapagkat ang sabi nga ni San Ireneo: "The glory of God is man (and woman) who is fully alive!"  Ito rin ang binibigyang  diin ngayon sa ating Ebanghelyo.  Ito ang ibig sabihn na maging ASIN at ILAW NG SANLIBUTAN. Ang asin na walang lasa ay walang kuwenta.   Ngunit nawawalan ba ng alat ang asin?  Noong panahon ni Jesus na kung saan ang aisn ay direktang kinukuha sa dagat at parang mga "rock crystals" na inilalagay sa maliit na supot at ibinababad sa lutuin, ay talagang maaring mawalan ito ng lasa.  Kaya nga't ang mga latak nito ay itinatapon na lamang sa labas at inaapakan ng mga tao. Bilang "asin ng sanlibutan", pinapaalalahan tayo ni Jesus na "magbigay lasa" sa buhay ng iba.  Katulad din ito ng mensahe ni Jesus ng sinabi niyang tayo ay ILAW NG SANLIBUTAN at dapat ay magliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba ang ating mabubuting gawa.  Iisa lang ipinahihiwatig ng dalawang paghahambing na ibinigay ni Jesus, na dapat ang bawat Kristiyano ay maging "Mabuting Balita" sa kanyang kapwa!  Ang pagiging "Mabuitng Balita" ay nangangahulugan ng isang MARANGAL at BANAL na pamumuhay nating lahat. Tandaan natin na ang kabutihan ay nakakahawa kung paanong ang kasamaan ay gayun din. Higit na nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng tao kung ginagamit niya ito para sa kabutihan.  Ngayong Taon ng mga Layko ay hinahamon tayong gamitin ang ating talino, talento, oras at kung ano mang meron tayo upang makatulong sa pagpapalaganap ng kabutihan.  Ikaw man ay nagtratrabaho, nag-aaral, o kahit nasa bahay lamang ay maari kang maging buhay na SAKSI ni Kristo.  Ang katapatan at pagiging makatarungan sa ating pang-araw-araw na gawain ay mga konkretong paraa upang maging ASIN AT ILAW ng mundo.  May alat at liwanag ka pa ba bilang Kristiyano?

Walang komento: