Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 29, 2014
MATA NG PANANAMPALATAYA: Reflection for the 4th Sunday of Lent Year A - March 30, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Kung ang Panahon ng Adbiyento ay may tinatawag na "Gaudete Sunday", ang Panahon ng Kuwaresma ay may "Laetare Sunday" kung tawagin. Katulad ng Adbiyento, ang kahulugan ng Laetare ay "magsaya". Magsaya sapagkat nalalapit na ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo. "Magsaya" sapagkat nababaagan na natin ang liwanag na gagapi sa kadiliman at pagkabulag ng sanlibutan. May dalawang uri ang pagkabulag. Ang pinakakaraniwan ay ang pagkabulag dahil sa pagkawala ng paningin. Ito ay isang uri ng pisikal na kapansanan. Mahirap na itong ibalik lalo na't ang pagkabulag ay mula pa sa pagkasilang. Nangangailangan na ito ng isang himala. Ngunit may mga tao din namang nakakakita ngunit nabubuhay na parang mga bulag. Ang tawag natin ay mga taong "nagbubulag-bulagan". Ito naman ay ang mga taong pinili ang "hindi makakita" sapagkat ayaw nila at hindi matanggap ang katotohanan. Mas mahirap itong pagalingin sapagkat nasa taong bulag ang desisyon para makakita! May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ako sa aking sarili. Naging palalo po ako! Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi imahinasyon!" Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... pagkabulag sa katotohanan. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay! Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Tanging "mata ng pananampalataya" ang ating magagamit na panlunas sa sakit na pagbubulag-bulagan. Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"
Sabado, Marso 22, 2014
TUBIG NG BUHAY: Reflection for 3rd Sunday of Lent Year C - March 23, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Saksi tayo sa kapangyarihan ng tubig nitong nakaraang mga taon. Tubig ang nagpapalubog at nangwawasak ng maraming bahay at kabuhayan ito man ay dala ng bagyo o matinding pagbaha sa isang siyudad o probinsiya. Ngunit sa isang banda alam din nating ang dala ng tubig ay buhay. Tao, hayop o halaman man ay binubuhay ng tubig. Ano ba ang biyayang naibibigay ng tubig sa 'ting mga tao? At ano naman ang kinalaman nito sa ating buhay espirituwal? May joke akong nabasa sa isang text: "A thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n'yo yan? MATANDA: Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?" hehehe... Tama nga naman si Granny... ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya nga yung mga "can't afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike... ok lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila 'yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal. Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na naramdaman ni Hesus kaya't inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!" Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil ay iba't ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal, pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc. Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa lamang... ang pagkauhaw sa Diyos! Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang pangangailangan sa Diyos. Kaya nga hinihikayat tayo sa panahon ng Kuwaresma na palalimin ang ating buhay panalangin. Ang isdang tinanggal mo sa tubig ay mamamatay. Ang ibong tinanggalan mo ng hangin ay hindi makakalipad. Ang panalangin ay parang tubig at hangin. Hindi tayo maaring mabuhay kung wala ito. Ang pangangailangan sa Diyos ay pagpapakita na tayo ay tunay na tao. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Nawa ngayong Taon ng mga Layko ay tunay na madama ng bawat isa sa atin ang kakulangan kung wala ang Diyos sa ating piling. 'Wag tayong padadala sa agos ng mundo na winawalang bahala ang ating relasyon o pakikipag-ugnayan sa Diyos. Hayaan natin Siyang pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon... di mapapanatag ang aming mga puso hangga't hindi ito nahihimlay sa 'Yo!"
Sabado, Marso 15, 2014
CHRISTIAN ID: Reflection for 2nd Sunday of Lent Year A - March 16, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Sabi sa isang text na aking natanggap: "NO PAIN, NO GAIN! NO GUTS, NO GLORY! NO ID, NO ENTRY!" Ano'ng "connect?" Ano ba ang ID natin para makapasok sa pintuan ng langit? May kwento ng isang batang nakakita ng "pupa" na malapit ng maging paru-paro na nakasabit sa isang puno. Tamang-tamang nakita niya ang unti-unting paglabas ng tila isang uod sa kinalalagyan nito. Nakita ng bata ang hirap na hirap na pagpupumilit nitong lumabas. Sa sobrang habag nito ay kumuha siya ng gunting at ginupit ang pupa. Nakalabas naman ang kaawa-awang nilalang ngunit sa laking pagkadismaya niya ay isang "malnourished na paro-paro" ang kanyang nakita na hindi halos maibukas ang di pa kumpletong pakpak. Hindi naunawaan ng bata na kinakailangan talaga nitong maghirap sa paglabas upang makakuha ng kinakailangang "fluids" sa katawan at magamit ito upang magkaroon ng isang malakas at magandang pakpak bilang isang paruparo. Ang ID ng isang Kristiyano para makapasok sa pintuan ng langit ay katulad din ng ID na ginamit ni Hesus para makamit ang kaluwalhatian ng pagkabuhay... ang KRUS NG PAGPAPAKASAKIT AT PAGHIHIRAP. Kaya nga sa panahon ng Kuwaresma ay nakikibahagi tayo sa paghihirap ni Jesus nang sa gayon ay makasama rin natin siya sa Kanyang Muling Pagkabuhay! "Guro, mabuti pa'y dumito na tayo!" ang sabi ni Pedro pagkatapos niyang makita ang pagbabagong anyo ni Jesus. Marahil ay manghang-mangha si Pedro sa kanayang nasaksihan at ayaw na n'yang magising sa pagkamangha. Ngunit pagkatapos ng pangitain ay bumaba uli sila sa bundok upang harapin ni Jesus ang Kanyang paghihirap at kamatayan. Kailangan N'yang daanan muna ang daan ng Krus bago Niya makamit ang kaluwalhatian ng Muling Pagkabuhay. Ito rin ang daan na nais ni Jesus na ating tahakin. 'Wag nating ayawan ang mga paghihirap na ibinibigay ng Diyos sa atin. Ito ay ang mga krus na dapat nating pasanin araw-araw kung nais nating makasama si Jesus. May kaluwalhatiang naghihintay tulad ng ipinaranas ni Jesus sa mga alagad ngunit hindi nito tinatanggal ang mga kahirapang dapat nating harapin. Magsakripisyo tayo sa matapat na pagtupad ng ating mga tungkulin ito man ay pagtratrabaho, pag-aaral o simpleng gawaing bahay. Ngayong Taon ng Mga Layko ay mapakatapang tayong harapin ang Krus ng pagsasakripisyo at pagpapakasakit."Choose to be brave!" Piliin nating magpakatapang. Huwag tayong pangunahan ng pag-aalinlangan at pagkatakot. Ang sabi nga ni San Pablo: "If we died with Christ, we believe that we shall also rise with him!" Ito ang ID kung nais nating makapasok sa pintuan ng langit. Tandaan: NO ID, NO ENTRY... NO CROSS, NO GLORY!
Biyernes, Marso 7, 2014
TUKSO: Reflection for the 1st Sunday of Lent Year A - March 9, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Isang tatay na nagdiriwang ng kanyang ika-50 kaarawan ang masiglang gumising upang harapin ang mahalagang araw na ito ng kanyang buhay. Ngunit laking pagkagulat niya ng wala man lang bumati sa kanya sa bahay. Ang kanyang mga anak ay maagang nagsipasukan sa paaralan. Ang kanya namang asawa ay abalang-abala sa gawaing bahay at naghahanda sa pamamalengke. Nakadagdag pa sa kanyang kalungkutan ng pumassok siya sa opina at wala man lamang ni isa na bumati sa kanya. Halos patapos na ang araw at naghihintay pa rin siya ng kahit isa man lang na lalapit upang bumati. Sa wakas, ang kanyang magandang sekretarya ay pabulong na nagsabing: "Happy birthday po sir." Medyo may pagkamalandi ang kanyang tinig at idinugtong na" "Sir, baka naman gusto ninyong sa bahay ko na lang tayo magcelebrate ng inyong birthday?" "Bakit nga ba hindi?" tanong niya sa kanyang sarili. Siya lang naman sa lahat ang nakaalala na birthday nya ngayon. Kaya't sumama siya sa bahay ng kanyang sekretarya. Pagdating sa bahay ay laking pagkagulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lugar. May pagkadimlight ang sala, may two glasses of wine sa maliit na lamesa at may romatic background music na nagpapalamig sa apat na sulok ng bahay. Kinabahan siya at lalong pang lumakas ang kalabog ng kanyang dibdib ng sabihin ng sekretaryang hintayin lang siya at magpapalit lang siya ng mas kumportableng damit. Ilang sandali ang lumipas at narinig na naman niya ang malanding tinig nito: "Sir, nandyan na po ako ready na kayo..." At pagkatapos ay biglang bumukas ang mga ilaw at malakas na pagbati ang bumulaga sa kanya "HAPPY BIRTHDAY! SURPRISE!!!" Laking pagkagulat niya sapagkat naroroon ang kanyang asawa at mga anak, mga ka-opisina at kaibigan. Ngunit mas malaki ang pagkagulat ng lahat ng makita siyang nakababa na ang pantalon at wala ng damit pantaas! hehehe... ang tukso nga naman napakahirap iwasan lalo na't pag nasa iyo ng harapan. Kung ang malakas na super typhoon Yolanda ay nanira ng maraming bahay at kabuhayan, ang malakas na tukso namang 'YoLANDI" ay kayang sumira ng buhay at tahanan. Wala nang hihigit pa sa pinsalang idinudulot ng tukso sa pang-araw-araw nating buhay. Hindi lang bahay o buhay ang sinisira, ngunit higit ang ating buhay espirituwal ay isinasapanganib! Maari bang layuan tayo ng tukso? Hindi. Bagkus ito pa nga lapit ng lapit sa atin! Kahit si Jesus na Anak ng Diyos ay hindi pinatawad na lapitan ng tukso. Marahil ang nag-iiba sa atin kay Jesus ay kailanman ay hindi nakapanaig sa kanya ang tukso. Bagkus ito pa nga ay kanyang napagtagumpayan. Ito ang laman ngayon ng Ebanghelyo, nanaig si Jesus sa tukso ng diyablo! Sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma ay binibigyan kaagad tayo ni Jesus ng halimbawa kung papaano nating mapagtatagumpayan ang maraming tukso sa ating buhay. Dalawang mabisang panalaban ang ginamit ni Jesus na siyang sinasabi ng Simbahan na atin ding magagamit ngayong panahon ng Kuwaresma: pagdarasal at pag-aayuno! Apatnapung araw itong ginawa ni Jesus. Hindi nangangahulugang ganoon din kahaba ang ating gagawin. Sinasabi lamang sa ating kung seryoso tayo sa pakikipaglaban sa diyablo ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang Diyos ba ang sento ng aking buhay o baka naman sa mga bagay na makamundo o mga tao umiikot ang buhay ko? Kailan ko masasabing nagdasal ako ng mabuti? Tandaan natin na ang tunay na panalangin ay pagkikikipag-ugnayan sa Diyos at hindi lang salitang lumalabas sa ating bibig. Ang pag-aaayuno naman ay hindi lamang para sa mga nakatatanda at hindi lamang nangangahulugan ng pagbabawas ng pagkain. Mas kinalulugdan ng Diyos ang ayuno ng pagbabawas ng ating mga masamang pag-uugali na nakakasira sa ating sarili at sa iba tulad ng mga bisyo, pagmumura, paninira sa kapwa, pagsisinungaling, tsismis at mga gawaing hindi nakalulugod sa Diyos. Sa apatnapung araw ng Kuwaresma ay sikapin nating madisplina ang ating sarili sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aayuno. Sa ganitong paraan ay mapagtatagumpayan natin ang maraming tuksong darating sa ating buhay. Ngayong Taon ng Mga Layko ay piliin natin ang maging matapang: "Choose to be brave!" lalo na sa harapan ng maraming tukso sa ating buhay. Makakaya natin ito sapagkat sa ating kahinaan ang Diyos ang ating kalakasan!
Miyerkules, Marso 5, 2014
MIYERKULES NG ABO (Reposted) : Reflection for Ash Wednesday - March 5, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan. Ang araw na ito ang simula ng panahon na tinatawag nating Kuwaresma o ang apatnapung araw ng paghahanda natin sa pagdiriwang ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus. Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". Minsang may isang dalagitang nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa? Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon. Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang! Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.
Sabado, Marso 1, 2014
ANG BOSSING NG BUHAY KO: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time Year A - March 2, 2014
Sino ba ang "bossing" mo? Ang itunuturing nating "boss" ay mga taong nagdidikta ng ating gagawin at mga ikinikilos. Sila ang "nagpapatakbo" ng ating buhay. Ngunit di lang naman tao ang tinatawag nating "boss". Kahit ang mga materyal na bagay ay maaring tawaging "boss". Ano ba ang ating mga pinagkakaabalahan sa buhay? Ano ba ang ating mga alalahanin? Saan ba nakatuon ang ating puso?
Isang kura paroko ang balisang-balisa kung saan n'ya kukunin ang malaking halagang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang parokya. Sinisingil na s'ya ng mga contractors ng kanyang pinapagawang simbahan at parish hall. Ipinadala na ang notice ng Meralco na mapuputalan na sila ng kuryente. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala pa siyang pangsuweldo sa mga empleyado ng parokya. Gulong-gulo ang kanyang isipan. Saan s'ya hahanap ng pera? Nagkataong nagkaroon ng promo ang isang RC Cola, ang grand prize: sampung milyong piso! Simple lang ang gagawin. Bibili lang ng softdrinks. Bubuksan ang takip. Bubuuin ang tatlong numero: 1, 2 at 3! At presto... may 10 million pesos ka na! Agad-agad nagtungo ng tindahan si padre at bumili ng isang case na RC cola! Mukhang nadasalan niya ata ang mga softdrinks sapagkat sa unang bukas pa lamang ng tansan ay lumabas agad ang # 1. Sa susunod na bukas ay lumabas naman ang # 3. Excited na binuksan niya ang pangatlo ngunit hindi lumabas ang # 2. Nagbukas siya uli ngunit ang lumalabas ay pag hindi # 1 ay # 3. Ayaw talagang lumabas ng # 2. Nakasampung case na siya ng softdrinks ngunit wala pa rin ang #2. Nang biglang may lalaking lumapit sa kanya na ang sabi: "Father, gusto ko pong magkumpisal..." Balisang-balisang sumagot ang pari: "Bakit naman ngayon pa! May ginagawa ako! Bakit? Anu bang kasalanan mo?" Sumagot ang lalaki: "Father may number two po ako..." Biglang napasigaw ang pari: "Ano? may number two ka? Akin na lang!" ehehe.. Kung minsan katulad din tayo ng pari. Balisang-balisa sa paghahanap ng pera. Balisang-balisa sa pagkakaroon ng kayamanan! Para sa atin ang sinasabi ng Panginoon: "Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at kayamanan." Totoong kinakailangan natin ang pera para mabuhay. Kinakailangan natin ng pagkain, kasuotan at matitirhan. Ang mga ito ay nangangailangan ng salapi. Hindi masama ang maghangad at magkaroon nito. Ang masama ay sobrang paghahangad nito at nawawala na ang ating tiwala sa Diyos na mapagkalinga at mapag-aruga. Sa mga pagbasa sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayo ng Diyos na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa kanya. Sa unang pagbasa pa lamang ay sinasabihan na tayong kailanman ay hindi tayo malilimutan at tatalikuran ng Diyos kaya't dapat lang tayong magtiwala sa Kanya. Sa Ebanghelyo ay gumamit pa ang Panginoon ng mga halimbawa: ang mga ibon sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang: ang mga ito'y inaalagaan ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong mas higit pa sa mga ito? Kaya nga't napakaganda ng kanyang habilin sa atin: "Hanapin natin ang kaharian ng Diyos at magsumikap na gawin ang Kanyang kalooban at ang atin namang pangangailangan ay Kanyang sasagutin." Tandaan natin na may mga bagay na hindi nabibili ng salapi tulad ng pagmamahal, pagpapatawad, kapayapaan at higit sa lahat ang kaligtasan ng ating kaluluwa! Magtrabaho tayo upang mabuhay. Ngunit mabuhay tayo na nagtratrabaho para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Tugunan natin ang mga pangunahing pangangailan ng ating katawan. Ngunit wag nating kalilimutan na may kaluluwa tayong dapat iligtas. Pagsilbihan natin ang tunay na amo! Hindi tayo maaring magsilbi ng sabay sa dalawang panginoon. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa ating pagpili. "Choose to be brave!" Matapang piliin ang "tunay nating Boss" at paglingkuran natin Siya ng may galak at katapatan. Sino ba ang" bossing ng buhay mo?
Isang kura paroko ang balisang-balisa kung saan n'ya kukunin ang malaking halagang kinakailangan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang parokya. Sinisingil na s'ya ng mga contractors ng kanyang pinapagawang simbahan at parish hall. Ipinadala na ang notice ng Meralco na mapuputalan na sila ng kuryente. Malapit na ang katapusan ng buwan at wala pa siyang pangsuweldo sa mga empleyado ng parokya. Gulong-gulo ang kanyang isipan. Saan s'ya hahanap ng pera? Nagkataong nagkaroon ng promo ang isang RC Cola, ang grand prize: sampung milyong piso! Simple lang ang gagawin. Bibili lang ng softdrinks. Bubuksan ang takip. Bubuuin ang tatlong numero: 1, 2 at 3! At presto... may 10 million pesos ka na! Agad-agad nagtungo ng tindahan si padre at bumili ng isang case na RC cola! Mukhang nadasalan niya ata ang mga softdrinks sapagkat sa unang bukas pa lamang ng tansan ay lumabas agad ang # 1. Sa susunod na bukas ay lumabas naman ang # 3. Excited na binuksan niya ang pangatlo ngunit hindi lumabas ang # 2. Nagbukas siya uli ngunit ang lumalabas ay pag hindi # 1 ay # 3. Ayaw talagang lumabas ng # 2. Nakasampung case na siya ng softdrinks ngunit wala pa rin ang #2. Nang biglang may lalaking lumapit sa kanya na ang sabi: "Father, gusto ko pong magkumpisal..." Balisang-balisang sumagot ang pari: "Bakit naman ngayon pa! May ginagawa ako! Bakit? Anu bang kasalanan mo?" Sumagot ang lalaki: "Father may number two po ako..." Biglang napasigaw ang pari: "Ano? may number two ka? Akin na lang!" ehehe.. Kung minsan katulad din tayo ng pari. Balisang-balisa sa paghahanap ng pera. Balisang-balisa sa pagkakaroon ng kayamanan! Para sa atin ang sinasabi ng Panginoon: "Hindi kayo makapaglilingkod ng sabay sa Diyos at kayamanan." Totoong kinakailangan natin ang pera para mabuhay. Kinakailangan natin ng pagkain, kasuotan at matitirhan. Ang mga ito ay nangangailangan ng salapi. Hindi masama ang maghangad at magkaroon nito. Ang masama ay sobrang paghahangad nito at nawawala na ang ating tiwala sa Diyos na mapagkalinga at mapag-aruga. Sa mga pagbasa sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayo ng Diyos na ilagay natin ang ating pagtitiwala sa kanya. Sa unang pagbasa pa lamang ay sinasabihan na tayong kailanman ay hindi tayo malilimutan at tatalikuran ng Diyos kaya't dapat lang tayong magtiwala sa Kanya. Sa Ebanghelyo ay gumamit pa ang Panginoon ng mga halimbawa: ang mga ibon sa himpapawid, ang mga bulaklak sa parang: ang mga ito'y inaalagaan ng Diyos. Paano pa kaya tayong mga taong mas higit pa sa mga ito? Kaya nga't napakaganda ng kanyang habilin sa atin: "Hanapin natin ang kaharian ng Diyos at magsumikap na gawin ang Kanyang kalooban at ang atin namang pangangailangan ay Kanyang sasagutin." Tandaan natin na may mga bagay na hindi nabibili ng salapi tulad ng pagmamahal, pagpapatawad, kapayapaan at higit sa lahat ang kaligtasan ng ating kaluluwa! Magtrabaho tayo upang mabuhay. Ngunit mabuhay tayo na nagtratrabaho para sa kaligtasan ng ating kaluluwa. Tugunan natin ang mga pangunahing pangangailan ng ating katawan. Ngunit wag nating kalilimutan na may kaluluwa tayong dapat iligtas. Pagsilbihan natin ang tunay na amo! Hindi tayo maaring magsilbi ng sabay sa dalawang panginoon. Ngayong Taon ng mga Layko ay maging matapang tayo sa ating pagpili. "Choose to be brave!" Matapang piliin ang "tunay nating Boss" at paglingkuran natin Siya ng may galak at katapatan. Sino ba ang" bossing ng buhay mo?
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)