Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 16, 2014
ANG KILITI-NG-DIYOS (Reposted & Revised) : 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 17, 2015 - YEAR OF THE LAITY
Iba't iba ang ating kiliti! Kapag nakuha mo raw ang kiliti ng isang tao ay madali mong makukuha ang kanyang kalooban. May katotohanan ito. Sa iba ang kiliti ay pagkain. Pakainin mo lang ng kanyang paborito at solve ka na! Sa iba naman ay "pride" o kayabangan. Purihin mo ang kanyang anyo o ugali at friendship ever na kayo! Kung ito ay totoo sa tao, ito rin ba kaya ay totoo sa Diyos? Mayroon ba Siyang kiliti? Ano ba ang kiliti ng Diyos? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay makikita nating ang kanyang kiliti ay ang panalangin ng isang taong may malalim na pananampalataya! At ito ang panalanging pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Malamang ay sapagkat hindi pa natin nakukuha ang Kanyang kiliti! Ang panalanging may malalim na pananampalataya ang nakakahulog ng Kanyang kalooban upang maipagkaloob niya sa atin ang ating hinihingi. Mayroon itong dalawang katangian. Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit. Pansinin ninyo ang panalangin ng isang babae. "A lady's prayer... At 20 years: Lord, I want the best man. At 25: Lord, I want a good man. At 30: Lord, I want any man... at 45: Lord, na- mannnnn..." Sigurado akong maawa din ang Diyos sa kanya! hehe... Pero ito naman talaga ang gusto ng Diyos kapag tayo ay nagdarasal. Una, nais Niya na "kinukulit" natin siya! "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!"Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Pangalawa ay pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea sa ebangelyo ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "aso" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang aso ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili! Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang kahilingan. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng panalanging may pananampalataya ang kalakasan nating mga tao at ang kahinaan naman ng Diyos. Tunay na may kahinaan ang Diyos sa mga taong nagdarasal ng may pananalig. Ito ang kanyang KILITI!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento