Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 2, 2014
BANAL NA PASTOL, BANAL NA KAWAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - August 3, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Bukas, ika-apat ng Agosto ay ang Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ang kinikilalang patron ng mga pari lalo't higit ng mga Kura Paroko. Kaya nga ang araw na ito ng Linggo ay tinatawag ding "Linggo ng Kura Paroko." May kuwento ng tatlong kura paroko na pinag-uusapan ang kanilang mga sakristan. Nagpapayabangan sila kung sino sa kanila ang may pinakatangang sakristan. Tinawag ng unang pari ang kanyang sakristan at inutusan. "O eto ang isandaang piso ha? Ibili mo nga ako ng LCD TV para sa ating simbahan." Agad agad namang kinuha nito ang pera at umalis para bumili. "Tanga di ba? " Sabi ng unang pari. Tinawag naman ng ikawala ang kanyang sakristan. "O, eto ang isanlibong piso... ibili mo nga ako ng bagong sasakyan. Luma na kasi ang service natin sa parokya!" Agad ding sumunod ito at umalis. "O di ba mas tanga yun? hehehe" patawang sabi ng ikalawang pari. "Ah... wala yan sa sakristan ko... Hoy, halika nga. Pakitingin nga kung nandun ako sa labas! " Labas naman agad ang sakristan ngunit bumalik agad, "Padre, ano nga pala ang kulay ng damit na suot ninyo?" Pakamot sa ulo na tanong ng sakristan. "Ang tatanga talaga ng mga sakristan natin! hehehe" Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkita-kita pala ang tatlong sakristan sa labas? Sabi ng unang inutusan, "Pare, ang tanga ng kura-paroko ko... biruin mo, pinabibili ako ng LCD TV sa halagang Php 100 lang!" Singit naman ng ikalawa, "Ah, wala yan sa kura-paroko ko... pinabibili ba naman ako ng bagong kotse sa halagang Php 1000 lang! Ano ako tanga? hehehe" At pasigaw na sabi ng ikatlo, wala ng tatalo sa katangahan ng kura paroko ko, biruin mo, pinahahanap niya ang kanyang sarili kung nasa labas daw sya! Eh magkausap kaya kami! hehehe..." Ang kinalabasan mas lumabas pang tanga ang mga kura kaysa kanilang mga sakristtan! Ano nga ba ang mayroon sa mga Kura Paroko at inaalala natin sila ngayon? Gaano ba kahalaga ang kanilang misyon sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos? Ang misyon ni Jesus na pagliligtas ay isinakatuparan Niya sa tulong ng mga kanyang mga alagad na hinirang... ang mga apostol. Si Pedro na hinirang at kinilalang pinuno ng mga apostol ay nagtalaga naman ng kanyang mga kahalili na ang tawag natin ngayon ay mga "obispo" na nangangasiwa sa malalaking "kawan" ng sambayanan na ang tawag ay "diyosesis." Sa lawak at dami ng kanilang nasasakupan, ang mga obispo naman ay nagtalaga ng mga pari na hahawak sa mas maliliit na "kawan" na ang tawag natin ay "parokya". At dito ngayon pumapasok ang kahalagahann ng mga pari, lalo na ang mga kura paroko sa pangangasiwa sa kawan ng Diyos. Sa Ebanghelyo ay sinabi ni Jesus na sila mismo (ang mga alagad) ang "magpakain" sa mga gutom na taong sumunod sa kanila sa ilang. "Hindi na sila kailangang, umalis pa. Kayo ang magbigay sa kanila ng pagkain!" Ang himala ng pagpaparami ng tinapay at isda ay sumasagisag sa Banal na Eukaristiya na kung saan tinutugunan ng Sakramento ang espirituwal na pagkagutom ng mga tao; at ang mga alagad ang naatasang maging instrumento upang maisakatuparan ang gawaing ito. Ang mga Kura-Paroko ay nabigyan ng responsibilidad na pamunuan, alagaan, ipagtanggol at gabayan ang kawang ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro at sa mga kahalili niya. Ipagdasal natin sa misang ito na sana ay biyayaan pa tayo ng Diyos ng mga mabubuti at banal na pari upang maipagpatuloy ang gawaing pagliligtas ni Kristo. Sa Banal na Eukaristiya ay mas nabibigyang linaw ang mahalagang papel ng mga pari sa pagpapabanal ng Simbahan kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal at pagsuporta sa ating mga kaparian. Tao rin sila na may kahinaan at kakulangan. Ipagdasal natin na sana ay ang Diyos ang magsilbing kanilang kalakasan.. Ngayong Taon ng mga Layko ay binibigyang pansin natin ang mahalagang papel ng mga ordinaryong tao sa pagpapabanal ng kanilang mga namumuno. Ipanalangin natin sila sapagkat ang "banal na pastol" ay siguradong magdadala sa kabanalan ng kanyang kawan. Maraming salamat po sa inyong mga panalangin!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento