Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 9, 2014
MULTO SA IBABAW NG TUBIG (Reposted & Revised) : Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - August 10, 2014 - YEAR OF THE LAITY
Totoo bang may "multo?" Iba't iba ang pananaw dito... ngunit nakakapagtaka na sa kabila ng mabilis na pag-unlad ng ating pamumuhay, tayo ay nasa "computer age" na, ay hindi pa rin namamatay ang paniniwala sa mga espiritu o tinatawag nating multo. May kuwento na minsan ay may pari na tinawag ng isang pamilya upang palayasin ang multo na nanggugulo sa kanilang bahay. Naglabas ang pari ng isang "crucifix" at itinapat ito sa lugar na kung saan ay nagpapakita daw ang multo. Nakita lamang ito ng multo at tumawa! "Ano itong isinasabit mo padre? Dekorasyon? Hindi ako natatakot d'yan!" Naglabas ang pari ng "holy water" at binasbasan ang bawat sulok ng kwarto ng banal na tubig. Wala ring nangyari. Ininom lamang ng multo ang holy water. Sa kahuli-hulihan ay inilabass ng pari ang "collection basket" na ginagamit sa Misa. Mabilis pa sa hangin ay biglang naglaho ang multo at di na bumalik! Lesson: Hindi lang multo ang naglalaho kundi ang mga tao ring nagsisimba kapag nagsisimula ng ilibot ang basket sa Misa! hehehe... Napagkamalang multo ng mga alagad si Jesus dahil naglakad siya sa ibabaw ng tubig. Ang kanilang unang naramdaman ay pagkatakot. Ngunit naglaho ito ng marinig nila ang tinig ni Jesus: "Huwag kayong matakot... ako ito!" Marami tayong "multo sa buhay" na kinatatakutan. "Multo ng mga nakaraan" na hanggang ngayon ay pumipigil sa atin upang magpatuloy sa hinaharap... masasamang pangyayari, karanasan, relasyon, alaala. Sa katanuyan ay tapos na sila ngunit hindi pa rin natin maiwanan kayat patuloy ang ating paninisi sa kanila at sa ating mga sarili at sa ibang tao. "Huwag kayong matakot!" Ito ang nais sabihin sa atin ni Jesus. Patawarin natin "sila" at ang ating mga sarili sapagkat pinatawad na tayo ng Diyos! Pakawalan na natin sila! "Let it go! Let is go!" ang sabi nga ng kanta. Ang mga multo ng nakaraan ang pumipigil sa atin upang makabangon at mabigyan ng bagong direksyon ang ating buhay! Ngunit hindi lang sapat ang mag "let go!" Dapat ay marunong din tayong mag "Let God!" Let go and let God! Huwag na nating hayaang multuhin nila tayo at sa halip ay hayaan nating ang Diyos ang maghari sa ating buhay. Dito kinakailangan ang ating malalim na pananampalataya. Sa Ebanghelyo ay nakita natin ang kakulangan ng pananampalataya ni Pedro kaya't siya ay lumubog sa tubig! Tayo rin lulubog sa tubig ng kawalan ng pag-asa kung hindi natin kakapitan ang Diyos sa ating buhay. Ang pananampalataya ay ang ating buong buhay na pagtaya sa Diyos anuman ang mangyari sa ating buhay! Huwag nating hayaang ilihis ng "malalaking alon" ng pagsubok ang ating pagtitiwala sa kanya kapag nagsimula na tayong maglakad sa tubig ng pag-aalinlangan. Kailangang nakapako ang ating pag-iisip sa Panginoon sa kabila ng lahat ng kaguluhan, problema at mga pagsubok sa ating buhay. Hindi crucifix, holy water o collection basket ang mabisang pangontra sa multo kundi isang malalim at buhay na PANANAMPALATAYA!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento