Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 7, 2015
BUHAY NA TEMPLO : Reflection for the 3rd Sunday of Lent Year B - March 8, 2015 - YEAR OF THE POOR
Minsan ay may nagtanong sa akin kung puwedeng misahan ang kanilang patay sa bahay. Sinabi ko na sa ating parokya, ang karaniwang patakaran ay hindi pinapayagan ang misa sa loob ng bahay. Sa halip na misa ay maari itong puntahan ng pari o diakono ay bigyan ng "Funeral Blessing." Sapagkat noong minsang nagpunta ako sa isang bahay upang magmisa ay ito ang naratnan ko: Una, napakarumi ng lugar. Nang tinanong ko ang may patay kung bakit hindi nila nililinis ang kanilang bahay ay sumagot silang "masama daw maglinis kapag may patay" sabi ng mga matatanda. Mas pinaniniwalaan pa nila ang pamahiin kaysa kalinisan ng kanilang paligid. Pangalawa, may bumibirit sa Videoke na para bagang nagbabalak sumali sa "The Voice of the Philippines". At pangatlo, ayaw huminto ng mga nagsusugal at nag-iinuman sa lamay. At sa aking palagay ay tama lang naman dahil hindi nabibigyang rispeto ang pagdiriwang ng Banal na Misa; ibig sabihin ay hindi rin nabibigyan ng tamang paggalang ang Diyos! Walang kaibahan ito sa kawalan ng paggalang ng mga Judio sa loob ng templo na siyang dahilan ng ikinagalit ni Jesus sa mga nangangalakal sa Templo. Nagalit siya sapagkat hindi nabibigyan ng paggalang ang bahay ng Diyos. Sa katunayan ito ay nagiging lugar pa ng pandaraya at panlalamang sa kapwa. May karapatan siyang magalit sapagkat nilalapastangan ang templo na tahanan ng Diyos. Ngunit higit pa sa gusali ang templong kinakailangan nating igalang ay ang ating katawan. Ang sabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Ang tinutukoy niya ay kanyang katawan. Tayo rin ay naging templo ng Diyos noong tayo ay bininyagan. Nanahan sa atin ang Espirit Santo at ginawa tayong kanyang tahanan. Dapat din nating igalang at alagaan ang ating katawan bilang templo ng Diyos. Paano natin isasagawa ito? Kapag bumili tayo ng gamit sa bahay tulad ng mga appliances ay lagi itong may kasamang "Manual". Mahalagang sundan ang manual sapagkat nanggaling ito sa kumpanyag gumawa ng gamit na ating binili. Gayundin tayo, nilikha tayo ng Diyos at nag-iwan Siya ng "manual" sa atin. Naririyan ang ating budhi na nagsasabi sa atin kung ano ang tama at mali; ngunit higit sa lahat ay naririyan din ang Kanyang "Sampung Utos" upang ipaalam sa atin ang dapat nating gawin upang maalagaan natin ang buhay na kaloob Niya sa atin. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay pagpapakita natin ng paggalang at pagpapahalaga sa templong ito na nananahan sa atin at sa ating kapwa. Mataimtim ko bang sinusunod ang mga utos ng Diyos? O baka naman pinipili ko lang ang nais kong sundin? Ang panahon ng Kuwaresma ay laging nagpapaalala sa atin na suriin ang ating mga sarili at tingnan ang ating katapatan sa pagsunod kay Kristo. Alagaan natin ang "templo ng Diyos", pagnilayan natin at isabuhay ang Kanyang mga utos. Sa ganitong paraan tayo magiging banal at mga BUHAY N'YANG TEMPLO!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento