Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 14, 2015
HUMANAP KA NG PANGIT: Reflection for 4th Sunday of Lent Year B - March 15, 2015 - YEAR OF THE POOR
May isang pari na tinatawag na "Parekoy" na kuwela at mahilig biruin ang kanyang mga parokyano lalong-lalo na ang mga nag-aaply ng kasal. Minsan may lumapit sa kanya at nagtanong,"Father, magkano po ang kasal sa inyong parokya?" Sinagot siya ng pari, "Aba, depende yan sa itsura ng mapapangasawa mo." At dinala ng babae sa kanya ang kanyang gwapong nobyo at sabi ng pari, "Iha, sampung libo ang kasal mo dahil sa may itsura ang nobyo mo!" Pagkatapos ay my nagtanong uli sa kanya, "Fadz (short for father), magkano ang kasal sa simbahan ninyo?" Sumagot uli ang pari, "Aba, depende yan sa itsura ng mapapangasawa mo!" At pilit na hinila ng babae ang kanyang nahihiyang nobyo. Tiningnan siya ng pari mula ulo hanggang paa at ang sabi, "Iha, libre na lang ang kasal mo!" At pabulong na sinabi ng pari sa babae, "Bakit naman siya ang napili mong pakasalan? Napakalayo ng anyo ninyo. 'Pag nakasal kayo, siya, parang nanalo sa lotto, ikaw naman, nasunugan bahay." At sinabi ng dalaga, "Father, minahal ko siya; hindi sa kanyang anyo kundi sa kanyang puso! I fell in love not with his face. I fell in love... with his heart!" Kung minsan nga naman ay totoo ang kasabihang "love is blind!" Iba kasi ang pamantayan ng mundo sa pagmamahal. Kaya nga katawa-tawa ang kanta dati ni Andrew E na "Humanap ka ng pangit, ibigin mong tunay!" Ngunit kung ating titingnan ay ito ang ginawa ng Diyos ng ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak. Humanap Siya ng pangit at inibig Niyang tunay. Naging pangit tayo dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit sa kabila nito tayo ay lubos niyang minahal. Sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga_Efeso ay sinabi niya: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ng pg-ibig na iniukol niya sa atin..." Sa Ebanghelyo ay inilahad ni San Juan kung paano ito pinatunayan ng Diyos: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kaanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Kaya nga't sa panahon ng Kuwaresma ay nararapat lang na maunawaan natin ang malaking pagmamahal ng Diyos sa atin at sana ay maging pamantayan din natin ito sa ating pagmamahal sa kapwa. Ang pag-ibig ng Diys ay walang itinatangi. Ang pagmamahal Niya ay walang kundisyon. Sana, tayo rin, pagkatapos nating maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos ay magawa rin natin itong maipakita sa ating kapwa. Ngayong panahon ng Kuwaresma sa Taon ng Mga Dukha (Year of the Poor) ay sikapin nating ipadama ang pagmamahal ng Diyos sa ating mga kapwang hikahos sa pamumuhay. Makisa tayo sa kanilang paghihirap bilang pakikiisa sa paghihirap na dinanas ni Kristo. Matuto tayong umunawa, magpatawad at magmahal ng walang kundisyon o hinahanap na kapalit. Katulad ni Hesus, ibigin natin hindi lang ang mga kaibig-ibig. Hanapin natin ang mga "pangit at ibigin nating tunay!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento