Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 27, 2015
HAPPY DEATH DAY! : Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 28, 2015 - YEAR OF THE POOR
Minsan ay may nagsabi sa aking mali ang pagbati ng "Happy birthday" kapag may nagdiwang ng kanyang kaarawan. Dapat daw HAPPY DEATH DAY ang bati sapagkat ang pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit natin sa ating kamatayan. Totoo nga naman, walang taong tumatanda ng pabalik. Lahat tayo ay lumalapit sa ating kamatayan bawat araw at oras na ating inilalagi sa mundo. May isang paring nagpakumpisal.
"Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang
lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?"
tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong
napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong
ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos.
Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin
ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi...
minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari.
hehehe... Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na
kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay
ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay."
Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay
nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa
aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang
kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Bagamat
tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang
kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng
kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito
ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang
pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita
natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga
taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo
ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may
magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala
at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At
papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo
na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya
ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng
kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang
magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng
kamatayan. Kaya nga sa muli mong pagdiriwang ng iyong kaarawan, huwag kang matakot na awitan ang sarili mo ng HAPPY DEATH DAY TO ME!
Sabado, Hunyo 20, 2015
IN-CHARGE : Reflection for 12th Sunday in Ordinary Time Year B - June 21, 2015 - YEAR OF THE POOR
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang
takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa
party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng
sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala
ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong
nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na
ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling
salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng
anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata
sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas
dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw
sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya
matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito
at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo
na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po
kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko
yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas
ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig
Light... Ano nga ba ang katangian ng isang tatay? Kung pagbabatayan natin sa kuwento ang "tatay" ay mapagdisiplina ngunit may puso, may prinsipyo ngunit
maunawain, makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa
kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng
mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa. Kahit ang
kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung
papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal.
Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan. May mga
sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang
akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at
paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge!
Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa
ating buhay! Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Patuloy Niya tayong inaalagaan sa pamamagitan ng pagpapanatili at pagpapalago ng Kanyang mga nilikha. Nitong nakaraang tatlong araw ay naglabas ng Ikalawang Encyclical Letter ang ating Santo Papa Francisco tungkol sa Diyos na Manlilikha at ang dapat na kaugnayan natin sa Kanyang mga nilikha. Pinamagatan niya itong "Laudato Sii" na ang ibig sabihin ay "Praised be (God)!" Hango ito sa "Canticle of Canticles" ni St. Francis of Asisi na pagpupuri sa Diyos sa Kanyang mga nilikha. Ang mundo na ibinigay ng Diyos sa atin bilang tahanan ay pagpapatunay ng Kanyang patuloy na pagmamahal sa atin. Ginawa niya tayong "in-charge" upang pangasiwaan ito at alagaan. Ngunit sa tinatakbo ng mundo ngayon ay parang nawawala na sa isip ng tao na siya ay katiwala lamang. Masyado niyang inabuso ang kanyang kapangyarihang mamuno at pinabayaan at pinagsamantalahan ang mga nililkha ng Diyos. Kaya nga ang Santo Papa ay nagpapaalala sa atin na tayo, bilang Kanyang mga katiwala, ay dapat magpakita ng malasakit sa isa't isa sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga ng mundo bilang ating iisang tahanan. Ang Diyos ang "In-charge' sa Kanyang mga nilikha. Kaya Niyang patahimikin ang nag-aalburutong hangin at ang mga unos ng ating buhay na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan. Ngunit tayo rin ay "in-charge" sapagkat tinawag Niya tayong pamahalaan ang mundo at ang ating buhay ng may pananagutan at pagmamahal. Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", ating pagtiwalaan ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin at maging mga tatay din tayo na may pananagutan sa ating iisang mundong tinutuluyan bilang ating iisang tahanan.
Happy Fathers' Day sa inyong lahat!
Happy Fathers' Day sa inyong lahat!
Sabado, Hunyo 13, 2015
#SHAREGODSGOODNESS : Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time - Year B - June 14, 2015 - YEAR OF THE POOR
Si Jesus ay magaling na guro. Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon. Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan. Simple ang kanyang istilo. Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao. Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga "talinhaga" o "parables". Ang parables ya galing sa salitang griego (parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon". Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay! Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos: ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa. Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura. Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian. Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba! Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo." Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nababalot ng kahirapan at karahasan na gawa rin ng tao. Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba. Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan? Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay! Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin. Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga! Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan. May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people". Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba. Kunmbaga sa wika ng makabagong panahon #sharegoodness! Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan. Magpuhunan tayo sa paggawwa ng kabutihan. "Goodness is the only investment that never fails!" Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo. Sa halip na sisihin mo ang ibang tao, ang gobyerno, at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba. Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan... #SHAREGODSGOODNESS!
Sabado, Hunyo 6, 2015
NAGKAKAISANG KATAWAN : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 7, 2015 - YEAR OF THE POOR
Nabubuhay tayo sa panahon ng mga tanda! Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito. Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee! Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo! Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami. Sa ating mga Kristiyano may isang tanda ng dapat ay alam na alam natin. Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo! Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga
Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay
"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay
pagkakaisa: COMMON na, UNION pa! Ano ang nagbubuklod sa atin sa
Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin
sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! Sa Lumang Tipan
ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog
sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng
kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Sa Bagong Tipan ay
may pag-aalay pa ring nangyayari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi
ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa
pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang
natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang
bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na
ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga
pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nag-aalok ng Kanyang
sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya
nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag
araw ng Linggo. Hindi rin katanggap-tanggap ang ipagpaliban at
pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa alok ng Diyos na makibahagi tayo
sa Kanyang buhay! Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo
ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating
buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng
buhay, tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng
COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa
tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo
na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa!
Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan
ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga
taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan
ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad,
pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa. Tanging si
Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang
Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang
katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA! Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN. Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay. Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo. Tanggapin natin ang bawat isa ng may kagalakan. Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)