Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 27, 2015
HAPPY DEATH DAY! : Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year B - June 28, 2015 - YEAR OF THE POOR
Minsan ay may nagsabi sa aking mali ang pagbati ng "Happy birthday" kapag may nagdiwang ng kanyang kaarawan. Dapat daw HAPPY DEATH DAY ang bati sapagkat ang pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit natin sa ating kamatayan. Totoo nga naman, walang taong tumatanda ng pabalik. Lahat tayo ay lumalapit sa ating kamatayan bawat araw at oras na ating inilalagi sa mundo. May isang paring nagpakumpisal.
"Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang
lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?"
tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong
napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong
ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos.
Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin
ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi...
minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari.
hehehe... Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na
kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay
ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay."
Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay
nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa
aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang
kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Bagamat
tinubos tayo ni Hesus sa kasalanan ay hindi niya tinanggal ang
kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng
kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito
ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang
pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita
natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga
taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo
ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may
magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala
at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At
papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo
na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya
ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng
kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang
magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng
kamatayan. Kaya nga sa muli mong pagdiriwang ng iyong kaarawan, huwag kang matakot na awitan ang sarili mo ng HAPPY DEATH DAY TO ME!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento