Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews." Sino nga ba naman ang may gusto nito? Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon. Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita. "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema. Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis." Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao. Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila. Ito ang pagtawag na tinaggap ni Propeta Ezekiel sa unang pagbasa. "Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan!" Ngunit gayon pa man ay patuloy pa rin ang mga propeta sa pagtupad ng kanilang misyon. Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: "Ang propeta'y iginagalang ng lahat, liban lamang sa kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at kasambahay." At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos. Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta. Sa katunayan ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma". Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus. Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus. Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa. Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang paglabas ng balita na sa Amerika y pinayagan na ang "same sex marriage". Ano ba ang pananaw ng isang Kristiyano dito? May mga ilan-ilan na kilala ko na nakita kong nagpalit ng kanilang profile picture sa Facebook bilang pakikiisa at pagsang-ayon dito. Ngunit hindi sang-ayon dito ang Simbahan sapagkat hindi ito ang turo ni Jesus. Sa simula pa lamang ang kasal ay para lamang sa isang lalaki at isang babae ayon sa plano ng Diyos. Sa katunayan ay isang karumal-dumal na kasalanan ang pagtatalik ng lalaki sa kapwa lalaki at babae sa kapwa babae. Ito ang isa mga kadahilan kung bakit pinarusahan ni Yahweh ang Sodom at Gomorah! Ngunit may ilan pa rin ngayong nagsusulong na gawin itong legal kahit na batid nilang ito ay immoral. Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan. Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual". Ang Simbahan ay malugod na tumtanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian. Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin. Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan. Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan! At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila. Ang hindi pagsang-ayon ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan. Hindi tayo badnews para sa iba. Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!" Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento