May kasabihan tayong "ang utos ng hari hindi mababali!" Totoo din daw ito sa Simbahan: "Ang utos ng PARI HINDI MABABALI!" Ngunit ito ay makaluma ng pananaw. Ito ang paniniwala ng "Makalumang Simbahan". Ngayon, iba na ang kalakaran. Husgahan ninyo ang kuwentong ito:
"Tatlong magkakaibigang pari ang masayang nag-uusap at pinagkukwentuhan
nila ang kanilang mga tatanga-tangang sakristan. Sabi ng isa: "Naku,
kung patangahan lang ng sakristan eh wala ng tatalo sa sakristan ko!
Gusto n'yo ng sample?" Tinawag niya ang sakristan at sinabi "Manong, ito
ang isandaang piso, Ibili mo ako ng kotse ha? Gusto ko yung sports car
na kulay pula!" Agad-agad namang sumunod ito. Nagtawanan sila at di
naman nagpatalo ang isa. Tinawag din ang kanyang sakristan at inutusan.
"Iho, ito ang sampung piso. Pumunta ka nga sa Hongkong at ibili mo ako
ng masarap na Hongkong fried noodles!" Agad-agad ding tumalima ito.
Tawanan na naman ang tatlo ngunit biglang yabang na sinabi ng pangatlong
pari: "Ano ba yang mga sakristan niyo? Hindi nag-iisip? Tingnan n'yo
itong sakristan ko at sabay tawag sa kanya. "Iho, pumunta ka nga sa
labas at tingnan mo kung naroroon ako!" Tumalikod ang sakristan at
natigilan. Sa wakas mayroon isang nag-iisip and sa loob-loob nila.
"Padre", sabi niya, "may ipapasabi ba kayo sa inyong sarili?" Malakas na
tawanan ang sumunod. Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkitakita
pala sa labas ang tatlo nilang sakristan. Sabi ng isa: "Ang tanga-tanga
talaga ng pari namin. Biruin mo, binigyan ako ng isandaan piso para
bumuli ng kotseng sports car? Eh ni manibela di kasya ito!" "Ay mas
tanga, ang pari namin, binigyan ako ng isandaan piso para pumunta sa
Hongkong eh Divisoria lang eh kulang ito sa pagbalik!" "Ay wala yan sa
pari namin, pinapahanap ba naman ang sarili niya sa labas eh magkausap
kami!" hehehe. Datirati, sa LUMANG SIMBAHAN, ang mga pari ang "hari" at ang utos nila ay
ang dapat masusunod, makatwiran man ito o hindi. Ang laiko, mga
karaniwang Kristiyano, ay parang hindi nag-iisip na sunod-sunuran lamang
. Kasi nga naman, kapag binanggit ang katagang "alagad ng Diyos",
agad-agad ang nasaisip ng tao ay ang mga paring nangangaral sa pulpito
ng simbahan. Parang sila lang ang may tungkulin at karapatang ipahayag
ang Mabuting Balita ni Kristo. Ngunit taliwas ito sa kalooban at plano
ng Diyos. Sa MAKABAGONG SIMBAHAN, ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan ay misyon na
hindi lamang iniatang sa mga pari. Sa pamamagitan ng Sakramento ng
Binyag, ang lahat ng Kristiyano ay nagkararoon ng misyong maging
tagapagdala ng Ebanghelyo. Paano ito isinasagawa ng isang laiko? Bukod
sa gawaing pangangaral, na kakaunti lamang ang napagkalooban ng ganitong
kakayahan, ang bawat isa ay tinatawag na mangaral sa pamamagitan ng
pagiging tapat na saksi ng kanilang buhay Kristiyano. Sa papaanong
paraan? Ito ang turo ng Simbahan: "... ang kanilang MABUTING GAWA, ay
may kapangyarihang makaakit ng tao upang maniwala at mapalapit sa
Diyos." (Vatican II Decree on the Laity, 6) Kaya nga't ano man ang
katayuan mo sa buhay, bata ka man o matanda, may kaya man o wala,
nakatalaga man sa Diyos o hindi, ang paggawa ng mabuti ay dapat isapuso
ng bawat isa. Matuto tayong magpasaya ng ating kapwa. Nagiging
makabuluhan ang ating buhay kung nakapagbibigay tayo ng kaligayahan sa
iba. Para tayong mga kandila na may katuturan lamang kung nasisindihan
at nakapagbibigay ng liwanag! Nakapagbigay ka na ba ng liwanag ng
kasiyahan sa iyong pamilya? Baka naman sanhi ka pa ng di pagkakasundo o
kaguluhan sa kanila? Nakapagbibigay ka ba ng liwanag ng kapayapaan sa
iyong trabaho o paaralan? Baka naman sa iyo nagmumula ang inggitan at
alitan? Ito ang ibig sabihin ng pagiging alagad ni Kristo: ang maging
kamay ng pag-ibig ng Diyos para ibang tao. Tayong lahat, bilang isang Simbahan, ay itinalaga at isinugo ni Kristo na maging alagad Niya sa buong mundo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento