Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 18, 2015
MALASAKIT NA PAGLILINGKOD (Reposted & Revised) : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year B - July 19, 2015 - YEAR OF THE POOR
Ayon sa paniniwala nating mga Kristiyano ay may tatlong "lugar" tayong
pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang
gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya
sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat
ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang
kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At
impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay
at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay
maraming sorpresang naghihintay! May kuwento na minsan daw ay nakita ng
isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya
ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya
ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala
napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay,
marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit
mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh...
wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong
na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!"
hehehe... (kuwento lang po ito at hindi naman patungkol sa ating mga obispo!) Talagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!" Walang
makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna! Hindi
sapagkat namumuno ka ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Malinaw
ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Parurusahan
ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga
nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer
23:1) Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang
malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan.
Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa
mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang
kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang
na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming
taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34}
At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng
pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin
bilang kanyang mga alagad. Hindi lang naman ito para sa mga pari na
kanyang hinirang para maging mabuting pastol. Sinabi natin noong
nakaraan na kahit na ang mga layko ay tinatawag ng Diyos sa
paglilingkod. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa lahat ng Kristiyano.
Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa
kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga
anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o
baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo?
Ngunit hindi lamang ang magulang ang dapat magpakita ng malasakit, dapat
ang mga anak din ay nagpapakita nito sa kanilang magulang. Mga
kabataan, ilang oras ba ang ibinibigay mo sa iyong pamilya? Baka naman
mas marami pang oras ang inilaan mo sa barkada o sa mga kaibigan mo
kaysa sa kanila? Baka naman sinasayang mo ang perang ibinibigay ng
magulang mo na bunga ng kanilang pawis at pagod at nagpapabaya ka sa
pag-aaral? At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno sa mas
maraming "kawan" ay malaki ang inaasahan ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin
ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang
mapagpastol na pagmamahal. Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa
isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod. At ngayong Taon ng mga Dukha ay may natatangi tayong dapat ipakita at ipadama sa ating mga kapatid na lubos na nangangailangan at mga isinantabi ng lipunan. Ipinakita ni Jesus ang
halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod. Kung
maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong
sorpresang makikita pa sa langit! Lahat tayo ay nasa itaas at masayang
kapiling ang Diyos.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento