Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 13, 2015
#SHAREGODSGOODNESS : Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time - Year B - June 14, 2015 - YEAR OF THE POOR
Si Jesus ay magaling na guro. Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon. Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan. Simple ang kanyang istilo. Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao. Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga "talinhaga" o "parables". Ang parables ya galing sa salitang griego (parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon". Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay! Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos: ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa. Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura. Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian. Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba! Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo." Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nababalot ng kahirapan at karahasan na gawa rin ng tao. Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba. Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan? Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay! Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin. Sapagkat ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga! Tandaan natin na nakakahawa ang kabutihan. May kasabihan nga sa ingles na: "Good people bring out the good in people". Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba. Kunmbaga sa wika ng makabagong panahon #sharegoodness! Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan. Magpuhunan tayo sa paggawwa ng kabutihan. "Goodness is the only investment that never fails!" Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo. Sa halip na sisihin mo ang ibang tao, ang gobyerno, at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba. Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan... #SHAREGODSGOODNESS!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento