Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang
takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa
party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng
sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala
ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong
nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na
ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling
salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng
anak. Sapagkat first time niyang pinayagan. Nalibang ng husto ang binata
sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas
dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw
sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya
matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto ng biglang bumukas ito
at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo
na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po
kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, may kasunduan nga tayo at paninindigan ko
yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas
ng magdamag. Anak... magbeer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Mig
Light... Ano nga ba ang katangian ng isang tatay? Kung pagbabatayan natin sa kuwento ang "tatay" ay mapagdisiplina ngunit may puso, may prinsipyo ngunit
maunawain, makatarungan ngunit may awa! Saksi ang kasaysayan sa
kapangyarihan ng ating Diyos. Siya ang may likha at nagpapairal ng
mundo. Siya ang "in-charge" sa lahat ng kanyang ginawa. Kahit ang
kalikasan ay sumusunod sa kanyang utos. Nakita natin sa Ebanghelyo kung
papaano Niya pahintuin ang malakas na hangin at alon. Sa kabila nito ang Diyos ay may pusong mapagmahal.
Nakakaunawa Siya sa ating mga kakulangan at pag-aalinlangan. May mga
sandaling nagdududa tayo sa Kanyang kakayahan. May mga sandaling ang
akala natin ay "tinutulugan" Niya tayo dahil sa dami ng suliranin at
paghihirap nating nararanasan. Ngunit huwag tayong mag-panic... God is in-charge!
Nandiyan lamang Siya. Handa Niya tayong samahan. May pakialam Siya sa
ating buhay! Totoo na dapat ay may takot din tayo sa Kanya, ngunit pagkatakot na dala ng pagmamahal. Ang Diyos ay Ama na may malasakit sa ating kapakanan at kinabukasan. Patuloy Niya tayong inaalagaan sa pamamagitan ng pagpapanatili at pagpapalago ng Kanyang mga nilikha. Nitong nakaraang tatlong araw ay naglabas ng Ikalawang Encyclical Letter ang ating Santo Papa Francisco tungkol sa Diyos na Manlilikha at ang dapat na kaugnayan natin sa Kanyang mga nilikha. Pinamagatan niya itong "Laudato Sii" na ang ibig sabihin ay "Praised be (God)!" Hango ito sa "Canticle of Canticles" ni St. Francis of Asisi na pagpupuri sa Diyos sa Kanyang mga nilikha. Ang mundo na ibinigay ng Diyos sa atin bilang tahanan ay pagpapatunay ng Kanyang patuloy na pagmamahal sa atin. Ginawa niya tayong "in-charge" upang pangasiwaan ito at alagaan. Ngunit sa tinatakbo ng mundo ngayon ay parang nawawala na sa isip ng tao na siya ay katiwala lamang. Masyado niyang inabuso ang kanyang kapangyarihang mamuno at pinabayaan at pinagsamantalahan ang mga nililkha ng Diyos. Kaya nga ang Santo Papa ay nagpapaalala sa atin na tayo, bilang Kanyang mga katiwala, ay dapat magpakita ng malasakit sa isa't isa sa pamamagitan ng tamang pag-aalaga ng mundo bilang ating iisang tahanan. Ang Diyos ang "In-charge' sa Kanyang mga nilikha. Kaya Niyang patahimikin ang nag-aalburutong hangin at ang mga unos ng ating buhay na nagpapakita ng Kanyang kapangyarihan. Ngunit tayo rin ay "in-charge" sapagkat tinawag Niya tayong pamahalaan ang mundo at ang ating buhay ng may pananagutan at pagmamahal. Sa pagdiriwang ngayon ng "Fathers' Day", ating pagtiwalaan ang Diyos na hindi nagpapabaya sa atin at maging mga tatay din tayo na may pananagutan sa ating iisang mundong tinutuluyan bilang ating iisang tahanan.
Happy Fathers' Day sa inyong lahat!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento