Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 23, 2016
KATAWAN NI KRISTO: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year C - January 24, 2016 - YEAR OF THE EUCHARIST & FAMILY - JUBILEE YEAR OF MERCY
Isang malaking pagpapala para sa ating mga Pilipino na ang ating bansa ay muling hinirang na pagdarausan ng International Eucharistic Congress. Ito ang ika-51 pagtitipon ng mga obispo, pari, pinunong layko at kinatawan ng iba't ibang sektor ng Simbahan at lipunan mula sa iba't ibang panig ng mundo upang magbigay saksi sa tunay na presensiya ng Panginoong Jesus sa Banal na Eukaristiya. Huling ginanap ito sa Pilipinas noong taong Pebrero 3-7, 1937 sa Manila na siya ring kauna-unahang kongreso na ginanap sa Asia. At ngayon nga ito ay kasalukuyang ginaganap sa siyudad ng Cebu na magtatapos sa Enero 31, 2016. Napapanahon para sa ating mga Pilipino ang pagdiriwang na ito sapagkat marami sa ating mga Katoliko ang hindi na nakababatid sa tunay na kahulugan ng tunay na presensiya ng Panginoong Jesus sa Banal na Eukasristiya. Hindi lang ito nangangahulugan ng pag-aatanda ng krus sa tuwing ang jeep na ating sinasakyan ay daraan sa isang simbahan (na kung minsan nga ay mali pa ang ating pag-aantanda). Hindi lang ito nangangahulugan paglalakad ng nakaluhod mula sa bukana ng simbahan papuntang dambana. Lalo namang hindi lang ito pag-aabuloy sa tuwing tayo ay dumadalo ng Misa. Minsang tinanong ko ang isang batang Grade 3 na kandidato sa First Communion: "Ano ang kaibahan ng krusipiho na aking hawak-hawak sa Banal na Ostia na tatanggapin mo sa Komunyon?" Nagulat ako sa kanyang sagot sapagkat ang karaniwang bata ay magsasabing, "Father, ang Ostia ay nakakain, ang krusipiho ay hindi!" O kaya naman. "Ang Ostia ay bilog at puti, ang krusipiho ay hindi." Ngunit ang batang ito ay nagbigay ng kasagutang nagpapahayag ng isang malalim na pananampalataya: "Father, ang krusipiho ay kamukha ni Kristo pero hindi sa Kristo. Ang Banal na Ostia ay hindi kamukha ni Kristo ngunit ito ang TUNAY NA KRISTO!" Kamangha-mangha! Batid ng batang ito ang kahulugan ng Ostiang kanyang tatanggapin. Isang pagmumulat sa ating mga Katolikong Kristiyano sapagkat marami sa atin na ang akala ay simbolo lamang ni Kristo ang Banal na Ostia. Kaya nga marahil ay malimit na wala sa loob ang ating pagtanggap dito. Hindi pinaghandaan. Kulang sa paniniwala. May mga ilan na hindi naman nagsisimba sapagkat buong misa ay kausap ang katabi o busy sa pagtetext ang at makikita mong pipila at tatanggap ng Komunyon. May mga ilang late ng dumating sa Misa, halos kalahati na ang inabutan at nagkokomunyon pa rin. May ilan namang nahahaluan pa ito ng pamahiin. May kilala akong sabungero na itinago ang Ostia at ipinatuka sa kanyang manok sa pag-aakalang lalakas at siguradong walang talo ito dahil nasa kanya si Kristo. Ayun, isinabong at ipinusta ang kanyang buong suweldo at... talo! Patay ang manok! Marahil ay talagang napapanahunan na para maintindihan natin ang kahulugan ng dakilang sakramentong ito. Unang katotohanan na dapat nating paniwalaan, si Jesus na tunay na Diyos ay nasa Banal na Eukaristiya kaya't nararapat lang bigyan natin siya ng nararapat na pagpaparangal, paggalang at pagsamba! At sa bawat pagtanggap nito ay dapat nagpapanibago ito sa atin tungo sa kabanalan. Ikalawa, sa tuwing tayo ay tumatanggap ng Banal na Komunyon ay hindi lamang ang presensiya ni Jesus sa Banal na Ostia ang ating tinatanggap sapagkat ang katawan ni Kristo ay hindi lang nalilimita dito. Sa Sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto ay sinabi niya na tayo ang bumubuo sa katawan ni Kristo! Siya ang ulo at tayo ang mga bahagi ng kanyang katawan. Kaya nga't kung kaya natin siyang tanggapin sa Banal sa Ostia ay dapat kaya rin natin siyang tanggapin sa ating kapwa. Ibig sabihin, handa kang tumanggap, umunawa, at magpatawad lalo na sa mga hindi mo kasundo o may kasamaan ka ng loob. Malaki ang hinihingi sa atin ng ating pananampalatayang Kristiyano. "Ang pananampalatayang walang kasamang gawa ay pananampalatayang patay" sabi ni Santiago Apostol. Mahalagang bahagi ng ating pananampalataya ang konkretong pagsasabuhay nito. Nawa ay maipakita natin ito sa Banal na Eukasitiya. Tayo na bumubuo ng Katawan ni Kristo ay dapat magpakita ng pagmamahal at awa sa isa't isa.
Sabado, Enero 16, 2016
MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of Sto. Nino - Year C - January 17, 2016 - YEAR OF THE EUCHARIST & FAMILY - JUBILEE YEAR OF MERCY
Kapistahan ngayon ng Sto. Nino! Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!" Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood". Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!" Ngunit din rin naman maipagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!" Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo! Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan." Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino. Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya. Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig natin kung paanong nag-alala si Maria at Jose ng malaman nilang hindi nila kasama si Jesus pag-alis sa Jerusalem. Hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anak ngunit hindi nila natagpuan. Ganito rin ba ang nadarama ng mga magulang kapag nawawalay sa kanilang piling ang kanilang mga anak? Sadyang may mga magulang kasing masyadong malaki ang tiwala sa kanilang mga anak na pinababayaan na lamang ang mga ito hanggang sa maligaw ito ng landas. Ang mas masaklap pa nga ay may mga magulang na sila pang nagtutulak sa kanilang mga anak upang sila ay mapahamak. Ilang raid na ng ating mga kapulisan ang isinagawa na nakitang ang mga magulang pa nga ang nagbubugaw sa kanilang nga anak para sa cybersex o kaya naman ay pilitin silang magtrabaho sa murang edad sa kadahilanan ng kahirapan? Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring malaking problema ang usapin ng "child trafficking" at "child labor." Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet at nagagamit sa prostitusyon. Ang nakakalungkot ay ang sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa! Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya. Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal". Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos. Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino. Natataon na ang ating Simbahan sa Pilipinas, sa pamumuno ng ating CBCP ay idineklara rin na ang taong 2016 ay Taon ng Eukaristiya at Pamilya. Para sa ating mga Kristiyano, ang Banal na Eukaristiya o Sakramento ng Komunyon, ang pinakamabisang paraan upang pagbuklurin ang pamilyang Pilipino. Ilang mga magulang pa ba ang nagsasama ng kanilang mga anak sa pagsisimba? Ang pamilyang nagdarasal ng sama-sama, nanatiling magkakasama! Kaya't napakalaking responsibilidad sa mga magulang na imulat sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagdarasal at pagsisimba ng sabay-sabay. Marahil ay mahirap na sa ating panahon ngayon ngunit hindi imposibleng gawin sapagkat may ilan-ilan pa ring nakakagawa nito. Sama-sama nating labanan ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL! Muling nating ibalik ang isang pamilyang naka-sentro sa Diyos. Simulan natin sa Banal na Eukaristiya, ang sakramento ng pagkakaisa at pagbubuklod.
Sabado, Enero 9, 2016
KRISTIYANONG DEBOTO O DEBOTE? : Reflection for the Feast of the Baptism of the Lord Year C - January 10, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY & YEAR OF THE EUCHARIST AND FAMILY
Muli na namang nasaksihan ng buong mundo ang kakaibang pananampalataya nating mga Pilipino. Saan ka nga ba naman makakakita ng uri ng pananampalatayang ipinakita ng mga deboto ng Poong Nazareno? Mahigit isang milyong taong parang along sumasabay, dumuduyan at nagpapagalaw sa andas ng Poong Nazareno. Hindi maikakaila ang mga tunay na debotong nabiyayaan ng Kanyang mahimalang tulong. Hindi rin maikakaila ang maraming taong binago ang buhay ng Poon. Mula sa magulong buhay tungo sa mapayapang pamumuhay, mula sa pagiging makasalanan tungo sa kabanalan, lahat sila ay may magandang kuwentong maibabahagi sa pakikipagtagpo nila sa Poong Nazareno. Ngunit kung may mga tunay na deboto ay mayroon din namang mga "debote" kung tawagin. Sila naman ang nag-aakala na ang pagsunod sa Nazareno tuwing "traslacion" ay sapat na upang matanggal ang kanilang kasanalan at dahil d'yan ay balik uli sa dating pag-uugali at buhay "debote" uli! Wala silang pinagkaiba sa mga "kristiyanong paniki" kung tawagin. Tatlong pari ang nag-uusap tungkol sa isang malaking problema sa kanilang mga parokya: na ang kisame ng kanilang mga simbahan ay pinananahanan ng mga paniki. Ang sabi ng isa: "Ah, ang ginawa ko ay bumuli ako ng air-gun at pinagbabaril ko ang mga paniki para mabulabog sila. Nag-alisan naman, kaya lang bumalik uli at nagsama pa ng kanilang mga tropa!" Ang sabi namang pari, "Ako naman, bumili ng pang chemical spray. ginamit ko ito at simula ay effective naman. Marami ang namatay ngunit may mga naiwan. Ang masaklap ay na-immune ang mga ito at maging ang kanilang mga naging anak at apo ay di na tinatablan ng chemical." Pagyayabang na sabi ng pangatlong pari: "Ako simple lang. Di ako ganong gumastos! Kumuha lang ako ng tubig. Binasbasan ko ito. Bininyagan ko ang mga paniki at pagkatapos ay nagliparan palabas ang mga paniki at hindi na muling bumalik sa simbahan!" Marami sa ating mga Katoliko ay walang pinagkaiba sa mga paniking winisikan ng tubig! Pagkatapos mabinyagan ay palipad-lipad na lamang sa labas ng simbahan at ayaw ng pumasok! Nakalulungkot ngunit ito ang katotohanan: maraming Katoliko ang kristiyano lamang sa "baptismal certificate", nabinyagan ngunit hanggang doon na lamang. Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at kaaya-aya.Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama! Saan ka ba napapabilang... Kristiyanong deboto o debote?
Sabado, Enero 2, 2016
PAGPAPAKITA NG AWA AT MALASAKIT NG DIYOS : Reflection for the Solemnity of the Epiphany of Our Lord Year C - January 3, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Happy Three Kings? Alam n'yo bang MALI ang pagbating ito? Una, hindi naman sila talaga HARI. Wala naman binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo na mga hari ang bumisita kay Jesus. Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya. Ikalawa, hindi sila TATLO. Wala namang binanggit na bilang ng mga pantas si San Mateo. Ang sinabi ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas nang matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban. Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY. Mukhang hindi na masasaya ang mukha iba sa atin! Marahil naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! hehehe. Ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS! Sapagkat ngayon ay bahagi pa rin naman ng panahon ng Pasko. Sa katunayan, sa ibang bansa, ang tawag dito ay ikalawang Pasko at sa araw na ito sila nagbibigayan ng regalo. Kaya ang mga ninong at ninang na tinaguan ang kanilang mga inaanak ay hindi pa rin ligtas ngayon. Ibig sabihin puwede pang habulin ang mga ninong at ninang na nagtago noong nakaraang Pasko! Kaya sa mga ninong at ninang d'yan... "Tago pa more!" Ang tamang pagtawag sa kapistahang ito ay EPIPANYA na ang ibig sabihin ay PAGPAPAKITA. Tatlong pagpapakita ang ipinararating sa atin ng kapistahang ito. Una, na si Jesus ay para sa "lahat." Hindi lamang siya nagkatawang-tao para sa mga Hudyo. Ito ang sinasagisag ng mga pantas na nanggaling sa iba't ibang sulok ng mundo. Ito ang ipinahihiwatig ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Efeso noong sinabi niyang "ang mga Hentil... ay may bahagi din sa mga pagpapalang mula sa Diyos." Kaya nga ang pagliligtas ni Jesus ay para sa lahat, walang itinatangi... KATOLIKO! Ikalawa, ipinapakita ng pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng handog ng mga Pantas kung sino ang sanggol na ito. Siya ang tunay na HARI ng sanlibutan na sinisimbolo ng gintong inialay sa Kanya, na Siya ay tunay na DIYOS sa paghahandog sa kanya ng insenso o kamanyang na ginagamit nila sa pagsamba, at Siya rin ay tunay na TAO na daranas din ng kamatayan dahil inialay sa Kanyang mira na ginagamit na pampahid na pabango sa mga patay. Inako ng Diyos ang ating pagkatao at nanirahan Siya kapiling natin taglay ang ating katawang tao na nakararanas ng kapaguran, kagutuman at kahirapan. Ikatlo, ang ating kapistahan ngayon ay nagpapakita ng AWA at MALASAKIT sa atin ng Diyos. Naging katulad Siya natin, maliban sa pagiging makasalanan upang iparamdam sa atin ang pag-ibig at AWA ng Diyos. Ipinakita Niya ang Kanyang malasakit sa atin sa pag-ako Niya ng ating mga kahirapan at sa kahuli-hulihan ay ang kamatayan ng ating katawang lupa. Akmang-akmang ito sa tema ng Jubilee Year of Mercy na idineklara ng ating Santo Papa Franciso sa taong ito na 2016. Nais niyang maramdaman natin ang awa ng Diyos upang tayo rin ay magpakita at magpadama nito sa ating kapwa. Ang hamon niya sa ating lahat: "Be merciful like the Father!" At maraming paraan upang maisakatuparan natin ang hamon na ito. Ngunit ang awa ng Diyos ay mahirap maibigay sa iba kung wala tayong malasakit. Hindi lang sapat na maawa tayo sa kalagayan ng iba, dapat ay magkaroon din tayo ng malasakit na kung saan ay dama natin ang paghihirap ng ating kapwa. Para kay Mother Teresa ng Calcutta na sa taong ito ay itataas sa antas ng kabanalan at pagiging Santa, ang dahilan ng pagkakaroon ng malasakit ay sapagkat nakikita natin ang mukha ni Kristo sa ating kapwa. Nakikita natin ang Panginoon, sa mga "nagugutom, nauuhaw, tumatangis, bilanggo, biktima ng pag-uusig at kawalan ng katarungan." Sa pagpasok ng Bagong Taon, nawa ay huwag lamang kasaganahan ng pamumuhay ang ating mithiin. Hilingin natin sa Panginoon ang kapayapaan sa ating mga sarili. Anhin mo pa ang kasaganahan kung araw-araw ka namang nabubuhay sa pagkabalisa at takot? Ang pagpapakita ng AWA at MALASAKIT ay makatutulong upang magkaroon tayo ng kapayapaan sa ating mga sarili. Ang pagtulong sa ating kapwa ay nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan at kapayapaan sa mga gumagawa nito. Ito ang EPIPANYA na kasalukuyang panahon. Ito ang Epipanya nating mga Kristiyano... Ipakita natin ang AWA ng Diyos sa ating mga kapatid lalong-lalo na sa mga mahihirap. "Be merciful like the Father!"
Biyernes, Enero 1, 2016
LABAS MALAS! PASOK BUWENAS! : Reflection for the Solemnity of Mary, Mother of God - January 1, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Isang manigong bagong taon sa inyong lahat! Ang pagpasok ng taong 2016 ay dapat magdulot sa atin ng pag-asa sa kabila ng marami nating alalahanin sa buhay.Ano sa palagay mo? Susuwertehin ka ba sa taong ito? Kaya siguro marami sa atin ang ginagawa ang lahat ng paraan para magpapasok ng suwerte. Nariyan na ang pagbuo ng 12 prutas na bilog. Sigurado akong marami nyan sa inyong lamesa kagabi sa pagpalit ng taon. Nariyan na ang pagbili ng tikoy! Para daw mas malagkit ang kapit ng swerte! Nariyan na ang pagsusuot ng damit na kulay pula at siyempre ng polka-dots na sumisimbolo sa pera. Mas maraming polka-dots mas maraming pera ang makukuha. Nariyan na ang pagpapaputok upang itaboy ang malas at masasamang maaring mangyari sa bagong taon. Pero may payo si "Manang" sa isang text na aking natanggap tungkol sa paghahanda para di malasin ang taon: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!”Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Tinamaan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. At ano ang kalooban ng Diyos para sa atin? Simple lang, ang maging mabuti ayon sa ating katayuan sa buhay... mga tatay na mabuti sa kanilang asawa at mga anak, mga anak na mabuti sa kanilang magulang, mga kapatid na mabuti sa kanilang kapatid, mga kaibigan na mabuti sa kanilang barkada! At sa Taong ito ng Jubileo ng Awa ay tinatawag tayong maging mabuti sa pamamagitan ng paghahatid ng Kanyang Awa sa iba. Magpakita tayo ng malasakit sa ating mga kapatid na naghihirap. Magpakita tayo ng habag sa mga taong nakagawa sa atin ng masama o mga taong mayroon tayong sama ng loob. Maging maawain tayo kung papaanong ang Diyos ay naging maawain sa atin... "merciful like the Father!" Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating bukas. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." sigurado akog LALABAS ANG MALAS AT PAPASOK ANG BUWENAS!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)