Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 2, 2016
PAGPAPAKITA NG AWA AT MALASAKIT NG DIYOS : Reflection for the Solemnity of the Epiphany of Our Lord Year C - January 3, 2016 - JUBILEE YEAR OF MERCY
Happy Three Kings? Alam n'yo bang MALI ang pagbating ito? Una, hindi naman sila talaga HARI. Wala naman binanggit sa Ebanghelyo ni San Mateo na mga hari ang bumisita kay Jesus. Ang sabi sa Ebanghelyo, sila ay mga PANTAS, mga taong matatalino at may kakaibang kaalaman sa siyensya. Ikalawa, hindi sila TATLO. Wala namang binanggit na bilang ng mga pantas si San Mateo. Ang sinabi ni San Mateo ay may tatlong regalong inihandog ang mga pantas nang matagpuan ang sanggol na Jesus sa sabsaban. Ikatlo, ay parang hindi angkop ang salitang HAPPY. Mukhang hindi na masasaya ang mukha iba sa atin! Marahil naubos na ang pera noong nakaraang Pasko at Bagong Taon! hehehe. Ang tamang pagbati pa rin ay MERRY CHRISTMAS! Sapagkat ngayon ay bahagi pa rin naman ng panahon ng Pasko. Sa katunayan, sa ibang bansa, ang tawag dito ay ikalawang Pasko at sa araw na ito sila nagbibigayan ng regalo. Kaya ang mga ninong at ninang na tinaguan ang kanilang mga inaanak ay hindi pa rin ligtas ngayon. Ibig sabihin puwede pang habulin ang mga ninong at ninang na nagtago noong nakaraang Pasko! Kaya sa mga ninong at ninang d'yan... "Tago pa more!" Ang tamang pagtawag sa kapistahang ito ay EPIPANYA na ang ibig sabihin ay PAGPAPAKITA. Tatlong pagpapakita ang ipinararating sa atin ng kapistahang ito. Una, na si Jesus ay para sa "lahat." Hindi lamang siya nagkatawang-tao para sa mga Hudyo. Ito ang sinasagisag ng mga pantas na nanggaling sa iba't ibang sulok ng mundo. Ito ang ipinahihiwatig ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Efeso noong sinabi niyang "ang mga Hentil... ay may bahagi din sa mga pagpapalang mula sa Diyos." Kaya nga ang pagliligtas ni Jesus ay para sa lahat, walang itinatangi... KATOLIKO! Ikalawa, ipinapakita ng pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng handog ng mga Pantas kung sino ang sanggol na ito. Siya ang tunay na HARI ng sanlibutan na sinisimbolo ng gintong inialay sa Kanya, na Siya ay tunay na DIYOS sa paghahandog sa kanya ng insenso o kamanyang na ginagamit nila sa pagsamba, at Siya rin ay tunay na TAO na daranas din ng kamatayan dahil inialay sa Kanyang mira na ginagamit na pampahid na pabango sa mga patay. Inako ng Diyos ang ating pagkatao at nanirahan Siya kapiling natin taglay ang ating katawang tao na nakararanas ng kapaguran, kagutuman at kahirapan. Ikatlo, ang ating kapistahan ngayon ay nagpapakita ng AWA at MALASAKIT sa atin ng Diyos. Naging katulad Siya natin, maliban sa pagiging makasalanan upang iparamdam sa atin ang pag-ibig at AWA ng Diyos. Ipinakita Niya ang Kanyang malasakit sa atin sa pag-ako Niya ng ating mga kahirapan at sa kahuli-hulihan ay ang kamatayan ng ating katawang lupa. Akmang-akmang ito sa tema ng Jubilee Year of Mercy na idineklara ng ating Santo Papa Franciso sa taong ito na 2016. Nais niyang maramdaman natin ang awa ng Diyos upang tayo rin ay magpakita at magpadama nito sa ating kapwa. Ang hamon niya sa ating lahat: "Be merciful like the Father!" At maraming paraan upang maisakatuparan natin ang hamon na ito. Ngunit ang awa ng Diyos ay mahirap maibigay sa iba kung wala tayong malasakit. Hindi lang sapat na maawa tayo sa kalagayan ng iba, dapat ay magkaroon din tayo ng malasakit na kung saan ay dama natin ang paghihirap ng ating kapwa. Para kay Mother Teresa ng Calcutta na sa taong ito ay itataas sa antas ng kabanalan at pagiging Santa, ang dahilan ng pagkakaroon ng malasakit ay sapagkat nakikita natin ang mukha ni Kristo sa ating kapwa. Nakikita natin ang Panginoon, sa mga "nagugutom, nauuhaw, tumatangis, bilanggo, biktima ng pag-uusig at kawalan ng katarungan." Sa pagpasok ng Bagong Taon, nawa ay huwag lamang kasaganahan ng pamumuhay ang ating mithiin. Hilingin natin sa Panginoon ang kapayapaan sa ating mga sarili. Anhin mo pa ang kasaganahan kung araw-araw ka namang nabubuhay sa pagkabalisa at takot? Ang pagpapakita ng AWA at MALASAKIT ay makatutulong upang magkaroon tayo ng kapayapaan sa ating mga sarili. Ang pagtulong sa ating kapwa ay nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan at kapayapaan sa mga gumagawa nito. Ito ang EPIPANYA na kasalukuyang panahon. Ito ang Epipanya nating mga Kristiyano... Ipakita natin ang AWA ng Diyos sa ating mga kapatid lalong-lalo na sa mga mahihirap. "Be merciful like the Father!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento