Sabado, Enero 16, 2016

MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of Sto. Nino - Year C - January 17, 2016 - YEAR OF THE EUCHARIST & FAMILY - JUBILEE YEAR OF MERCY

Kapistahan ngayon ng Sto. Nino!  Ang tawag din sa kapistahang ito ay "Holy Childhood Day!"  Ibig sabihin ay kapistahan nating lahat sapagkat tayo ay minsan na rin namang dumaan sa ating pagkabata o tinatawag nating "first childhood".  Kaya naman, sinasabi nating ang kapistahang ito ay "Kapistahan ng mga Bata!"  Ngunit din rin naman maipagkakaila na pagkatapos ng "first childhood" ay dumadaan din tayo sa ating "second childhood", ibig sabihin ang kapistahang ito ay "Kapistahan din ng mga Isip-bata!"  Bata ka man o isip-bata, ang kapistahang ito ay para sa iyo!  Sinasabing ring tayong mga Pilipino ay likas ang pagpapahalaga sa pamilya. At kung tayo ay may pagpapahalaga sa pamilya, tayo rin ay dapat may pagpapahalaga sa buhay. Kaya nga para sa atin ang bawat batang ipinapanganak ay maituturing na isang "kayamanan."  Kaya siguro napakalapit ng kapistahang ito sa puso nating mga Pilipino.  Bukod sa ito ay nakaugat sa ating kasaysayan ito rin ay nakaugat sa pagpapahalaga natin sa ating pamilya.  Kaya nga isa sa mga aral na ibinibigay sa atin ng kapistahang ito ay: pahalagahan natin ang mga bata at kabataan bilang bahagi ng ating pamilya. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay narinig natin kung paanong nag-alala si Maria at Jose ng malaman nilang hindi nila kasama si Jesus pag-alis sa Jerusalem.  Hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kakilala at mga kamag-anak ngunit hindi nila natagpuan.  Ganito rin ba ang nadarama ng mga magulang kapag nawawalay sa kanilang piling ang kanilang mga anak?  Sadyang may mga magulang kasing masyadong malaki ang tiwala sa kanilang mga anak na pinababayaan na lamang ang mga ito hanggang sa maligaw ito ng landas.  Ang mas masaklap pa nga ay may mga magulang na sila pang nagtutulak sa kanilang mga anak upang sila ay mapahamak.  Ilang raid na ng ating mga kapulisan ang isinagawa na nakitang ang mga magulang pa nga ang nagbubugaw sa kanilang nga anak para sa cybersex o kaya naman ay pilitin silang magtrabaho sa murang edad sa kadahilanan ng kahirapan?  Hanggang ngayon ay itinuturing pa ring malaking problema ang usapin ng "child trafficking" at "child labor."  Sinasabing ang Pilipinas ay isa raw sa mga lugar na pinangyayarihan nito at maraming batang Pilipino ang pinagpipistahan ng mga phidopilya sa internet at nagagamit sa prostitusyon.  Ang nakakalungkot ay ang sinasabi ng gobyerno na wala tayong sapat na kakayanan upang labanan ito. Hindi ako sang-ayon dito sapagkat meron tayong magagawa!  Hindi man sapat ang ating batas o pondo upang labanan ito ay nasa atin naman ang pinakamabisang sandata at ito ay ang ating pagpapahalaga sa pamilya.  Maiiwasan ang anumang uri ng "child trafficking", 'sex trade" man ito o "child labor", kung mapatatatag natin ang mahigpit na pagbubuklod ng ating mga pamilya. Kaya nga ang hamon sa ating ng kapistahang ito ay magkaroon ng isang pamilyang "marangal" at "banal".  Isang pamilya na marangal sapagkat pinahahalagahan ang dignidad ng bawat miyembro nito at banal sapagkat ito ay naka-sentro sa Diyos.  Sa pagdiriwang na ito ng Kapistahan ng Sto. Nino ay ipanalangin natin ang bawat pamilyang Pilipino.  Natataon na ang ating Simbahan sa Pilipinas, sa pamumuno ng ating CBCP ay idineklara rin na ang taong 2016 ay Taon ng Eukaristiya at Pamilya.  Para sa ating mga Kristiyano, ang Banal na Eukaristiya o Sakramento ng Komunyon, ang pinakamabisang paraan upang pagbuklurin ang pamilyang Pilipino.  Ilang mga magulang pa ba ang nagsasama ng kanilang mga anak sa pagsisimba?  Ang pamilyang nagdarasal ng sama-sama, nanatiling magkakasama!  Kaya't napakalaking responsibilidad sa mga magulang na imulat sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagdarasal at pagsisimba ng sabay-sabay.  Marahil ay mahirap na sa ating panahon ngayon ngunit hindi imposibleng gawin sapagkat may ilan-ilan pa ring nakakagawa nito.  Sama-sama nating labanan ang mga lumalapastangan sa dignidad ng ating mga kabataan upang sila rin ay maging mga kabataang MARANGAL at BANAL!  Muling nating ibalik ang isang pamilyang naka-sentro sa Diyos.  Simulan natin sa Banal na Eukaristiya, ang sakramento ng pagkakaisa at pagbubuklod.    


Walang komento: