Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 11, 2017
ANG KAIBUTURAN NG BATAS: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - February 12, 2017 - YEAR OF THE PARISH
"Bakit ba ako nagsisimba tuwing Linggo?" Naitanong mo na ba ito sa iyong sarili? Minsan may isang lalaki na himbing na himbing sa kanyang pagkakatuog ang ginulantang ng sigaw ng kanyang nanay: "Hoy! Alas sais na! Magsimba ka na! Late ka na sa Misa!" Sagot ng lalaki: "Inay... bigyan mo nga ako ng tatlong dahilang para bumangon na ako." Sagot ng nanay: "Aba, una, mahalaga ang pagsisimba dahil sa utos ng Diyos yan! Pangalawa, kuwarenta anyos ka na at hindi ka na bata para pilitin, Pangatlo, ikaw ang magmimisa at ang mga tao ay naghihintay na sa simbahan! Kaya... bangon na!" Ikaw, anong dahilan at dapat kang magsimba? Marahil sasabihin natin na ito na ang ating nakagawisan sapul pa ng ating pagkabata. O kaya naman sasabihin natin na ito kasi ang ikatlong Utos ng Diyos na kailangan kong sundin. Ngunit ang tanong ko naman ay ito: Bakit kinakailangan kong sumunod sa utos ng Diyos? Noong panahon ni Jesus, ay may mga taong lubos na masunurin sa Diyos. Sa katanuyan, sa isang Judio, ang pagsunod ng tapat sa mga utos ng Diyos ay nagpapakita na siya ay "mabuting Judio". Ngunit dumating si Jesus at gumawa ng mga bagay na kung minsan ay "lumalabag" sa isinasaad ng kanilang batas. Isang halimbawa ay ang pagpapagaling niya ng mga maysakit sa araw ng Sabbath na araw ng pamamahinga para sa kanila. Kaya nga si Jesus ay inakusahan nilang rebelde at hindi sumusunod sa batas. Ano ang tugon ni Jesus? "Huwag ninyong akalaling naparito ako upang pawalang bisa ang Kautusan at ang aral ng mga propeta. Naparito ako, hindi upang pawalang bisa kundi para ipaliwanag at ganapin iyon." Nais ni Jesus na ipaliwanag ang kaibuturan ng batas at hindi ang literal na pagsunod dito. Isang halimbawang ibinigay niya ay ang pagsasakatuparan ng ikalimang utos: "Narinig ninyo na noong una’y
iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang
papatay; ang sinumang makamatay
ay mananagot sa hukuman. Ngunit
ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang
mapoot sa kanyang kapatid ay
mananagot sa hukuman." Dito ay nais ipaunawa ni Jesus na suriin natin ang ugat ng kasalanan ng pagpatay. Nasi niyang maunawaan natin na ang poot na nagmumula sa isang tao ay nagdadala sa kanyang pumatay at dahil dito ay dapat niyang iwasan. Ngayong buwan ng pagpapahalaga sa buhay, ito rin ay nagsisilbing paalala sa atin ng Simbahan na igalang natin ang buhay ng tao. Bakit ang Simbahan ay tutol sa EJK at death penalty? Sapagkat nakikita ng Simbahan na "poot" ang dahilan ng tao kung bakit nais niyang kumitil ng buhay. Sa kaso ng death penalty ay hindi naman talaga ang katarungan ang nais o kaya naman ay ang pagsupil sa krimen. Kung ating susuriin, ang malalim na dahilan ay paghihiganti na nagmumula sa poot ng isang tao! Ano ngayon ang kaibuturan ng Utos ng Diyos? Walang iba kundi ang batas ng PAG-IBIG. Kaya nga sa ating pagsunod sa mga utos ng Diyos ay lagi nating isaisip at isapuso na ginagawa natin ito sa pangunahing kadahilanang minamahal natin ang Diyos. Sa pagdiriwang ng Pro-life month at buwan din ng mga puso, alalahanin nating maibabahagi lang natin ang buhay kung tayo ay makapagbabahagi ng pagmamahal. Share life... share love!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento