Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 25, 2017
UMASA SA DIYOS AT MAGTIWALA: Reflection for 8th Sunday in Ordinary Time Year A - February 26, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Sa darating na Miyerkules ay simula na ng Panahon ng Kuwaresma. Muli ay tatanggapin natin sa ating mga noo ang "abo" bilang simbolo na nais nating simulan ang banal na panahong ito sa pamamagitan ng pagsisisi at pagbabalik-loob. Ang mga katagang "Tandaan mo tao na sa alabok ka nagmula at sa alabok ka rin babalik" ay nagpapaalala sa atin ng ng isang katotohanan: "MAMAMATAY KA RIN!" Marami sa atin ang ayaw marinig ito ngunit isa itong katotohanan sa ating buhay na dapat nating harapin, na ang lahat sa mundong ibabaw ay lumilipas at dahil dito, maging ang ating buhay ay may katapusan. Kaya nga't ang tanong ay: "Kanino mo ngayon isasaalang-alang ang buhay mo?" Iisa lang ang naiisip kong kasagutan: UMASA KA SA DIYOS! Sa Kanya ka lang magtiwala! Ito ang paalala sa atin ng mga pagbasa sa Linggong ito. Sa unang pagbasa ay pinaalalahanan tayo ni Propeta Isaias kung gaano tayo kamahal ng Diyos at hindi Niya tayo nakakalimutan: “Malilimot kaya ng ina
ang sarili niyang anak? Hindi kaya
niya mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang
lumilimot sa kanyang bunso, ako’y
hindi lilimot sa inyo kahit na sandali.” At sa ating Ebanghelyo ay sinabihan tayo ng Panginoong Jesus na huwag tayong mabagabag sa ating mga pangangailangan sa buhay. Gumamit pa ang Panginoon ng mga paghahambing mula sa mga ibon ng himpapawid at pananim sa parang: "Masdan ninyo ang mga ibon:
hindi sila naghahasik ni nag-aani
o kaya’y nagtitipon sa bangan. Gayunman,
pinakakain sila ng inyong
Amang nasa langit. Hindi ba’t higit
kayong mahalaga kaysa mga ibon?.... Kung ang mga damo
sa kabukiran, na buhay ngayon at
kinabukasa’y iginagatong sa kalan, ay
dinaramtan ng Diyos, kayo pa kaya?" Kayan nga't walang dahilan na tayo ay mangamba sa ating pang-araw-araw na pangangailangan. Ano sa halip ang dapat nating gawin? Ang sabi ng Panginoon: "Ngunit pagsumakitan ninyo nang
higit sa lahat ang pagharian kayo
ng Diyos at mamuhay nang ayon sa
kanyang kalooban, at ipagkakaloob
niya ang lahat ng kailangan ninyo!" At ano ba ang kalooban ng Diyos? Na tayo ay patuloy na nagbabalik-loob sa kanya sa kabila ng ating kahinaan. Kaya nga't ang abo na gagamitin sa Miyerkules ay sumasagisag sa pagnanais nating magbago at magbalik-loob sa Panginon. Ang salitang kasalanan sabi ni San Agustin ay ang: "Pagtalikod sa Diyos at pagharap sa kanyang nilikha (mga bagay na materyal)." Kaya nga't ang pagbabalik-loob ay nangangahulugan ng "Pagtalikod sa mga bagay na materyal at muling pagharap sa Diyos!" Magtiwala tayo sa kabutihan ng Diyos. Lagi Siyang handang tumanggap sa ating pagbabalik-loob. Magtiwala tayo sa kanyang pag-aaruga. Hindi Niya tayo pababayaan. Siya ang Diyos na nakikiramay sa atin.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento