Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 4, 2017
PRO-LIFE FROM WOMB TO TOMB: Reflection for the 5th Sunday in Ordinary Time Year A - February 5, 2017 - YEAR OF THE PARISH
Ang buwan ng Pebrero ay PRO-LIFE MONTH na kung saan ay inaanyayahan tayong ipagdasal, ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng tao, buhay na mula sa sinapupunan hanggang kamatayan nito. May isa akong estudayante na may ganitong "motto" sa buhay: "To live not only to exist!" Tunay nga naman na hindi lahat ng nag-eexist ay buhay! May mga nilalang na may buhay at mayroon ding walang buhay. Ngunit hindi sapagkat humihinga ay buhay na... baka nag-eexist lang sila at hindi naman talaga buhay! May mga ilan kasing tao na parang walang patutunguhan ang buhay. Hindi mo alam kung saan pupunta at parang walang direksiyon ang tinatahak na landas. May mga ilan naman na sinasayang ang buhay nila sa makamundong pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakasisira sa kanilang katawan o kaya naman ay namumuhay na walang panggalang sa kanilang dignidad bilang tao. Hindi lang sapat na tayo ay humihinga. Dapat din na tayo ay nabubuhay na BUHAY! Sapagkat ang sabi nga ni San Ireneo: "The glory of God is man (and woman) who is fully alive!" Ito rin ang binibigyang diin ngayon sa ating Ebanghelyo. Ito ang ibig sabihn na maging ASIN at ILAW NG SANLIBUTAN. Ang asin na walang lasa ay walang kuwenta. Ngunit nawawalan ba ng alat ang asin? Noong panahon ni Jesus na kung saan ang aisn ay direktang kinukuha sa dagat at parang mga "rock crystals" na inilalagay sa maliit na supot at ibinababad sa lutuin, ay talagang maaring mawalan ito ng lasa. Kaya nga't ang mga latak nito ay itinatapon na lamang sa labas at inaapakan ng mga tao. Bilang "asin ng sanlibutan", pinapaalalahan tayo ni Jesus na "magbigay lasa" sa buhay ng iba. Katulad din ito ng mensahe ni Jesus ng sinabi niyang tayo ay ILAW NG SANLIBUTAN at dapat ay magliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba ang ating mabubuting gawa. Iisa lang ipinahihiwatig ng dalawang paghahambing na ibinigay ni Jesus, na dapat ang bawat Kristiyano ay maging "Mabuting Balita" sa kanyang kapwa! Ang pagiging "Mabuitng Balita" ay nangangahulugan ng isang MARANGAL at BANAL na pamumuhay nating lahat. Tandaan natin na ang kabutihan ay nakakahawa kung paanong ang kasamaan ay gayun din. Higit na nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng tao kung ginagamit niya ito para sa kabutihan. Paano natin ito maisasakatuparan? Ngayong PRO-LIFE SUNDAY ay maari nating gawin ang mga sumusunod: una, pahalaghan natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Alagaan natin ang ating katawan sa paglalayo sa anumang nakasasama dito tulad ng mga bisyo lalong-lalo na ang droga. Sisirain nito hindi lamang ang ating katawan gayundin, maging ang ating pamilya. Pangalawa, igalang ang buhay ng iba. Ang ikalimang utos ay nagsasabi sa ating masama ang pumatay. Ang paglaganap ng "extra-juducial killing" at napipintong pagsasabatas ng "death penalty" ay malinaw na paglabag sa ikalimang utos ng Diyos. Ang buhay na nagmula sa Diyos ay sagrado, kaya'y kahit gaano man kasama ang isang tao ay dapat nating igalang ito. Dapat nating igalang ang buhay mula sa sinapupunan hanggang sa libingan, from womb to tomb! At pangatlo ay ibahagi natin ang buhay na kaloob sa atin. Ito ang ating pagiging ilaw at asin sa ating ating kapwa, kapag ang ating buhay ay nagsisilbing inspirasyon sa iba at nakahihikayat tayo ng mga tao tungo sa kabutihan. Sa kabila ng paglaganap ng "kultura ng kamatayan" sikapain nating mapabilang sa tinaguriang "Pro-life Generation" na ang layunin ay pahalagahan, igalang at ibahagi ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Isapuso natin ang kasabihang: "Our life is gift from God... How we live our life will be our gift to God!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento