Sabado, Marso 25, 2017

BULAG-BULAGAN: Reflection for 4th Sunday of Lent Year A - March 26, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Kung ang Panahon ng Adbiyento ay may tinatawag na "Gaudete Sunday", ang Panahon ng Kuwaresma ay may "Laetare Sunday" kung tawagin.  Katulad ng Adbiyento, ang kahulugan ng Laetare ay "magsaya".  Magsaya sapagkat nalalapit na ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo.  "Magsaya" sapagkat nababaagan na natin ang liwanag na gagapi sa kadiliman at pagkabulag ng sanlibutan.  May dalawang uri ang pagkabulag. Ang pinakakaraniwan ay ang pagkabulag dahil sa pagkawala ng paningin. Ito ay isang uri ng pisikal na kapansanan. Mahirap na itong ibalik lalo na't ang pagkabulag ay mula pa sa pagkasilang. Nangangailangan na ito ng isang himala. Ngunit may mga tao din naman na nakakakita ngunit nabubuhay na parang mga bulag. Ang tawag natin ay mga taong "nagbubulag-bulagan".  Ito naman ay ang mga taong pinili ang "hindi makakita" sapagkat ayaw nila at hindi matanggap ang katotohanan. Mas mahirap itong pagalingin sapagkat nasa taong bulag ang desisyon para makakita! May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ako sa aking sarili. Naging palalo po ako! Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi kahangalan sapagkat nabubuhay ka sa imahinasyon!"  Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... pagkabulag sa katotohanan.  Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating maling ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan.  Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay!  Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago.  Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Tanging "mata ng pananampalataya" ang ating magagamit na panlunas sa sakit na pagbubulag-bulagan.  Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!"  Ang pagbubulag-bulagan ay nagiging sagabal din upang makita natin ang katotohanan sa mga maling nangyayari sa ating paligid.  Kung minsan ay nabubulagan tayo ng ating paniniwala dahil sa galit na naghahari sa atin o kung minsan naman ay ang ating maling pananaw sa buhay.  Hindi na natin makita na mali na pala ang ating mga iniisip at ikinikilos.  Akala natin ay nasa tama pa rin tayo.  Kaya siguro may mga taong nagsasabing wala namang masama sa pagmumura, pagnanakaw, pagsisinungaling, pagpatay kung ito naman ay magbubunga ng kabutihan.  Ito ay masamang uri ng pagkabulag sapagkat ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali.  Hingin natin sa Panginoon na sana ay pagalingin tayo sa ganitong uri ng pagkabulag.  Ang utos ng Diyos at ang turo ng Inang Simbahan ang maaring gumabay sa atin kung tayo ba ay nabubulagan na sa ating pananaw sa buhay.  Walang masama kung itatama natin ang ating maling pag-iisip.  Walang masama kung itatama natin ang ating pagbubulag-bulagan!

TUBIG NG BUHAY (Reposted) : Reflection for 3rd Sunday of Lent YEar A - March 19, 2017 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES

Saksi tayo sa kapangyarihan ng tubig nitong nakaraang mga taon.  Tubig ang nagpapalubog at nangwawasak ng maraming bahay at kabuhayan ito man ay dala ng bagyo o matinding pagbaha sa isang siyudad o probinsiya.  Ngunit sa isang banda alam din nating ang dala ng tubig ay buhay.  Tao, hayop o halaman man ay binubuhay ng tubig.  Ano ba ang biyayang naibibigay ng tubig sa 'ting mga tao?  At ano naman ang kinalaman nito sa ating buhay espirituwal?  May joke akong nabasa sa isang text: "A thirsty city girl went to a remote barrio. GIRL: Granny, saan galing your water? LOLA: Sa ilog, iha! GIRL: Ha? Dini-drink n'yo yan? MATANDA: Duhh! Bakit? Sa siyudad ba chinu-chew?" hehehe... Tama nga naman si Granny... ang tubig hindi "chinu-chew!" Pero hindi lahat ng tubig ay "dini-drink!" Naalala ko, ten years ago, nagsimulang lumaganap ang pag-inom ng mineral water. Bakit? Kasi marumi ang tubig na lumalabas sa mga gripo sa Metro Manila, kulay kalawang at mabaho! Kaya nga yung mga "can't afford" nung time na yun ay nakuntento na lang sa pagpapakulo ng kanilang inuming tubig. Mahalaga ang tubig! Hindi natin ito maikakaila. Kabahagi ito ng ating pagkatao. Sa katunayan, malaking porsiyento ng ating katawan ay tubig! Kaya gayun na lamang ang epekto kapag ikaw ay na-dehydrate! Kahit nga ang mga naghuhunger strike... ok lang na di kumain, pero dapat may tubig. Kung wala ay ikamamatay nila 'yon! Ang tubig ay buhay! Narinig natin ang "water crisis" ng mga Israelita sa unang pagbasa. Di magkamayaw ang pag-alipusta nila kay Moises sapagkat dinala sila sa disierto na walang tubig. Ngunit ang pagka-uhaw ay hindi lamang pisikal. Sa Ebanghelyo ay makikita natin na ibang uri ng pagkauhaw ang taglay ng babaeng Samaritana. Ang kanyang masamang pamamumuhay ay pagkauhaw na naramdaman ni Hesus kaya't inalok siya nito ng "tubig na nagbibigay buhay!" Tayo rin, ay patuloy na inaalok ni Hesus na lumapit sa Kanya. Marahil ay iba't ibang uri ang ating "pagkauhaw." May uhaw sa pagmamahal, pagpapatawad, pagkalinga, katarungan, katotohanan, kapayapaan, etc. Ngunit kung susuriing mabuti, ang mga pagkauhaw na ito ay nauuwi sa isa lamang... ang pagkauhaw sa Diyos! Ngayong panahon ng kuwaresma, sana ay maramdaman natin ang pangangailangan sa Diyos. Kaya nga hinihikayat tayo sa panahon ng Kuwaresma na palalimin ang ating buhay panalangin. Ang isdang tinanggal mo sa tubig ay mamamatay. Ang ibong tinanggalan mo ng hangin ay hindi makakalipad. Ang panalangin ay parang tubig at hangin. Hindi tayo maaring mabuhay kung wala ito. Ang pangangailangan sa Diyos ay pagpapakita na tayo ay tunay na tao. Tanggalin natin ang maskara ng pagkukunwari na hindi natin Siya kailangan sa ating buhay. Nawa ay tunay na madama ng bawat isa sa atin ang kakulangan kung wala ang Diyos sa ating piling.  'Wag tayong padadala sa agos ng mundo na winawalang bahala ang ating relasyon o pakikipag-ugnayan sa Diyos.  Hayaan natin Siyang pawiin ang uhaw ng ating puso at kaluluwa. Nawa ang ating maging panalangin ay katulad ng mga panalangin ni San Agustin: "Panginoon... di mapapanatag ang aming mga puso hangga't hindi ito nahihimlay sa 'Yo!"  

Sabado, Marso 11, 2017

BEAST MODE or BEST MODE? : Reflection for 2nd Sunday of Lent Year A - March 12, 2017 - YEAR OF THE PARISH: as COMMUNION of COMMUNITIES

Minsan ay hindi natin namamalayan na nagbabago pala ang ating anyo.  May oras na tayo ay nasa "BEAST MODE" kung tawagin.  Ayaw tayong lapitan ng mga tao sapagkat ang tingin nila sa atin ay parang halimaw na handa silang lapain!  Ngunit may oras na maganda ang ating "aura",  maaliwalas ang ating mukha, nakakahalina ang ating dating.  Ang kulang na lang ay yakapin at halikan tayo ng ating mga taong nakakasalubong.  Tayo ay nasa "BEST MODE" natin!  Nang si Jesus ay nagbagong anyo sa harap ng kanyang tatlong paboritong alagad siya ay nasa kanyang BEST MODE at hindi "beast mode!"  Ipinakita ni Jesus sa kanila ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.  Ayon sa Ebanghelistang si San Mateo: "nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at pumuting parang busilak ang kanyang damit."  At hindi lang yon, nakita rin ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nasa tabi ni Jesus.  Si Moises at Elias ang kumakatawan sa "mga Utos" at sa mga "Propeta" na saligan ng pananampalataya ng mga Hudyo sa Lumang Tipan.  Sinasabi ng pangitaing ito kung sino si Jesus, na siya ang Anak ng Diyos, katulad ng narinig nilang tinig sa maitim na ulap: "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!"  Mahalaga ang tagpong ito sapagkat, ito ang magpapalakas sa loob ng mga alagad sa sandaling makita nilang si Jesus ay maghihirap sa kamay ng mga Hudyo.  Ito ang magbibigay sa kanila ng pag-asa sa kabila ng pagkabigo sa kanilang inaasahang Mesiyas.  Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang sulyap ng kanyang kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos!  Ito rin ay totoo sa ating bilang mga Kristiyano.  Sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma ay inaamin natin ang ating pagiging makasalanan. Ngunit hindi ito ang ating tunay na pagkatao.  Hindi lang tayo makasalanan.  Tayo rin ay mga anak ng Diyos.  Tayo rin ay tinubos ni Kristo at hinango sa pagkakalugmok sa kasalanan! Ito dapat ang ating BEST MODE  na hindi mawawala sa ating pag-iiisip: na tayo ay mga nilalang ng Diyos na lubos na mabuti. Dahil dito ay mas mauunawaan natin kung bakit ang Simbahan ay laging ipinagtatanggol ang kasagraduhan ng buhay.  Maiintidihan natin ngayon kung bakit hindi sang-ayon ang Simbahan sa paglapastangan sa buhay na kaloob ng Diyos sa anumang marahas na pamamaraan tulad ng "extra-judicial killing" at "death penalty".  Naniniwala tayo na ang tao ay likas na mabuti sapagkat ang kanyang buhay ay nagmula sa Diyos.  Kung naging masama man ang tao ay sapagkat dahil na rin sa maling paggamit ng kanyang kalayaan at sa masamang impluwensiya ng mga taong nakapaligid sa kanya o maging ng masamang kulturang umiiral sa lipunan.  Kaya nga't ang isang kriminal, gaano man siya kasama dahil sa karumal-dumal na kanyang ginawa,  ay hindi binibitawan ng Diyos.  Si Jesus na Anak ng Diyos ay dumating sa daigdig para sa mga taong nag-aakalang sila ay "matuwid" kundi sa mga makasalanang handang magsisisi.  Si Jesus ay nagbibigay ng pag-asa at pagkakataon upang ang mga makasalanan ay magbago!  Tutol ang Simbahan sa EJK at Death Penalty sapagkat tinatanggal nito sa isang makasalanan ang pagkakataong ituwid ang kanyang buhay at ayusin ang kanyang pagkakamali.  Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa mainit na pagmamahal ng Diyos!"  Kung isa ka sa mga sumasang-ayon sa pagbabalik ng sentensiyang kamatayan o death penalty ay suriin mo ang kaibuturan ng iyong puso.  Baka ang laman ng puso mo ay poot, galit at paghihiganti.  Hilingin mo sa Panginoon na palambutin ng kanyang pagmamahal ang iyong matigas na puso at piliin mo ang daan ng kapayapaan at hindi karahasan, ang daan ng buhay at hindi kamatayan... ang BEST MODE at hindi BEAST MODE!

Sabado, Marso 4, 2017

TUKSO NG DEMONYO: Reflection for 1st Sunday of Lent Year A - March 5, 2016 - YEAR OF THE PARISH: COMMUNION OF COMMUNITIES / MIGRANT SUNDAY

Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay.  Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban".  Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting Kristiyano."  Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga.  Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos.  Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano?  Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag.  Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan?  Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggihan kapag ito ay nasa atin ng harapan. May kuwento na minsan ay may isang lalaki na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.  Laking gulat niya na pagkagising niya sa umaga ay walang bumati sa kanya.  Walang pagbati mula sa kanyang asawa at mga anak.  Parang isang ordinaryong umaga lang ang nangyari... abala ang nanay sa paghahanda ng agahan at nagmamadali ang mga anak sa pagpasok sa eskwela.  Maging a pagpasok niya sa opisina ay tila walang nakaalala ng kanyang kaarawan. Mula sa security guard hanggang sa kanyang mga kaibigan ay walang bumati sa kanya. Kaya't gayun na lamang ang kanyang pagkalungkot.  Mabuti na lang at bago matapos ang araw ay nilapita siya ng kanyang maganang sekretarya at napanghahalinang bumati ng "Happy birthday sir...!"  At sinundan pa ng panunuksong "Sir, mamya magcelebrate tayo ng birthday sa apartment ko!"  Medyo kinabahan siya ngunit dahil sa sobrang lungkot ay pumayag din s'ya.  Pagdating sa apartment ay laking gulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lahat. Malamig ang aircon, nakadimlights ang kuwarto, may red wine sa tabi ng sofa.  "Sir maghintay ka lang ng kaunti ha? Magpapalit lang ako ng mas kumportableng danit."  Lalong kinabhan ang lalaki.  Hindi niya alam ang kanyang gagawin.  Paglipas ng nga labinlimang minuto biglang bumukas ang mga ilaw at lumiwanag ang paligid.  Sabay labas ng mga taong nagtatago at sumigaw ng "HAPPY BIRTHDAY!!!"  Naroon pala ang kanyang asawa, mga anak, mga katrabaho at kaibigan.  Laking gulat nila ng makita ang lalaki na wala ng suot na pantalon at damit! hehehe...  Ang tao talaga, madaling bumigay sa tukso!  Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan.  Kaya nga't mali ang sinasabi ng kantang "O tukso layuan mo ako!" sapagkat kailanman ay hindi lumalayo ang tukso sa atin.  Sa halip tayo ang dapat na lumayo dito!  Tama nga ang kasabihang "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"  Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso.  Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO.  Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw at gabi ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nangyari nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Ngunit sa kahinaan ng kanyang katawan ay naroon naman ang kalakasan ng kanyang espiritu na pinatatag ng panalangin at pag-aayuno.  Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina.  Ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo tulad ng ginawa ni Jesus.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin. Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan.  Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo.  Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng tukso!  At dahil diyan ay mas madali nating masasamahan si Jesus sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma.