Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 25, 2017
BULAG-BULAGAN: Reflection for 4th Sunday of Lent Year A - March 26, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Kung ang Panahon ng Adbiyento ay may tinatawag na "Gaudete Sunday", ang Panahon ng Kuwaresma ay may "Laetare Sunday" kung tawagin. Katulad ng Adbiyento, ang kahulugan ng Laetare ay "magsaya". Magsaya sapagkat nalalapit na ang pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo. "Magsaya" sapagkat nababaagan na natin ang liwanag na gagapi sa kadiliman at pagkabulag ng sanlibutan. May dalawang uri ang pagkabulag. Ang pinakakaraniwan ay ang pagkabulag dahil sa pagkawala ng paningin. Ito ay isang uri ng pisikal na kapansanan. Mahirap na itong ibalik lalo na't ang pagkabulag ay mula pa sa pagkasilang. Nangangailangan na ito ng isang himala. Ngunit may mga tao din naman na nakakakita ngunit nabubuhay na parang mga bulag. Ang tawag natin ay mga taong "nagbubulag-bulagan". Ito naman ay ang mga taong pinili ang "hindi makakita" sapagkat ayaw nila at hindi matanggap ang katotohanan. Mas mahirap itong pagalingin sapagkat nasa taong bulag ang desisyon para makakita! May kuwento ng isang babaeng lumapit sa isang pari upang mangumpisal. "Pakiramdam ko po'y nagkasala ako, " ang sabi niya. "Ngayong umagang ito, bago ako magsimba ay lubhang naging mapagmataas ako sa aking sarili. Naging palalo po ako! Naupo ako sa harap ng salamin sa loob ng isang oras habang hinahangaan ko ang aking kagandahan." Tiningnan siya ng pari at sumagot: "Hija, hindi ito kapalaluan kundi kahangalan sapagkat nabubuhay ka sa imahinasyon!" Sinasabing ang ugat ng kasalanan daw ay kapalaluan sapagkat ito ay nagdadala sa isang masahol na uri ng pagkabulag... pagkabulag sa katotohanan. Kapag tayo ay bulag sa katotohanan ay akala nating tama ang ating maling ginagawa at dahil dito ay nawawalan na tayo ng pagnanais na magsisi sa ating mga kasalanan. Mabubuti na tayong mga tao kaya't di na natin kailangan ang Diyos sa ating buhay! Ang Ebanghelyo ngayong ika-apat na Linggo ng Kuwaresma ay nag-aanyaya sa ating tingnan ang ating mga sarili at baka may simtomas na tayo ng ganitong uri ng pagkabulag. Baka katulad na rin tayo ng mga pariseo na hindi matanggap ang kapangyarihan ni Jesus nang pagalingin niya ang bulag. Ang ganitong pag-uugali ay malaking sagabal sa isang tunay na pagbabalik-loob at pagbabagong buhay. May mga taong hindi nagkukumpisal sapagkat ang katwiran nila ay "wala naman akong mabigat na kasalanang nagawa! Mabuti naman ang akong tao! Walang bisyo! Sumusunod sa utos ng Diyos! Bakit pa ako magkukumpisal?" Ang pagkakaroon ng kababaang-loob na harapin ang ating mga pagkukulang ang unang hakbang sa isang tunay na pagbabago. Nagbubulag-bulagan pa rin ba ako sa aking pagiging Kristiyano? May pagkakataon pa tayo upang muling makakita. Tanging "mata ng pananampalataya" ang ating magagamit na panlunas sa sakit na pagbubulag-bulagan. Aminin natin sa Diyos ang ating mga pagkakamali, ihingi natin ng tawad sa Kanya at sabihin natin katulad ng bulag sa Ebanghelyo: "Sumasampalataya po ako, Panginoon!" Ang pagbubulag-bulagan ay nagiging sagabal din upang makita natin ang katotohanan sa mga maling nangyayari sa ating paligid. Kung minsan ay nabubulagan tayo ng ating paniniwala dahil sa galit na naghahari sa atin o kung minsan naman ay ang ating maling pananaw sa buhay. Hindi na natin makita na mali na pala ang ating mga iniisip at ikinikilos. Akala natin ay nasa tama pa rin tayo. Kaya siguro may mga taong nagsasabing wala namang masama sa pagmumura, pagnanakaw, pagsisinungaling, pagpatay kung ito naman ay magbubunga ng kabutihan. Ito ay masamang uri ng pagkabulag sapagkat ang mali ay nagiging tama at ang tama ay nagiging mali. Hingin natin sa Panginoon na sana ay pagalingin tayo sa ganitong uri ng pagkabulag. Ang utos ng Diyos at ang turo ng Inang Simbahan ang maaring gumabay sa atin kung tayo ba ay nabubulagan na sa ating pananaw sa buhay. Walang masama kung itatama natin ang ating maling pag-iisip. Walang masama kung itatama natin ang ating pagbubulag-bulagan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento