Minsan ay hindi natin namamalayan na nagbabago pala ang ating anyo. May oras na tayo ay nasa "BEAST MODE" kung tawagin. Ayaw tayong lapitan ng mga tao sapagkat ang tingin nila sa atin ay parang halimaw na handa silang lapain! Ngunit may oras na maganda ang ating "aura", maaliwalas ang ating mukha, nakakahalina ang ating dating. Ang kulang na lang ay yakapin at halikan tayo ng ating mga taong nakakasalubong. Tayo ay nasa "BEST MODE" natin! Nang si Jesus ay nagbagong anyo sa harap ng kanyang tatlong paboritong alagad siya ay nasa kanyang BEST MODE at hindi "beast mode!" Ipinakita ni Jesus sa kanila ang kanyang tunay na pagkakakilanlan. Ayon sa Ebanghelistang si San Mateo: "nagliwanag na parang araw ang
kanyang mukha, at pumuting parang
busilak ang kanyang damit." At hindi lang yon, nakita rin ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nasa tabi ni Jesus. Si Moises at Elias ang kumakatawan sa "mga Utos" at sa mga "Propeta" na saligan ng pananampalataya ng mga Hudyo sa Lumang Tipan. Sinasabi ng pangitaing ito kung sino si Jesus, na siya ang Anak ng Diyos, katulad ng narinig nilang tinig sa maitim na ulap: "Ito ang minamahal kong Anak na
lubos kong kinalulugdan. Pakinggan
ninyo siya!" Mahalaga ang tagpong ito sapagkat, ito ang magpapalakas sa loob ng mga alagad sa sandaling makita nilang si Jesus ay maghihirap sa kamay ng mga Hudyo. Ito ang magbibigay sa kanila ng pag-asa sa kabila ng pagkabigo sa kanilang inaasahang Mesiyas. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang sulyap ng kanyang kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos! Ito rin ay totoo sa ating bilang mga Kristiyano. Sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma ay inaamin natin ang ating pagiging makasalanan. Ngunit hindi ito ang ating tunay na pagkatao. Hindi lang tayo makasalanan. Tayo rin ay mga anak ng Diyos. Tayo rin ay tinubos ni Kristo at hinango sa pagkakalugmok sa kasalanan! Ito dapat ang ating BEST MODE na hindi mawawala sa ating pag-iiisip: na tayo ay mga nilalang ng Diyos na lubos na mabuti. Dahil dito ay mas mauunawaan natin kung bakit ang Simbahan ay laging ipinagtatanggol ang kasagraduhan ng buhay. Maiintidihan natin ngayon kung bakit hindi sang-ayon ang Simbahan sa paglapastangan sa buhay na kaloob ng Diyos sa anumang marahas na pamamaraan tulad ng "extra-judicial killing" at "death penalty". Naniniwala tayo na ang tao ay likas na mabuti sapagkat ang kanyang buhay ay nagmula sa Diyos. Kung naging masama man ang tao ay sapagkat dahil na rin sa maling paggamit ng kanyang kalayaan at sa masamang impluwensiya ng mga taong nakapaligid sa kanya o maging ng masamang kulturang umiiral sa lipunan. Kaya nga't ang isang kriminal, gaano man siya kasama dahil sa karumal-dumal na kanyang ginawa, ay hindi binibitawan ng Diyos. Si Jesus na Anak ng Diyos ay dumating sa daigdig para sa mga taong nag-aakalang sila ay "matuwid" kundi sa mga makasalanang handang magsisisi. Si Jesus ay nagbibigay ng pag-asa at pagkakataon upang ang mga makasalanan ay magbago! Tutol ang Simbahan sa EJK at Death Penalty sapagkat tinatanggal nito sa isang makasalanan ang pagkakataong ituwid ang kanyang buhay at ayusin ang kanyang pagkakamali. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa mainit na pagmamahal ng Diyos!" Kung isa ka sa mga sumasang-ayon sa pagbabalik ng sentensiyang kamatayan o death penalty ay suriin mo ang kaibuturan ng iyong puso. Baka ang laman ng puso mo ay poot, galit at paghihiganti. Hilingin mo sa Panginoon na palambutin ng kanyang pagmamahal ang iyong matigas na puso at piliin mo ang daan ng kapayapaan at hindi karahasan, ang daan ng buhay at hindi kamatayan... ang BEST MODE at hindi BEAST MODE!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento