Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Agosto 27, 2017
ANG SUSI SA KAHARIAN NG LANGIT: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year A - August 27, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Nitong nakaraang mga araw ay naging mas maingay ang Simbahan sa pagdami ng mga napapatay sa War on Drugs. Sunod sunod ang pahayag ng ating mga obispo kung ano ba ang saloobin ng Simbahan sa mga nangyayari. Marami ang natuwa ngunit may ilan din namang nagtaas kilay at muling inilalabas ang pagkiling ng simbahan sa mga drug addict sa halip na sa mga naging biktima ng karahasan. Alam naman nating hindi ito totoo. Kailanman ay hindi pinapanigan at sinasang-ayunan ng Simbahan ang anumang masasamang gawain. Ang pagtatanggol sa dignidad ng tao at sa pagiging sagrado ng buhay ang pinapahayag nito na bahagi ng kanyang iniingatang aral na tinanggap mula kay Kristo. At saan nagmula ang karapatan ng Smbahang magturo at magpasya sa usapin ng pamumuhay moral nating mga tao? Ang ating mga pagbasa ngayon ay tumatalakay tungkol sa nkapangyarihang taglay ng "susi." Alam naman natin kung para saan ang susi. Ginagamit natin ito sa pagsasara o pagbubukas. Ang susi ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ng nagdadala nito. Ang may susi ay maaring lumabas at pumasok sa isang bahay. Nagbibigay ito ng pahintulot, karapatan at kapangyarihan. Noong panahon ni Propeta Isaias, ginamit ang simbolo ng pagbibigay ng susi upang upang palitan si Sabna bilang katiwala ng templo at ibinigay ito kay Eliakim. Sa ating Ebanghelyo ay ginamit ni Jesus ang simbolo ng susi upang italaga si Simon bilang Pedro, ibig sabihin ay bato, na kung saan ay itatatag ang kanyang Simbhaan. "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng
kaharian ng langit: ang ipagbawal
mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit,
at ang ipahintulot mo sa lupa ay
ipahihintulot sa langit." At ang kapangyarihang ito ay ang ipinasa ni Pedro sa kanyang mga kahalili, ang Santo Papa at ang mga obispo. Kapag ang ating Santo Papa at ang mga obispo na kanyang kinatawan sa bawat diyosesis ay nagtuturo sa atin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay moral ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng aral ni Kristo. Kaya maari nating sabihin na ang kapangyarihan ng susi ng langit ay hindi lang para kay Pedro, ito rin ay para sa Simbahan. Kaya nga't bilang mga Kristiyanong Katoliko ay hinihikaya't tayong ipagdasal ang ating mga namumuno, simula sa ating Santo Papa at mga obispo upang magampaman nila ng tapat at masigasig ang tungkuling pangalagaan ang Simbahan. Ngunit hindi lang sapat ang panalangin, tayo rin ay inaasahang maging tapat at susunod sa kanilang mga aral kahit na ito ay hindi maging katanggap-tangap sa ating sariling paniniwala. At isa na nga rito ang pagpapahalaga at paggalang sa buhay. Naninindigan ang Simbahana na igalang natin ang buhay mula sinapupunan hanggang kamatayan. Kaya nga ang pagpatay ay walag puwang sa bokabularyo ng isang Kristiyano. Sa huling liham ng ating mahal na pastol, Arsobispo Luis Antonio Cardinal Tagle, a hinihimok niya ang mga nagpapakalat ng droga na tigilan na ang kanilang masasamang gawain at gayundin naman ang mga nagpapatupad ng batas na isaalang-alang ang paggalang sa karapatang pangtao. Makakatulong din sabi niya ang pagkakaroon ng "multi-sectoral dialogue" upang pag-usapan ng mabuti ang problema ng droga at ituring itong hindi bilang isang usaping politikal o kriminal kundi isang usaping pangtao na nakakaapekto sa ating lahat! Isa lamang ito sa maraming isyu na kung saan ay hinamon ang ating Simbahan sa kanyang pagiging propeta! Ang propeta ay naghahatid ng mensahe ng katotohanan at nagbibigay saksi dito. Ito ay masakit na mensahe na dapat lunukin nating mga tao ay hindi mangigiwi ang Simbahan kahit na ito ay hindi popular sa marami. Sana ang bawat isa din sa atin ay gampanan ang ating pagkapropeta. Wag sanang mangyari na ang isang bagay na mali tulad ng pagpapatay ay maging katanggap-tanggap at normal na lamang sa ating mga Kristiyano. Tandaan natin na tayo pa rin ang Simbahang itinatag ni Kristo at nasa atin pa rin ang susi ng kaharian ng langit!
Sabado, Agosto 19, 2017
ANG KILITI NG DIYOS: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year A - August 20, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Alam mo bang ang bawat tao ay may kanya-kanyang kiliti? Kapag nakuha mo raw ang kiliti ng isang tao ay madali mong makukuha ang kanyang kalooban. May katotohanan ito. May mga taong mababaw lang ang kiliti tulad ng pagkain. Pakainin mo lang ng kanyang paborito at kuha mo na siya! Sa iba naman ay mataas tulad ng "pride" o kayabangan. Purihin mo lang ng kaunti ang kanyang anyo o ugali at magiging BFF na kayo! Ang iba naman at malambot ang puso, kaunting iyak lang at mapapa-oo mo na sa gusto mo. Pero may ibang ang kiliti ay "salapi". Tulad ng kuwento ng isang taga BOC (Bureau of Customs) na nakahuli ng smuggler na nagpupuslit ng mga imported na damit. "Sir, baka puwede naman po nating pag-usapan ito. Magbibigay na lang po kami ng regalo sa inyo, ok na ba ang Php 1,000? alok ng smuggler. "Hindi ako tumatanggap ng lagay!" sabi ng taga BOC. "Sige na po, gagawin ko nang Php 5,000, okey na ba sa inyo?" panunuyo ng smuggler. "Ano ba? Sinabing di ako nasusuhulan eh!" muling niyang tanggi. "Wag na kayong magalit, Php 10,000 na ang ibibigay namin," huling alok ng smuggler. Biglang bumunot ng baril ang opisyal ng BOC , at itinutok sa smuggler, at saka sinabi, "Talaga bang di mo ako titigilan? Malapit na akong bumigay. Sige, makakaalis na kayo, iwan n'yo na lang 'yung regalo ko d'yan sa ilalim ng mesa."
Kung ang tao ay may kiliti eh paano kaya ang Diyos? Mayroon ba Siyang kiliti? Ano ba ang dapat nating gawin upang mahulog ang loob ng Diyos sa atin? Ano ba ang kiliti ng Diyos? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabi sa ating ang kanyang kiliti ay ang panalangin ng isang taong puno ng pananampalataya! At ito ang panalanging pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Malamang ay sapagkat hindi pa natin nakukuha ang Kanyang kiliti! Ang panalanging puno ng pananampalataya ang nakakahulog ng Kanyang kalooban upang maipagkaloob niya sa atin ang ating hinihingi. Mayroon itong dalawang katangian. Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit. Nais ng Diyos na kinukulit natin Siya kapag meron tayong hinihingi sa ating panalangin. "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!" Pansinin ninyo ang pagiging makulit ng babaeng Cananea sa ating Ebanghelyo. Panay ang sunod niya kay Jesus at pilit na hinihinging pagalingin ang kanyang anak na inaalihan ng demonyo. Maging ang mga alagad ay nakulitan na sa kanya. Ngunit dahil sa kanyang kakulitan ay nakuha niya ang kanyang hiling mula kay Jesus. Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Pangalawa ay ang pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "tuta" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang tuta man ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakita ng pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili upang ipakita ang laki ng kanyang pagtitiwala kay Jesus na kaya nitong ipagkaloob ang kanyang kahilingan. Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang ito. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng panalanging puno ng pananampalataya ang kalakasan nating mga tao at ang kahinaan naman ng Diyos. Tunay na may kahinaan ang Diyos sa mga taong nagdarasal ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ito ang KILITI NG DIYOS!
Kung ang tao ay may kiliti eh paano kaya ang Diyos? Mayroon ba Siyang kiliti? Ano ba ang dapat nating gawin upang mahulog ang loob ng Diyos sa atin? Ano ba ang kiliti ng Diyos? Sa ating Ebanghelyo ngayon ay sinasabi sa ating ang kanyang kiliti ay ang panalangin ng isang taong puno ng pananampalataya! At ito ang panalanging pinakikinggan ng Diyos. Kung minsan dasal tayo ng dasal para sa isang kahilingan ngunit parang hindi tayo pinakikinggan ng Diyos. Malamang ay sapagkat hindi pa natin nakukuha ang Kanyang kiliti! Ang panalanging puno ng pananampalataya ang nakakahulog ng Kanyang kalooban upang maipagkaloob niya sa atin ang ating hinihingi. Mayroon itong dalawang katangian. Ang una ay ang ating pagtitiyaga at pagpupumilit. Nais ng Diyos na kinukulit natin Siya kapag meron tayong hinihingi sa ating panalangin. "Ask and you will receive. Seek and you shall find. Knock and the door will be opened!" Pansinin ninyo ang pagiging makulit ng babaeng Cananea sa ating Ebanghelyo. Panay ang sunod niya kay Jesus at pilit na hinihinging pagalingin ang kanyang anak na inaalihan ng demonyo. Maging ang mga alagad ay nakulitan na sa kanya. Ngunit dahil sa kanyang kakulitan ay nakuha niya ang kanyang hiling mula kay Jesus. Kung minsan tayo rin ang may kasalanan sapagkat kulang tayo sa pagtitiyaga sa ating paglapit sa Diyos. Masyado tayong mainipin. Gusto agad natin na maipagkaloob ang ating kahilingan. Ang turing natin sa Diyos ay parang vendo machine na kapag naglagay ka ng pera ay dapat may lalabas na softdrink sa iyong harapan. Ngunit ang Diyos ay may sariling oras na kalimitan ay hindi tugma sa ating orasan. Pangalawa ay ang pagpapakumbaba. Ang babaeng Cananea ay nagpakababa sa harapan ni Jesus. Tinawag siyang "tuta" na walang karapatang makisalo sa hapag ng kanyang panginoon ngunit sumagot siya na kahit ang tuta man ay kumakain sa mga mumong nalalaglag sa hapag! Napakalaking pagpapakita ng pagpapakumbaba. Tinanggap niya at minaliit ang kanyang sarili upang ipakita ang laki ng kanyang pagtitiwala kay Jesus na kaya nitong ipagkaloob ang kanyang kahilingan. Kaya nga't namangha si Jesus sa kanya at ipanagkaloob ang kanyang ito. Ang ganitong uri ng pananampalataya ay nagdadala sa atin sa pagsusuko ng ating mga sarili sa kalooban ng Diyos. "Sundin ang loob mo dito sa lupa at para ng sa langit..." Ganito ba ang ating mga panalangin? Suriin natin ang ating mga sarili sa tuwing tayo ay lumuluhod sa Kanyang harapan. Manalangin tayo ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ang ganitong uri ng panalanging puno ng pananampalataya ang kalakasan nating mga tao at ang kahinaan naman ng Diyos. Tunay na may kahinaan ang Diyos sa mga taong nagdarasal ng may pagtitiyaga at pagpapakumbaba. Ito ang KILITI NG DIYOS!
Sabado, Agosto 12, 2017
ANG BAKAS NG DIYOS AY KAPAYAPAAN: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 13, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Saan nga ba matatagpuan ang Diyos? Alam nating nasa langit ang Diyos at hinihintay Niya tayong lahat na makapiling Niya sa kaluwalhatian at kaligayahang walang hanggan. Pero dito sa lupa, saan ba natin matatagpuan ang Diyos? Kapag sumasakay ako ng jeep, minsan may nakikita akong nag-aatanda ng krus kapag dumaraan ang jeep sa simbahan. Dito sa ating parokya, ang mga kabataan ay sanay ng bumisita sa simbahan upang dalawin si Jesus sa Banal na Sakramento bago umuwi sa kanilang mga bahay. Kaya nga't ang Diyos din ay matatagpuan sa Kanyang tahanan - sa tabernakulo ng ating mga simbahan. Ngunit ang Diyos din ay matatagpuan sa mga sitwasyon na hindi natin inaasahan. May isang bata ngang nagsabi na ang Diyos daw ay nasa kanilang bahay, sa loob ng kanilang banyo. Tinanong siya kung paano nangyari yun. Ang sabi niya: "Kasi mo tuwing umaga lagi ko na lang naririnig ang tatay kong sumisigaw sa harap ng pintuan ng aming banyo ng 'Diyos ko! Diyos! Anung oras ka lalabas d'yan? Maleleyt na ako sa trabaho!'" Sitwasyong di inaasahan, ito ang naranasan ni Propeta Elias ng katagpuin niya ang Diyos sa bundok ng Horeb. Hindi niya nakatagpo ang Diyos sa malakas na hangin, lindol, kidlat at kulog kundi sa isang banayad na tinig. Ang Diyos ay matatagpuan sa katahimikan at kapayapaan. Sa ating Ebanghelyo, natagpuan ng mga alagad si Jesus sa sitwasyon ng takot at pangamba. Madaling araw noon ng saniban ng takot ang mga alagad sa bangka ng makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. "Multo!" ang sigaw nila, sapagkat karaniwang paniniwala ng mga tao noon ang ang mga espiritu ay naglalakbay at nanahan sa ibabaw ng tubig. Ngunit pinawi ni Jesus ang kanilang takot at pangamba at sinabi niyang "Huwag kayong matakot si Jesus ito!" Sa ating paglalakbay ay karaniwang din tayong pinangungunahan ng takot at pangamba lalo na't nahaharap tayo sa maraming suliranin at kahirapan sa buhay. Naririyan pa rin ang pangamba ng karahasan dala ng terorismo at patayang dala ng problema sa droga. Nariyan ang pangambang dala ng hagupit ng kalikasan tulad ng lindol, bagyo at malakas na pag-ulan. Sa kabila ng maraming pangambang ito ay sinasabihan tayo ni Jesus na wala tayong dapag ikatakot. Manalig tayo Diyos. Manalig tayo sa kanya. Nagawa ni Pedrong lumakad sa ibabaw ng tubig palapit kay Jesus sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang Panginoon. Ngunit ng mapansin niya ang malakas na alon at hangin, nawala ang kanyang pagtuon kay Jesus naging dahilan iyon ng kanyang unti-unting paglubog. Inabot ni Jesus ang kanyang kamay at sinabi.: "Napakaliit ng iyong pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?" Kapag hinayaan nating gambalain tayo ng ating maraming alalahanin sa buhay at malingat tayo sa ating pagtitiwala sa Panginoon ay unti-unti nating mararanaan ang "paglubog" sa buhay! Tandaan nating malapit lang sa atin ang Diyos kapag tinalo tayo ng ating kahinaan. Hindi niya tayo pababayaan. Sapat lang na sambitin nating: "Sagipin ninyo ako, Panginoon!" at makakaranas tayo ng kapayapaang nagmumula kay Kristo. Patuloy na dumarating ang Diyos sa ating buhay. Sa kaguluhan sa ating paligid at maging sa ating sarili ay paghariin natin Siya. Ang Diyos ay dumarating sa kapayapaan. Kapayapaan ang bakas ng Kanyang presensiya!
Sabado, Agosto 5, 2017
MGA ANAK NA KINALULUGDAN NG DIYOS: Reflection for the Feast of Transfiguration Year A - August 6, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Kapistahan ngayon ng Pagbabagong Anyo ni Jesus o ang mas kilalang "Transfiguration of the Lord" na pinagninilayan natin sa tuwing dinarasal natin ang ika-apat na Misteryo ng Liwanag. Bakit ba kinakailangang magbagong-anyo ni Jesus? Dahil "trip-trip" n'ya lang ba? Dahil para lang ba ito sa "photo-op" sapagkat magandang makita siyang kasama nina Moises at Elias? Hindi. May mas mahalagang dahilan kung bakit kinakailangang magbagong-anyo ni Jesus. Una, ito ay para sa mga alagad, lalo na sa tatlong malapit sa kanya na kinikilala siya bilang "Mesiyas" - the Annointed One, ang pinili ng Diyos na kanilang tagapagligtas! Ang kanyang pagbabagong-anyo ay upang bigyan sila ng sulyap o "glimpse" ng kanyang kaluwalhatian upang magsilbing lakas nila kapag sila ay pinanghinaan na ng loob sa sandaling makita nilang naghihirap si Jesus. Si Moises ang kumakatawan sa "Mga Batas" at si Elias naman ang sa "Mga Propeta", ang dalawang haligi ng pananampalataya ng mga Hudyo. At ang tinig na kanilang narinig mula sa alapaap na nagsasabing "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan..." ang nagpapatunay na siya nga at wala ng iba pa ang Kristo at Anak ng Diyos. Ikalawa, ito ay para rin sa ating lahat na itinampok na "mga anak ng Diyos" noong tayo ay bininyagan. Kung paanong si Jesus ay nagbagong-anyo, dapat tayo rin, bilang "mga anak na ampon ng Diyos" ay kakitaan ng "bagong anyo" na kung saan ay sinasalamin natin si Jesus sa ating pag-iisip, salita at gawa. Totoo na tayo ay marupok bilang mga tao. Bagamat naging mga "anak ng Diyos" ay taglay pa rin nating ang kahinaan kaya't tayo ay patuloy pa rin sa paggawa ng masama at pagsuway sa kalooban ng Diyos. Ngunit hindi dapat manaig ang ating kahinaan sa ating tunay na katauhan... na tayo ay mga anak na hinirang ng Diyos! Ito rin ay totoo sa mga taong hinirang ng Diyos na kanyang maging mga alagad, lalo na sa aming mga pari. Ngayon ang Linggo ng mga Pari na kung saan ay pinagdarasal natin ang mga kaparian lalo na ang mga kura-paroko. Ito ay kasunod sa pagdiriwanng ng Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ang patron ng mga pari. Pinagdarasal natin ang mga pari sapagkat sila rin ay may kahinaan at karupukang taglay. Hindi lingid sa ating kaalaman ang nangyari lamang makailan na isang pari ang nahuli at ikinulong sa salang pang-aabuso sa isang menor de edad! Nakakalungkot ang ganitong balita ngunit kinakailangan natin itong harapin bilang isang Simbahan sapagkat ito naman talaga ang katotohan na tayong lahat ay makasalan at nagkakamali. Hindi ito ipinagwawalang bahala ng Simbahan. Hindi magiging hadlang ang Simbahan upang bigyang katarungan ang nagawang nagkamali ng kaniyang anak, ito man ay pagpaparusang legal (ayon sa batas ng lipunan) o kanonikal (ayon sa batas ng Simbahan). Ngunit hinihikayat tayo ng Simbahan na maging bukas ang pag-iisip na sa kabila ng iilang nagkamaling mga alagad ng Simbahan ay ang mas marami naman na nananatiling tapat sa kanilang bokasyon at buong buhay na nag-aalay ng kanilang sarili sa paglilingkod. Hindi tamang sabihing masama na ang lahat ng mga pari sapagkat may isang paring gumawa ng eskandalo at naging masama sa mata ng mga tao. Mas nabibigyan lang ng pansin ang iilang masama sapagkat ganito magbalita ang mundo: Ang isang eroplanong bumagsak ay siguradong nasa balita ngunit ang mas maraming eroplanong lumilipad at nakalalapag ng maayos ay hindi naibabalita! Ibig ko lang bigyang diin na kung may ilang paring tiwali ay mas marami naman ang mabubuti. Sa halip na pagpiyestahan sila sa mga tsismis, balita at social media, ay ipagdasal na lang natin sila. Ang araw na ito ay inilalaan para intensiyong ito na sana ay mas marami pang pari ang magiging tapat sa kanilang bokasyon at maging masigasig na tagapagpahayag ng Mabuting Balita katulad ni San Juan Maria Vianney. Nawa ay masabi sa kanila at sa ating lahat ang mga katagang narinig ng mga alagad ng magbagong-anyo si Jesus: " Ito ang (mga) minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)