Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 5, 2017
MGA ANAK NA KINALULUGDAN NG DIYOS: Reflection for the Feast of Transfiguration Year A - August 6, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Kapistahan ngayon ng Pagbabagong Anyo ni Jesus o ang mas kilalang "Transfiguration of the Lord" na pinagninilayan natin sa tuwing dinarasal natin ang ika-apat na Misteryo ng Liwanag. Bakit ba kinakailangang magbagong-anyo ni Jesus? Dahil "trip-trip" n'ya lang ba? Dahil para lang ba ito sa "photo-op" sapagkat magandang makita siyang kasama nina Moises at Elias? Hindi. May mas mahalagang dahilan kung bakit kinakailangang magbagong-anyo ni Jesus. Una, ito ay para sa mga alagad, lalo na sa tatlong malapit sa kanya na kinikilala siya bilang "Mesiyas" - the Annointed One, ang pinili ng Diyos na kanilang tagapagligtas! Ang kanyang pagbabagong-anyo ay upang bigyan sila ng sulyap o "glimpse" ng kanyang kaluwalhatian upang magsilbing lakas nila kapag sila ay pinanghinaan na ng loob sa sandaling makita nilang naghihirap si Jesus. Si Moises ang kumakatawan sa "Mga Batas" at si Elias naman ang sa "Mga Propeta", ang dalawang haligi ng pananampalataya ng mga Hudyo. At ang tinig na kanilang narinig mula sa alapaap na nagsasabing "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan..." ang nagpapatunay na siya nga at wala ng iba pa ang Kristo at Anak ng Diyos. Ikalawa, ito ay para rin sa ating lahat na itinampok na "mga anak ng Diyos" noong tayo ay bininyagan. Kung paanong si Jesus ay nagbagong-anyo, dapat tayo rin, bilang "mga anak na ampon ng Diyos" ay kakitaan ng "bagong anyo" na kung saan ay sinasalamin natin si Jesus sa ating pag-iisip, salita at gawa. Totoo na tayo ay marupok bilang mga tao. Bagamat naging mga "anak ng Diyos" ay taglay pa rin nating ang kahinaan kaya't tayo ay patuloy pa rin sa paggawa ng masama at pagsuway sa kalooban ng Diyos. Ngunit hindi dapat manaig ang ating kahinaan sa ating tunay na katauhan... na tayo ay mga anak na hinirang ng Diyos! Ito rin ay totoo sa mga taong hinirang ng Diyos na kanyang maging mga alagad, lalo na sa aming mga pari. Ngayon ang Linggo ng mga Pari na kung saan ay pinagdarasal natin ang mga kaparian lalo na ang mga kura-paroko. Ito ay kasunod sa pagdiriwanng ng Kapistahan ni San Juan Maria Vianney, ang patron ng mga pari. Pinagdarasal natin ang mga pari sapagkat sila rin ay may kahinaan at karupukang taglay. Hindi lingid sa ating kaalaman ang nangyari lamang makailan na isang pari ang nahuli at ikinulong sa salang pang-aabuso sa isang menor de edad! Nakakalungkot ang ganitong balita ngunit kinakailangan natin itong harapin bilang isang Simbahan sapagkat ito naman talaga ang katotohan na tayong lahat ay makasalan at nagkakamali. Hindi ito ipinagwawalang bahala ng Simbahan. Hindi magiging hadlang ang Simbahan upang bigyang katarungan ang nagawang nagkamali ng kaniyang anak, ito man ay pagpaparusang legal (ayon sa batas ng lipunan) o kanonikal (ayon sa batas ng Simbahan). Ngunit hinihikayat tayo ng Simbahan na maging bukas ang pag-iisip na sa kabila ng iilang nagkamaling mga alagad ng Simbahan ay ang mas marami naman na nananatiling tapat sa kanilang bokasyon at buong buhay na nag-aalay ng kanilang sarili sa paglilingkod. Hindi tamang sabihing masama na ang lahat ng mga pari sapagkat may isang paring gumawa ng eskandalo at naging masama sa mata ng mga tao. Mas nabibigyan lang ng pansin ang iilang masama sapagkat ganito magbalita ang mundo: Ang isang eroplanong bumagsak ay siguradong nasa balita ngunit ang mas maraming eroplanong lumilipad at nakalalapag ng maayos ay hindi naibabalita! Ibig ko lang bigyang diin na kung may ilang paring tiwali ay mas marami naman ang mabubuti. Sa halip na pagpiyestahan sila sa mga tsismis, balita at social media, ay ipagdasal na lang natin sila. Ang araw na ito ay inilalaan para intensiyong ito na sana ay mas marami pang pari ang magiging tapat sa kanilang bokasyon at maging masigasig na tagapagpahayag ng Mabuting Balita katulad ni San Juan Maria Vianney. Nawa ay masabi sa kanila at sa ating lahat ang mga katagang narinig ng mga alagad ng magbagong-anyo si Jesus: " Ito ang (mga) minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan!"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento