Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Agosto 27, 2017
ANG SUSI SA KAHARIAN NG LANGIT: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year A - August 27, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Nitong nakaraang mga araw ay naging mas maingay ang Simbahan sa pagdami ng mga napapatay sa War on Drugs. Sunod sunod ang pahayag ng ating mga obispo kung ano ba ang saloobin ng Simbahan sa mga nangyayari. Marami ang natuwa ngunit may ilan din namang nagtaas kilay at muling inilalabas ang pagkiling ng simbahan sa mga drug addict sa halip na sa mga naging biktima ng karahasan. Alam naman nating hindi ito totoo. Kailanman ay hindi pinapanigan at sinasang-ayunan ng Simbahan ang anumang masasamang gawain. Ang pagtatanggol sa dignidad ng tao at sa pagiging sagrado ng buhay ang pinapahayag nito na bahagi ng kanyang iniingatang aral na tinanggap mula kay Kristo. At saan nagmula ang karapatan ng Smbahang magturo at magpasya sa usapin ng pamumuhay moral nating mga tao? Ang ating mga pagbasa ngayon ay tumatalakay tungkol sa nkapangyarihang taglay ng "susi." Alam naman natin kung para saan ang susi. Ginagamit natin ito sa pagsasara o pagbubukas. Ang susi ay sumisimbolo sa kapangyarihang taglay ng nagdadala nito. Ang may susi ay maaring lumabas at pumasok sa isang bahay. Nagbibigay ito ng pahintulot, karapatan at kapangyarihan. Noong panahon ni Propeta Isaias, ginamit ang simbolo ng pagbibigay ng susi upang upang palitan si Sabna bilang katiwala ng templo at ibinigay ito kay Eliakim. Sa ating Ebanghelyo ay ginamit ni Jesus ang simbolo ng susi upang italaga si Simon bilang Pedro, ibig sabihin ay bato, na kung saan ay itatatag ang kanyang Simbhaan. "Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng
kaharian ng langit: ang ipagbawal
mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit,
at ang ipahintulot mo sa lupa ay
ipahihintulot sa langit." At ang kapangyarihang ito ay ang ipinasa ni Pedro sa kanyang mga kahalili, ang Santo Papa at ang mga obispo. Kapag ang ating Santo Papa at ang mga obispo na kanyang kinatawan sa bawat diyosesis ay nagtuturo sa atin tungkol sa pananampalataya at pamumuhay moral ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang tagapangalaga ng aral ni Kristo. Kaya maari nating sabihin na ang kapangyarihan ng susi ng langit ay hindi lang para kay Pedro, ito rin ay para sa Simbahan. Kaya nga't bilang mga Kristiyanong Katoliko ay hinihikaya't tayong ipagdasal ang ating mga namumuno, simula sa ating Santo Papa at mga obispo upang magampaman nila ng tapat at masigasig ang tungkuling pangalagaan ang Simbahan. Ngunit hindi lang sapat ang panalangin, tayo rin ay inaasahang maging tapat at susunod sa kanilang mga aral kahit na ito ay hindi maging katanggap-tangap sa ating sariling paniniwala. At isa na nga rito ang pagpapahalaga at paggalang sa buhay. Naninindigan ang Simbahana na igalang natin ang buhay mula sinapupunan hanggang kamatayan. Kaya nga ang pagpatay ay walag puwang sa bokabularyo ng isang Kristiyano. Sa huling liham ng ating mahal na pastol, Arsobispo Luis Antonio Cardinal Tagle, a hinihimok niya ang mga nagpapakalat ng droga na tigilan na ang kanilang masasamang gawain at gayundin naman ang mga nagpapatupad ng batas na isaalang-alang ang paggalang sa karapatang pangtao. Makakatulong din sabi niya ang pagkakaroon ng "multi-sectoral dialogue" upang pag-usapan ng mabuti ang problema ng droga at ituring itong hindi bilang isang usaping politikal o kriminal kundi isang usaping pangtao na nakakaapekto sa ating lahat! Isa lamang ito sa maraming isyu na kung saan ay hinamon ang ating Simbahan sa kanyang pagiging propeta! Ang propeta ay naghahatid ng mensahe ng katotohanan at nagbibigay saksi dito. Ito ay masakit na mensahe na dapat lunukin nating mga tao ay hindi mangigiwi ang Simbahan kahit na ito ay hindi popular sa marami. Sana ang bawat isa din sa atin ay gampanan ang ating pagkapropeta. Wag sanang mangyari na ang isang bagay na mali tulad ng pagpapatay ay maging katanggap-tanggap at normal na lamang sa ating mga Kristiyano. Tandaan natin na tayo pa rin ang Simbahang itinatag ni Kristo at nasa atin pa rin ang susi ng kaharian ng langit!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento