Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 12, 2017
ANG BAKAS NG DIYOS AY KAPAYAPAAN: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 13, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Saan nga ba matatagpuan ang Diyos? Alam nating nasa langit ang Diyos at hinihintay Niya tayong lahat na makapiling Niya sa kaluwalhatian at kaligayahang walang hanggan. Pero dito sa lupa, saan ba natin matatagpuan ang Diyos? Kapag sumasakay ako ng jeep, minsan may nakikita akong nag-aatanda ng krus kapag dumaraan ang jeep sa simbahan. Dito sa ating parokya, ang mga kabataan ay sanay ng bumisita sa simbahan upang dalawin si Jesus sa Banal na Sakramento bago umuwi sa kanilang mga bahay. Kaya nga't ang Diyos din ay matatagpuan sa Kanyang tahanan - sa tabernakulo ng ating mga simbahan. Ngunit ang Diyos din ay matatagpuan sa mga sitwasyon na hindi natin inaasahan. May isang bata ngang nagsabi na ang Diyos daw ay nasa kanilang bahay, sa loob ng kanilang banyo. Tinanong siya kung paano nangyari yun. Ang sabi niya: "Kasi mo tuwing umaga lagi ko na lang naririnig ang tatay kong sumisigaw sa harap ng pintuan ng aming banyo ng 'Diyos ko! Diyos! Anung oras ka lalabas d'yan? Maleleyt na ako sa trabaho!'" Sitwasyong di inaasahan, ito ang naranasan ni Propeta Elias ng katagpuin niya ang Diyos sa bundok ng Horeb. Hindi niya nakatagpo ang Diyos sa malakas na hangin, lindol, kidlat at kulog kundi sa isang banayad na tinig. Ang Diyos ay matatagpuan sa katahimikan at kapayapaan. Sa ating Ebanghelyo, natagpuan ng mga alagad si Jesus sa sitwasyon ng takot at pangamba. Madaling araw noon ng saniban ng takot ang mga alagad sa bangka ng makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. "Multo!" ang sigaw nila, sapagkat karaniwang paniniwala ng mga tao noon ang ang mga espiritu ay naglalakbay at nanahan sa ibabaw ng tubig. Ngunit pinawi ni Jesus ang kanilang takot at pangamba at sinabi niyang "Huwag kayong matakot si Jesus ito!" Sa ating paglalakbay ay karaniwang din tayong pinangungunahan ng takot at pangamba lalo na't nahaharap tayo sa maraming suliranin at kahirapan sa buhay. Naririyan pa rin ang pangamba ng karahasan dala ng terorismo at patayang dala ng problema sa droga. Nariyan ang pangambang dala ng hagupit ng kalikasan tulad ng lindol, bagyo at malakas na pag-ulan. Sa kabila ng maraming pangambang ito ay sinasabihan tayo ni Jesus na wala tayong dapag ikatakot. Manalig tayo Diyos. Manalig tayo sa kanya. Nagawa ni Pedrong lumakad sa ibabaw ng tubig palapit kay Jesus sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang Panginoon. Ngunit ng mapansin niya ang malakas na alon at hangin, nawala ang kanyang pagtuon kay Jesus naging dahilan iyon ng kanyang unti-unting paglubog. Inabot ni Jesus ang kanyang kamay at sinabi.: "Napakaliit ng iyong pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?" Kapag hinayaan nating gambalain tayo ng ating maraming alalahanin sa buhay at malingat tayo sa ating pagtitiwala sa Panginoon ay unti-unti nating mararanaan ang "paglubog" sa buhay! Tandaan nating malapit lang sa atin ang Diyos kapag tinalo tayo ng ating kahinaan. Hindi niya tayo pababayaan. Sapat lang na sambitin nating: "Sagipin ninyo ako, Panginoon!" at makakaranas tayo ng kapayapaang nagmumula kay Kristo. Patuloy na dumarating ang Diyos sa ating buhay. Sa kaguluhan sa ating paligid at maging sa ating sarili ay paghariin natin Siya. Ang Diyos ay dumarating sa kapayapaan. Kapayapaan ang bakas ng Kanyang presensiya!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento