Linggo, Nobyembre 26, 2017

KRISTONG HARI SA ATING KAPWA: Reflecion for the Solemnity of Christ the King Year A - November 26, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ang Kapistahan ni Kristong Hari ang hudyat ng katapusan ng taon ng Simbahan na nagpapaalala sa atin naman ng katapusan ng panahon o ang "Araw ng Paghuhukom".  Ito ay itinalaga ni Pope Pius XI noong 1925 sapagkat ang sekularismong pag-iisip ay unti-unting kinakain ang kulturang "maka-Diyos"  at sinisira ang pananampalatayang itinatag kay Kristo.  Kaya nga't ang kapistahang ito ay nangangahulugan ng ating pagpapasakop at pagtalima sa paghahari ni Kristo.  Siya ay muling darating upang sulitin ang buhay na ipinagkaloob Niya sa atin at ang pananampalatayang ipinunla sa atin noong tayo ay bininyagan.  Isang malaking palaisipan pa rin sa atin kung ano nga ba ang mangyayari sa araw na 'yon.  Para tayong mga estudyanteng naghihintay sa araw ng pagsusulit na magkahalong takot at pangamba ang nasa puso kung ano ba ang lalabas na mga katanungan. Ngunit kung iisipin, ang takot sa pagsusulit ay para lamang sa mga estudyanteng hindi nag-aral at naghanda.  Sa katunayan ay wala talaga tayong dapat katakutan sapagkat sa pagsusulit na ito ay ibinigay na sa atin ang katanungan. Ang ating exam ay "take home" at hindi "surprise test!" Kaya nga't katamaran at katangahan na lamang kung hindi pa natin ito maipapasa. At ano ang katanungan?  Ito ang nilalaman ng ating pagbasa ngayon sa Ebanghelyo.  Karaniwan ng tagpo marahil sa atin ang makakita ng lolang nagtitinda ng sampaguita sa harapan ng simbahan, o kaya nama'y mga pulubing may kapansanan na nakaharang sa daan, o mga batang gula-gulanit ang damit na haharang-harang sa daan at kakatok sa bintana ng iyong sasakyan.  Anung nararamdaman mo kapag lumalapit sila?  Napakadali silang iwasan, wag pansinin at dedmahin na parang wala kang nakikita at naririnig! Kung minsan nga nasisisi pa natin sila na tamad at umaasa na lamang sa awa ng iba, ayaw magbanat ng buto kaya't kuntento na lamang sa pahingi-hingi!   Ngunit sa tuwing nababasa ko ang Ebanghelyo ng "huling paghuhukom" ay may takot na naghahari sa akin. Balikan natin ang mga salita ng Hukom: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa! Kayo’y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako’y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. Ako’y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako’y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako’y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw.’ Hindi ba't sila rin ang mga taong nakakatagpo ko araw-araw?  Bakit natatakot akong tulungan sila?  Bakit nagdadalawang isip ako kung kikilos ba ako o hindi? Ang Kapistahan ng Kristong Hari ay muling nagpapaalala sa atin ng dalawang mahalagang dimensiyon ng ating buhay Kristiyano. Sa katunayan hindi sila magkahiwalay... magkadugtong sila. Ang tunay na pag-ibig kay Kristong ating hari ay dapat magdala sa atin sa tunay na pagmamahal sa kapwa nating nangangailangan. ‘Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Wag sana nating paghiwalayin ang pagiging relihiyoso sa pagiging-tao. Ang pagiging maka-Diyos ay pagiging maka-tao din! Tunay kong mahal ang Diyos kung may pagmamalasakit ako sa kapwa kong nangangailangan.  Hinihimok tayo ni Jesus na gamitin natin ang mata ng pananampalataya at hanapin natin siya sa mukha ng ating kapwa.  At ito ang mahirap gawin.  Si St. Mother Theresa ng Calcutta ay inihayag ang kanyang sikreto dito.  Para sa kanya, ang matagal na pananatili sa harap ng Banal na Sakramento araw-araw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon upang makita ang mukha ni Jesus sa mga maysakit at mahihirap.   Kaya nga hindi rin maaring isantabi ang pagsisimba at pagdarasal at sabihing tumulong na lang tayo sa ating kapwa.  Mas nagiging tama ang ating intensiyon sa pagtulong kung alam natin ang dahilan kung bakit natin ginagawa ito.  Sikapin nating ugaliin ang pagtulong at pagbibigay sa mga nangangaiangan.  Tandaan natin na walang nagiging mahirap sa pagbibigay.  Kung lubos-lubos ang biyayang ating tinatanggap sa Diyos ay dapat na lubos-lubos din ang ating pagbibigay.  Kapag tayo ay nagbibigay ay napaparangalan natin si Jesus bilang ating Hari... ang Hari ng Awa at Pag-ibig! Mabuhay si Kristong Hari!

Sabado, Nobyembre 18, 2017

ARAW NG PAGSUSULIT: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 19, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Habang papalapit ang pagtatapos ng buwan ng Nobyembre, na kung saan ay ating inaalala at ipinagdarasal ang ating mga kapatid na yumao, tayo rin ay papalapit sa pagtatapos ng ating "liturgical year."  Sa katunayan, sa susunod na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang dakilang kapistahan ni Kristong Hari na nagpapaalala naman sa atin ng pagsapit ng ARAW NG PANGINOON na binanggit ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika (1 Tes 5:1-6)   Pinapaalalahanan tayo nito na may sandaling haharap tayo sa Panginoon at magsusulit ng ating buhay.   Kaya nga kung ating titingnan ay iisa lang lang mensaheng sinasabi sa atin ng mga paalalang ito at iyon ay ang ating pagiging handa.  Dapat tayong maghanda sapagkat susulitin tayo ng Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay Niya sa atin sa araw na hindi natin inaasahan.  Ang pagsusulit na ito ay ang magsasabi kung nagamit ba natin ng mabuti ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon.  Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa.  May nabasa ako minsan na ganito ang sinasabi: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas!"   Inspiring ba?  Ito ang motto ng mga taong tamad!  Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali.  Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad.  Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga sa talinhagang isinalaysay ni Jesus?  May ginawa ba s'yang masama?  Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo.  Ano ang pagkakamaling nagawa niya?  Wala!  Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa!  At ito ang ipinagkaiba ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon ang salapi sa lupa; akala niya ata ay tutubo ito na parang isang halaman.  Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo; iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang lamang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin.  Wag na wag nating idadahilan na kaunti lang ang ibinigay sa akin ng Panginoong biyaya.  Kaunti na nga at wala pa tayong ginawa!  Nalulungkot ako sa mga kabataang mahina na nga sa pag-aaral ay nakukuha pang mag-"cutting" o mag-"one day" at magbabad sa computer shop kasama ang barkada.  O kaya naman ay isang mahirap na ama ng tahanan na wala na ngang makain ang pamilya ay nakukuha pang magsugal at uminom.  Kakaunti na nga ang biyaya ay wala pang ginagawa!  Naniniwala ako na wala namang taong gustong maging mahirap, mayroon lang mga taong tamad magtrabaho.  Wala namang batang bobo, mayroon lang tamad sa pag-aaral.  Tatapusin ko sa isang kuwento:  May isang batang may kahinaan sa pandinig ang minsang umuwi pagkatapos ng kanyang klase at may dala-dalang sulat mula sa kanyang guro.  Ayaw na nitong pabalikin si Tom sa klase sapagkat hirap daw mag-aral at hindi makaintindi ng aralin.  Ngunit hindi naniwala ang kanyang ina na bobo ang kanyang anak na si Tom. Pinagtiyagan niya itong turuan at ipinaunawa sa kanyang anak na hindi siya mangmang at kaya niyang matuto.  Pagkalipas ng maraming taon, karamihan sa mga tao sa buong mundo ay nagbigay ng pagpupugay kay Tom noong siya ay mamatay sa pamamagitan ng pagpatay ng kanilang ilaw sa loob ng isang minuto.  Si Tom ay walang iba kundi si Thomas Edison na syang nag-imbento ng bombilya na ating ginagamit ngayon.  Lahat tayo ay pinagkalooban ng Diyos ng buhay. Ito ay regalo Niya sa atin at kung paano natin ito ginamit ay ang magiging regalo namang ibabalik natin sa Kanya!


Sabado, Nobyembre 11, 2017

CHECKMATE: Reflection for 32nd Sunday in Ordinary Time Year A - November 12 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Isa sa maraming kinahihiligan nating laro ay ang larong CHESS.  Mapabata man o matanda, babae o lalaki, mayaman o mahirap, ay maaring maglaro nito.  Ginagamit natin dito ang ating malikhaing pag-iisip upang matalo natin ang ating kalaban.  Kaya nga ang larong ay sinasabi para lamang sa mga nag-iisip.  Kaya nga kung minsan ay inaasar natin ang mga ating mga kaibigan kapag nakikita nating naglalaro ng chess na: "Uy, pangmatalino yan ah! Marunong ka palang mag-isip!" Upang manalo sa larong ito ay kinakailangan mong paghandaan ang galaw ng iyong kalaban.  Pangalawa, 'wag kang sugod ng sugod sa paggalaw ng iyong mga piyesa,  At higit sa lahat ay protektahan mo ang iyong "hari".  Hindi ba't ang larong ito ay para ring nagsasalamin sa ating buhay?  Kung minsan ay pabigla-bigla tayo sa ating mga desisyon sa buhay. Sugod tayo ng sugod.  Hindi natin pinag-iisipang mabuti ang susunod nating galaw.  Hindi natin pinoprotektahan ang ating "Hari."  Kaya ang kinalalabasan ng ating laro... CHECKMATE!  Sa laro ng ating buhay ay kinakailangan nating gamitin ang ating isip.  Gamitin natin ang karunungang ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  Paghandaan natin ang mga mangyayari sa ating buhay lalo na ang mga suliranin at pagsubok.  Ang Ebanghelyo sa linggo ay nagbibigay sa atin ng isang magandang aral: Maging matalino tayo. Paghandaan ang pagdating ng Panginoon sa ating buhay.  Protektahan ang ating "Hari."  Ang talinhagang isinalaysay ni Jesus ay patungkol niya unang-una sa mga Hudyo na hindi pinaghandaan ang kanyang pagdating kaya't hindi rin sila naging bukas sa kanilang pagtanggap sa Kanya.  Ngunit ito rin ay patungkol ng Diyos sa atin.  Una, maging matalino tayong mga Kristiyano. Gamitin natin ang ating "karunungan" upang mabuhay sa biyaya ng Diyoa at ayon sa kanyang kaloooban.  Maging tuwid ang ating pagpapasya lalo na kung ang hinihingi nito ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa. Batid natin na masama ang kahahantungan ng isang maling desisyon ngunit bakit pa natin ito ipinagpapatuloy?  Alam nating mali ang isang relasyon na ating pinasok ngunit bakit ayaw nating kumalas?  Alam nating ang pagsuway sa utos ng mga magulang ay hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos ngunit bakit matigas pa rin ang ating ulo at patuloy ang ating paglabag sa kanilang pinag-uutos>  Pangalawa, maghanda tayo sa pagdating ng Panginoon sa ating buhay.  Ang malaking kasinungalingang ibinubulong sa atin ng demonyo ay ang marami pa tayong oras at mahaba pa ang ating buhay.  Ang katotohan ay hindi natin hawak ang oras ng ating buhay.  Maari tayong tawagin ng Panginoon at ngayon ay babagsak ka sa iyong kinatatayan at hihinto ang iyong paghinga.  Kaya nga mahalaga ay lagi tayong handa.  Ang buong buwan ng Nobyembre ay nagpapaalala sa atin nito.  Ang mga nauna na sa ating namatay, (UN-DAS) silang mga unang natodas, ay nagsasabi sa ating mabuhay tayo para sa Panginoon.  Isabuhay ang ating mga pangako sa binyag at gumawa ng maraming kabutihan na siyang babaunin natin pagharap sa Diyos Ama.  Panghuli ay protektahan natin ang ating "hari."  Alagaan natin ang biyaya ng kaligtasang ibinigay ng Diyos sa atin.  Huwag nating hayaang kainin ng ating pang-araw-araw na alalahanin at suliranin ang ating pananampalataya sa Kanya.  Mas madali ang maging hangal kaysa maging mabuti.  Mas madali ang magpabaya kaysa maging responsable sa buhay.  Mas maluwag ang daan patunging impiyerno kaysa langit.  Ngunit sa huli, ang gantimpala ay mapupunta sa mga nagsikap at nagtiyaga, sa mga naging matalino at matuwid ang pamumuhay.  Huwag nating hayaang sa huli ay ma-CHECKMATE tayo ng "kalaban."

Sabado, Nobyembre 4, 2017

PETMALUNG GAWA: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year A - November 5, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

May isang malaking barko, isang inter-continental ship ang papalubog sa gitna ng dagat.  Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit.  Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay.  Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu.  Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!"  sabay talon sa dagat.  Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump,  at sumigaw siya ng "Long live America!"  at sabay talon sa dagat.  At siyempre, papahuli ba naman ang ating presidente Digong?  Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!"  Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa mo... PETMALU!!!"  May mga tao ngang namang iba ang ang salita sa kanilang gawa.  Katulad din ito ng pag-ibig na nasusukat hindi sa tamis ng pananalita kundi sa ipinakikitang sakripisyo ng isang tunay na nagmamahal.  Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming mag-asawa ang sa kinalaunan ng kanilang pagsasama ay naghihiwalay pagkatapos ng kanilang matamis na sumpaan sa harap ng altar.  Nakalimutan nilang sila ang gumagawa ng kanilang kasal.  Tapat na gawa at hindi lang matatamis na salita ang sukatan ng isang matatag na pagsasama.  Ang pagtutugma ng salita at gawa ay makikita rin sa ating mga namumuno.  Ang isang tunay na pamumuno ay "leadership by action."  Tapat siya sa kanyang mga salitang binitawan at ipinangako. Mayroon siyang isang salita at pinatotohanan ito ng kanyang tapat na pamumuhay.  Ito ang dahilan kung bakit tinawag ni Jesus na pakitang-tao ang mga Pariseo sa kanyang kapanahunan.  Ang sabi niya sa kanila bilang tagapagturo ng batas: "....gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral."   Ito rin ang konteksto kung bakit pinagbawalan ni Jesus na gamitin nila ang katagang "guro" o "ama" sapagkat hindi sila karapat-dapat sa ganitong mga taguri.  Ito rin ang mensahe ni Jesus sa ating pangkasalukuyang panahon.  Unang-una ay para sa ating mga hinirang na pinuno, mapalipunan man o simbahan,  nararapat lang na dapat isabuhay nila ang kanilang mga itinuturo at binibitawang pananalita.  Maging mapagkumbaba kung sakaling hindi matupad ang mga ipinangako at magsumikap na ito ay maisakutuparan sa tamang paraan.  Ikalawa, ito rin ay para sa ating lahat na mga binyagan; maging tapat tayo sa ating mga pangako sa binyag.  Totoo, hindi tayo ang gumawa ng mga pangakong ito, ngunit ito dapat ay inangkin natin noong tayo nagkaroon na ng sapat na kamalayan at kalayaang magtalaga ng ating sarili sa ating Panginoong Jesukristo.  Panghuli, sinimulan natin ang buwang ito ng Nobyembre sa pagdiriwang ng "todos los Santos" o ang kapistahan ng "lahat ng mga Banal."  Sila ang ating inspirasyon na maari pa lang pagtugmain ang salita  at ang gawa!  Pinatunayang ng kanilang pamumuhay na hindi imposible ang magpahayag ng ating pananamapalataya kay Kristo at mabuhay ng marangal sa mundong itong nababalot ng kultura ng kamatayan at materyalismo.  Pangatawanan natin ang ating pagiging Kristiyano.  Magparaya tayo para sa ating mga kapatid ngunit huwag nating itulak ang iba upang masabi lang na tayo ay "petmalu" sapagkat hindi ito nagpapakita ng totoong "werpa!"   Ang tunay na Kristiyano ay hindi baligtad magsalita.  Tuwid ang kanyang salita sapagkat sinasamahan niya ito ng "petmalung" gawa!

Miyerkules, Nobyembre 1, 2017

UNDAS: Reflection for ALL SOULS DAY - YEAR A - November 2, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Bumisita na ba kayo sa inyong mga patay noong araw ng UNDAS?  Kung hindi ay 'wag kayong mag-alala sapagkat hi-tech na ang ating panahon ngayon. Maari ninyo silang i-text.  Just text DALAW send to 2366 at presto... sila mismo ang dadalaw sa inyo!  hehe. Me options pa 'yan: PRESS 1: hihilahin ka sa paa, PRESS 2: hahawakan ng malamig na kamay sa pisngi, PRESS 3: isasama ka sa kabilang buhay! hehehe...  Katulad ng inaasahan, dagsa na naman ang tao sa sementeryo. Patunay lamang na mas marami ang gustong sila na lang ang dumalaw kaysa sila ang dalawin!  Bakit nga ba November 1 ang nakagawian nating pagdalaw sa sementeryo gayung ang November 1 ay ARAW NG MGA SANTO?  Bakit ito ang araw na "UNDAS" kung tawagin?  May nagsabi sa akin na ang ibig sabihin daw ng salitang ay UNDAS ay ito.. . UNang natoDAS!  Sa araw na ito inaalala natin silang mga "unang natodas" sa atin! May sense naman di ba? hehehe... Siyempre, joke lang ito.  Ang UNDAS ay nagmula sa salitang kastilang UNDRAS na ang ibig sabihin ay "respect for the dead" o pagbibigay galang sa mga patay.  Pero bakit ang pagdalaw at "pagbibigay galang" sa mga patay ay November 1 natin ginagawa?  Di ba't ang araw ng mga kaluluwa ay November 2? Hindi ko mahanapan ng siyentpiko o historikal na paliwanag ngunit kung titingnan natin ang "psyche" ng mga Plilipino ay marahil mauunawaan natin ito. Tayong mga Pilipino ay may pagka-switik! Sigurista kung tawagin. Kung makakaisa, mang-iisa! Ayaw nating naargabyado o natatalo. Gusto natin, laging nakalalamang... nakasisiguro.  Kaya siguro mas pinili natin ang November 1 sa paggunita sa ating mga yumao ay sapagkat nais natin na ang ating mga pumanaw na mahal sa buhay ay sigurado ng maluwalhati sa "buhay sa kabila!"  Nais natin na ligtas sila at masayang nagtatamasa ng gantimpala ng Panginoon, Nais nating kasama na sila sa kalipunan ng mga Banal o mga Santo. Hindi naman masama ang maniguro kung titingnan natin. Ngunit sana ay hindi ito dahilan upang hindi na natin sila alalahanin.  Kailangan pa rin nila ang ating panalangin sapagkat naniniwala tayo na ang ating mga dasal ay malaki ang maiututulong upang mapunuan anuman ang mga pagkukulang nila dito sa lupa noong sila ay nabubuhay pa.  Naniniwala tayo sa doktrina ng "Communuion of Saints" o "Kalipunan ng mga Banal".  Dito makikita natin ang ugnayan nating mga tao sa mga kapatid nating naroroon na sa kabilang buhay, sila man ay nasa piling na ng Panginoon kasama ang mga banal o sila man ay naghihintay pang mapabilang dito.  Ayon sa ating paniniwala, tayong mga nabubuhay pa ay maaaring mag-alay ng panalangin para sa mga yumao na na nasa "purgatoryo" na kung saan ay dinadalisay ang katayuan ng kanilang kaluluwa upang maging karapat-dapat sa pagharap sa Panginoon.  Kapag narating na nila ang antas na sila ay karapat-dapat, sila ay dadalhin na ng Panginoon sa kanyang tabi at sila naman ang mag-aalay ng panalangin para sa ating nabubuhay upang tulungan tayong makibaka at mamuhay na banal. Bagama't hindi matatagpuan sa Banal na Kasulatan ang salitang "Kalipunan ng mga Banal" ito naman ay sang-ayon sa mga turo ni Kristo. Ang ating Ebanghelyo ay nagsasabi sa atin ng kalooban ng Diyos:  "huwag mawala ang kahit isa sa mga ibinigay Niya sa akin, kundi muling buhayin sila sa huling araw!"  Ang kalooban ng Diyos ay pagbuklurin bilang isang kalipunan ang mga sumasampalataya sa Kanya at dalhin sila sa kanyang kaharian.  Ang pagdiriwang din ng Araw ng mga Yumao ay nag-aanyaya sa ating pahalagahan ang buhay na bigay sa atin ng Panginoon.  Ang ating buhay ay regalo na galing sa Diyos at ito rin ang ibabaalik nating regalo sa Kanya.  Mamuhay tayo ng marangal at banal habang tayo ay binibigyan pa ng pagkakataong manatili dito sa lupa.  Ang ating mga yumao ay nagbibigay sa atn ng aral na laging maging handa anumang araw tayo susulitin ng Panginnon. Magsilbing paalala sa atin ang panalanging binibigkas sa pagbabasbas ng mga yumao: "Sa paraiso, magkikita-kitang muli tayo.  Samahan ka ng mga santo.  Kahit na may nauuna, tayo rin ay magsasama upang lagi tayong lumigaya sa piling ng Diyos Ama..."