Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Nobyembre 4, 2017
PETMALUNG GAWA: Reflection for 31st Sunday in Ordinary Time Year A - November 5, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
May isang malaking barko, isang inter-continental ship ang papalubog sa gitna ng dagat. Sakay-sakay nito ang mga dalawampu't tatlong presidente ng iba't ibang bansa na dumalo sa isang world summit. Inihanda ang isang malaking life-boat para sa kanila ngunit sa kasawiang-palad ay dalawampu lamang ang kaya nitong isakay. Ibig sabihin, kinakailangang magparaya ang tatlo sa kanila upang mailigtas ang dalawampu. Naunang nag-volunteer ang presidente ng Spain. Tumayo siya at sumigaw ng "Viva Espana!" sabay talon sa dagat. Sumunod na nagtaas ng kamay ang presidente ng Estados Unidos, si Pres. Trump, at sumigaw siya ng "Long live America!" at sabay talon sa dagat. At siyempre, papahuli ba naman ang ating presidente Digong? Nakangisi siyang tumayo at sumigaw ng "Mabuhay ang Pilipinas!" Sabay tulak sa presidente ng North Korea! Sigaw ang mga tao sa barko ng "Wow Rodi lodi... ang lakas ng werpa mo... PETMALU!!!" May mga tao ngang namang iba ang ang salita sa kanilang gawa. Katulad din ito ng pag-ibig na nasusukat hindi sa tamis ng pananalita kundi sa ipinakikitang sakripisyo ng isang tunay na nagmamahal. Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming mag-asawa ang sa kinalaunan ng kanilang pagsasama ay naghihiwalay pagkatapos ng kanilang matamis na sumpaan sa harap ng altar. Nakalimutan nilang sila ang gumagawa ng kanilang kasal. Tapat na gawa at hindi lang matatamis na salita ang sukatan ng isang matatag na pagsasama. Ang pagtutugma ng salita at gawa ay makikita rin sa ating mga namumuno. Ang isang tunay na pamumuno ay "leadership by action." Tapat siya sa kanyang mga salitang binitawan at ipinangako. Mayroon siyang isang salita at pinatotohanan ito ng kanyang tapat na pamumuhay. Ito ang dahilan kung bakit tinawag ni Jesus na pakitang-tao ang mga Pariseo sa kanyang kapanahunan. Ang sabi niya sa kanila bilang tagapagturo ng batas: "....gawin ninyo ang
itinuturo nila at sundin ang kanilang
iniuutos. Ngunit huwag ninyong
tularan ang kanilang gawa, sapagkat
hindi nila isinasagawa ang kanilang
ipinangangaral." Ito rin ang konteksto kung bakit pinagbawalan ni Jesus na gamitin nila ang katagang "guro" o "ama" sapagkat hindi sila karapat-dapat sa ganitong mga taguri. Ito rin ang mensahe ni Jesus sa ating pangkasalukuyang panahon. Unang-una ay para sa ating mga hinirang na pinuno, mapalipunan man o simbahan, nararapat lang na dapat isabuhay nila ang kanilang mga itinuturo at binibitawang pananalita. Maging mapagkumbaba kung sakaling hindi matupad ang mga ipinangako at magsumikap na ito ay maisakutuparan sa tamang paraan. Ikalawa, ito rin ay para sa ating lahat na mga binyagan; maging tapat tayo sa ating mga pangako sa binyag. Totoo, hindi tayo ang gumawa ng mga pangakong ito, ngunit ito dapat ay inangkin natin noong tayo nagkaroon na ng sapat na kamalayan at kalayaang magtalaga ng ating sarili sa ating Panginoong Jesukristo. Panghuli, sinimulan natin ang buwang ito ng Nobyembre sa pagdiriwang ng "todos los Santos" o ang kapistahan ng "lahat ng mga Banal." Sila ang ating inspirasyon na maari pa lang pagtugmain ang salita at ang gawa! Pinatunayang ng kanilang pamumuhay na hindi imposible ang magpahayag ng ating pananamapalataya kay Kristo at mabuhay ng marangal sa mundong itong nababalot ng kultura ng kamatayan at materyalismo. Pangatawanan natin ang ating pagiging Kristiyano. Magparaya tayo para sa ating mga kapatid ngunit huwag nating itulak ang iba upang masabi lang na tayo ay "petmalu" sapagkat hindi ito nagpapakita ng totoong "werpa!" Ang tunay na Kristiyano ay hindi baligtad magsalita. Tuwid ang kanyang salita sapagkat sinasamahan niya ito ng "petmalung" gawa!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento