Sabado, Nobyembre 18, 2017

ARAW NG PAGSUSULIT: Reflection for 33rd Sunday in Ordinary Time Year A - November 19, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Habang papalapit ang pagtatapos ng buwan ng Nobyembre, na kung saan ay ating inaalala at ipinagdarasal ang ating mga kapatid na yumao, tayo rin ay papalapit sa pagtatapos ng ating "liturgical year."  Sa katunayan, sa susunod na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang dakilang kapistahan ni Kristong Hari na nagpapaalala naman sa atin ng pagsapit ng ARAW NG PANGINOON na binanggit ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga Tesalonika (1 Tes 5:1-6)   Pinapaalalahanan tayo nito na may sandaling haharap tayo sa Panginoon at magsusulit ng ating buhay.   Kaya nga kung ating titingnan ay iisa lang lang mensaheng sinasabi sa atin ng mga paalalang ito at iyon ay ang ating pagiging handa.  Dapat tayong maghanda sapagkat susulitin tayo ng Panginoon ayon sa pagpapalang ibinigay Niya sa atin sa araw na hindi natin inaasahan.  Ang pagsusulit na ito ay ang magsasabi kung nagamit ba natin ng mabuti ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Panginoon.  Kaya nga hindi dapat tayo matagpuang tamad at walang ginagawa.  May nabasa ako minsan na ganito ang sinasabi: "Kung may balak kang gawin ngayon, wag mo ng ituloy, para me gagawin ka pa bukas!"   Inspiring ba?  Ito ang motto ng mga taong tamad!  Marahil ay nasasalamin din sa atin kung minsan ang ganitong pag-uugali.  Mahilig nating ipagpabukas ang gawaing maari namang tapusin kaaagad.  Ano ba ang kasalanang nagawa ng ikatlong aliping pinagkatiwalaan ng pinakamaliit na halaga sa talinhagang isinalaysay ni Jesus?  May ginawa ba s'yang masama?  Di niya naman nilustay ang salapi ng kanyang amo sa sugal o sa bisyo.  Ano ang pagkakamaling nagawa niya?  Wala!  Oo, ang pagkakamali niya ay wala siyang ginawa!  At ito ang ipinagkaiba ng naunang dalawang alipin sa kanya. Mayroon silang ginawa sa salapi ng kanilang amo. Pinalago nila ito. Samantalang siya ay literal na sinunod ang bilin ng kanyang amo na "patubuin" ito. Ayun... ibinaon ang salapi sa lupa; akala niya ata ay tutubo ito na parang isang halaman.  Ito ay isang halimbawa ng "mirror parable" na sumasalamin sa bawat isa sa atin. Tayo ang pinagkatiwalaan ng Panginoon ng salapi. Iba't ibang halaga ayon sa ating kakayahan! Ang salapi ay tumutukoy sa lahat ng mga biyayang ibinigay sa atin ng Diyos: kakayahan, katalinuhan, angking kagandahan, katangian, at maging kayamanan. Huwang nating ikumpara kung mas maraming tinanggap ang iba sa atin. Ang mahalaga ay pagyamain natin ito upang mapalago at ang ating sarili at makatulong tayo sa iba. Para tayong mga "container" ng tubig: May dram, may timba, may tabo; iba-iba ang laki ngunit ang mahalaga ay napupuno natin ito ng tubig! Sinlaki man ng dram ang biyaya mo ngunit wala namang lamang tubig, ibig sabihin ay hindi mo ginagamit, ay balewala ito! Mabuti pa ang tabo na kahit maliit ay nag-uumapaw ang tubig at nabibiyayaan ang iba! Tandaan natin na tayo ay mga katiwala lamang ng Panginoon. Darating ang araw na susulitin niya ang mga biyayang ibinigay niya sa atin. Nakakatakot na marinig mula sa Diyos ang mga katagang "Masama at tamad na alipin!" sapagkat hindi natin pinalago ang mga biyayang ipinagkaloob niya sa atin.  Wag na wag nating idadahilan na kaunti lang ang ibinigay sa akin ng Panginoong biyaya.  Kaunti na nga at wala pa tayong ginawa!  Nalulungkot ako sa mga kabataang mahina na nga sa pag-aaral ay nakukuha pang mag-"cutting" o mag-"one day" at magbabad sa computer shop kasama ang barkada.  O kaya naman ay isang mahirap na ama ng tahanan na wala na ngang makain ang pamilya ay nakukuha pang magsugal at uminom.  Kakaunti na nga ang biyaya ay wala pang ginagawa!  Naniniwala ako na wala namang taong gustong maging mahirap, mayroon lang mga taong tamad magtrabaho.  Wala namang batang bobo, mayroon lang tamad sa pag-aaral.  Tatapusin ko sa isang kuwento:  May isang batang may kahinaan sa pandinig ang minsang umuwi pagkatapos ng kanyang klase at may dala-dalang sulat mula sa kanyang guro.  Ayaw na nitong pabalikin si Tom sa klase sapagkat hirap daw mag-aral at hindi makaintindi ng aralin.  Ngunit hindi naniwala ang kanyang ina na bobo ang kanyang anak na si Tom. Pinagtiyagan niya itong turuan at ipinaunawa sa kanyang anak na hindi siya mangmang at kaya niyang matuto.  Pagkalipas ng maraming taon, karamihan sa mga tao sa buong mundo ay nagbigay ng pagpupugay kay Tom noong siya ay mamatay sa pamamagitan ng pagpatay ng kanilang ilaw sa loob ng isang minuto.  Si Tom ay walang iba kundi si Thomas Edison na syang nag-imbento ng bombilya na ating ginagamit ngayon.  Lahat tayo ay pinagkalooban ng Diyos ng buhay. Ito ay regalo Niya sa atin at kung paano natin ito ginamit ay ang magiging regalo namang ibabalik natin sa Kanya!


Walang komento: