Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Marso 31, 2018
BE BEARERS OF GOOD NEWS NOT FAKE NEWS: Reflection for Easter Sunday Year B - April 1, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Isa ka na rin ba sa mga nabiktima ng FAKE NEWS? Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook at nakagawian mo ng magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda. Isa sa halimbawa ng fakenews ay ito: "Ayon sa survey, isa sa tatlong katao ay pangit..." Papayag ka bang totoo ang survey na ito. Tingnan mo ang nasa kanan mo at kaliwa mo. O di ba mas pangit sa yo ang mga yan? Kung hindi dapat ka ng kabahan! hehehe... Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag. Kailanman ay hindi magagapi ng liwanag ang kadiliman. Hindi magagapi ng masama ang mabuti. Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay! Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan! Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. Kailangan lang nating maging mga taong may paninidigan sa katotohanan at maging mga men and women of integrity. Ito ang paalala ni Cardinal Tagle noong Chrism Mass sa Manila Cathedral: “Let
us put a stop to fake news! We are not called and consecrated to bring fake
news, only Good News, especially through the integrity of our lives,” At binigyang diin nya ang kahalagahan ng pagiging buhay na saksi ni Kristo sa ating pang-araw-araw na buhay. “That’s why many people don’t listen to the Good News
because they don’t see it [in] the one talking,” said Tagle. “They are looking
for people of integrity whose words will match their action.”
“The Good News is not just to be proclaimed
through words, in most instances it is better proclaimed in life, in deeds.
That’s integrity,” Ang ibig sabihin lang ng ating butihing Cardinal ay magpakatotoo tayo sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Iwaksi ang mali at gawin ang tama. Isabuhay natin ang ating mga pangako sa binyag. Kung magiging totoo tayo sa ating mga sarili ay madali na lang magpahayag ng katotohanan sa iba. Hindi tayo manlilinlang ng kapwa. Hindi natin lalamangan sila. Hindi natin ipapahamak ang isa't isa. Maging mga buhay tayong tagapagdala ng Mabuting Balita ni Kristo. Let us be bearers of GOOD NEWS not FAKE NEWS!
Huwebes, Marso 29, 2018
THE GOOD IN GOOD FRIDAY: Reflection for GOOD FRIDAY Year B - March 30, 2018
May bumati sa akin: "Good morning Father!" pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin. At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!" At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!" hehehe... What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY? Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito? Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... Good Friday! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?" Tatlong dahilan: una, "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!" Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito? Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito? At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapakawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba. Kaya ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito. Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating mahihirap. Iparamdam natin na sa kabila ng kanilang karukhaan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos. Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal. Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal. Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan. Tunay ngang lubos na mabuti ang araw na ito. Ang Kanyang kamatayan ang nagpabuti sa ating mundong nababalot ng kasamaan kayat magtiwala tayo sa Kanyang kabutihan. God is good today and will always be good all the time!
EUKARISTIYA, PAGPAPARI, PAGMAMAHAL: Reflection for Holy Thursday Year B - March 22, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA! Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.” Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa ating ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao. Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipgadasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday, ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin". Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34) Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin. Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao. Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin. Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo. Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig. Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo. Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!
Sabado, Marso 24, 2018
SEMANA SANTA: Reflection for Palm Sunday Year B - March 25, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sabado, Marso 17, 2018
MAGANDANG BUHAY: Reflection for 5th Sunday of Lent Year B - March 18, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
"Father, bakit laging kang bumabati ng MAGANDANG BUHAY sa simula ng homily mo?" tanong ng isang parokyano sa akin. Ang sagot ko sa kanya, "Mabuti na yun kesa naman, batiin ko kayo ng MAPANGIT NA BUHAY... Gusto n'yo ba yun?" Siguradong akong ayaw natin ng malas at problemadong buhay. Ayaw nating "bad vibes" ang ating masisinghot sa umaga sa ating paggising. Ang pagbati ng MAGANDANG BUHAY ay pagbating punong-puno ng pag-asa at ligaya. Kaya nga ginagamit ito kapalit ng magandang umaga o magandang hapon. Mas maganda nga naman talaga ang pagbating ito sapagkat ang buhay ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng Diyos at kapag ito ay ating ibinabahagi sa iba para na ring ibinibigay natin ang Kanyang pagpapala sa mga taong ating nakakasalubong at nakakatagpo. Tunay naman talagang "maganda ang buhay!" At kapag nabubuhay tayo ng mabuti ang Diyos na nagkaloob sa atin nito ay ating niluluwalhati. "The glory of God is man ( or woman) who is fully alive!" sabi ni San Ireneo. Kaya dapat lang nating pahalagahan ito. Yun lang nga huwag namang labis ang pagpapahalaga sapagkat ang lahat ng kalabisan ay masama. Baka sa ating pag-iingat o pag-aalaga ay ikapahamak natin ito. Sabi nga ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo. Hindi rin ito pagbatikos sa mga taong sobra sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay, bawal ang pork, hipon, karne, itlog at ba pang pagkain. Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!" May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig. Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama. May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, etc... Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa... Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay!
May apat akong mungkahi upang maging masaya at mapayapa ang ating buhay. Pang-una: RELEASE the regrets of yesterday. Pangalawa: REFUSE the worries of tomorrow. Pangatlo: RECEIVE the gifts of the present day. At pang-apat at pinakamahalaga sa lahat: REMAIN in God's presence. Isa lang ang ating buhay. Huwag nating sayangin. Mabuhay tayo ng masaya at maligaya!
MAGANDANG BUHAY SA INYONG LAHAT!
May apat akong mungkahi upang maging masaya at mapayapa ang ating buhay. Pang-una: RELEASE the regrets of yesterday. Pangalawa: REFUSE the worries of tomorrow. Pangatlo: RECEIVE the gifts of the present day. At pang-apat at pinakamahalaga sa lahat: REMAIN in God's presence. Isa lang ang ating buhay. Huwag nating sayangin. Mabuhay tayo ng masaya at maligaya!
MAGANDANG BUHAY SA INYONG LAHAT!
Sabado, Marso 10, 2018
ANG PAG-IBIG NG DIYOS: Reflection for the 4th Sunday of Lent Year B - March 11, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
May isang dalagitang nagpasyang magpakasal. Subalit marami sa kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan ang tutol sa kanyang desisyon. Ayaw nila sa lalaking kanyang mapapangasawa. Paano nga naman, ang dalaga ay maganda, matalino, may hanapbuhay, sa isang salita maayos ang buhay. Samantalang ang lalaki ay tambay, walang pinag-aralan, walang matinong trabaho at higit sa lahat pinagkaitan ng kapalaran ng kaguwapuhan. Ngunit ayaw patinag ng dalagita. "Siya pa rin ang pakakasalan ko sapagkat I feel in love with him!" Hnindi maintindihan ng mga tao sa kanyang paligid ang kanyang sinabi, hindi sapagkat ingles kundi sapagkat tila taliwas sa pag-iisip ng isang taong matino kaya't kanyang ipinaliwanag. "Yes I fell in love with him! Ang naibigan ko at minahal sa kanya ay hindi ang kanyang mukha kundi ang kanyang puso!" Kung minsan nga naman ay totoo ang kasabihang "love is blind!" Iba kasi ang pamantayan ng mundo sa pagmamahal. Kaya nga katawa-tawa ang kanta dati ni Andrew E na "Humanap ka ng pangit, ibigin mong tunay!" Ngunit kung ating titingnan ay ito ang ginawa ng Diyos noong ibinigay Niya ang kanyang bugtong na Anak para sa atin. Humanap Siya ng pangit at inibig Niyang tunay. Naging pangit tayo dahil sa ating mga kasalanan. Ngunit sa kabila nito tayo ay lubos Niyang minahal. Sa Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga_Efeso ay sinabi niya: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ng pg-ibig na iniukol niya sa atin..." At ipinakita ito ng Diyos sa Kanyang patuloy na pagkalinga sa Kanyang "bayang hinirang". Sa unang pagbasa ay inilahad ang katapatan ng Diyos sa bansang Israel sa kabila ng kanilang pagtatakwil sa Kanya. Bagamat nasira ng Jerusalem at napasailalim sila sa pananakop ng mga kanilang kaaway ay gumawa pa rin si Yahweh ng paraan upang muling ibalik sila sa kanilang bayan at muling itayo ang templo ng Jerusalem. Tunay ngang tapat ang Diyos sa Kanyang pangako! Sa Ebanghelyo naman ay inilahad ni San Juan kung paano pinatunayan ng Diyos ang Kanyang maling pagmamahal sa atin: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Kaya nga't sa panahon ng Kuwaresma ay nararapat lang na maunawaan natin ang malaking pagmamahal ng Diyos sa atin at sana ay maging pamantayan din natin ito sa ating pagmamahal sa kapwa. Hindi natin makikita ang ating pagiging makasalanan kung hindi natin mararanasan ang malaking pagmamahal ng Diyos sa ating lahat. Ang pag-ibig ng Diys ay walang itinatangi. Ang pagmamahal Niya ay walang kundisyon. Sana, tayo rin, pagkatapos nating maranasan ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos ay magawa rin natin itong maipakita na walang hinihintay na anumang kapalit mula sa ating kapwa. Isa sa mga gawain ng Kuwaresma ay ang pagkakawanggawa. Ang pagbibigay ng tulong sa mga kapatid nating mahihirap ay ang ating daan ng kabanalan ngayong panahon ng pagninilay sa Misteryo Paskuwa ng ating Panginoong Jesukristo. Makisa tayo sa kanilang paghihirap bilang pakikiisa sa paghihirap na dinanas ni Kristo. Matuto tayong umunawa, magpatawad at magmahal ng walang kundisyon o hinahanap na kapalit. Katulad ni Hesus, ibigin natin hindi lang ang mga kaibig-ibig. Hanapin natin ang mga "pangit at ibigin natin silang tunay!"
Sabado, Marso 3, 2018
BUHAY NA TEMPLO (Reposted & Revised): Reflection for 3rd Sunday of Lent Year B - March 4, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Minsan ay may nagtanong sa akin kung puwedeng misahan ang kanilang patay sa bahay. Sinabi ko na sa ating parokya, ang karaniwang patakaran ay hindi pinapayagan ang misa sa loob ng bahay. Sa halip na misa ay maari itong bigyan ng pari o diakono ng "Funeral Blessing." Maaari lamang idaos ang Misa kung ang patay ay nasa loob ng punerarya o ipapasok sa loob ng simbahan. Dalawang dahilan ang ibinigay ko: Una, pag-iingat ito upang hindi makapagmisa sa bahay ang pekeng pari, nagpapanggap o maaring kabilang sa ibang kulto o sekta. Ikalawa, sapagkat noong minsang nagpunta ako sa isang bahay upang magmisa ay ito ang naratnan ko: Una, napakarumi ng lugar. Nang tinanong ko ang may patay kung bakit hindi nila nililinis ang kanilang bahay ay sumagot silang "masama daw maglinis kapag may patay" sabi ng mga matatanda. Mas pinaniniwalaan pa nila ang pamahiin kaysa kalinisan ng pagdadausan ng Banal na Sakramento. Pangalawa, may bumibirit sa Videoke na para bagang nagbabalak sumali sa "Tawag ng Tanghalan sa Showtime". At pangatlo, ayaw huminto ng mga nagsusugal at nag-iinuman sa lamay. At sa aking palagay ay tama lang naman dahil hindi nabibigyang rispeto ang pagdiriwang ng Banal na Misa; ibig sabihin ay hindi rin nabibigyan ng tamang paggalang ang Diyos! Walang kaibahan ito sa kawalan ng paggalang ng mga Judio sa loob ng templo na siyang dahilan ng ikinagalit ni Jesus sa mga nangangalakal sa Templo. Nagalit siya sapagkat hindi nabibigyan ng paggalang ang bahay ng Diyos. Sa katunayan ito ay nagiging lugar pa ng pandaraya at panlalamang sa kapwa. May karapatan siyang magalit sapagkat nilalapastangan ang templo na tahanan ng Diyos. Ngunit higit pa sa gusali ang templong kinakailangan nating igalang ay ang ating katawan. Ang sabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito at muli kong itatayo sa loob ng tatlong araw.” Ang tinutukoy niya ay kanyang katawan. Tayo rin ay naging templo ng Diyos noong tayo ay bininyagan. Nanahan sa atin ang Espirit Santo at ginawa tayong kanyang tahanan. Dapat din nating igalang at alagaan ang ating katawan bilang templo ng Diyos. Ngayon ay maiintindihan natin kung bakit ganun na lamang ang pagtatanggol ng Simbahan sa buhay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos. Para sa ating Inang Simbahan, ang buhay ay regalong nagmula sa Diyos na dapat nating ipagpasalamat, pahalagahan at ipagtanggol. Kaya nga't may tungkulin tayong alagaan ang ating kalusugan, umiwas sa bisyo tulad ng alak, sigarilyo at droga na maaring makasira sa ating katawan. Katulad ng ating paggalang at pag-aalaga sa ating katawan ay tinatawagan din tayong igalang ang buhay ng iba sapagkat sa kanila rin ay nanahan ang pagiging templo ng Diyos. Kaya nga't ipanagbabawal ang pagpatay o pagkitil ng buhay "mula sinapupunan hanggang libingan." Paano natin isasagawa ang mga ito? Kapag bumili tayo ng gamit sa bahay tulad ng mga appliances ay lagi itong may kasamang "Manual". Mahalagang sundan ang manual sapagkat nanggaling ito sa kumpanyag gumawa ng gamit na ating binili. Gayundin naman, nilikha tayo ng Diyos at nag-iwan Siya ng "manual" sa atin. Naririyan ang ating budhi na nagsasabi sa atin kung ano ang tama at mali; ngunit higit sa lahat ay naririyan din ang Kanyang "Sampung Utos" upang ipaalam sa atin ang dapat nating gawin upang maalagaan natin ang buhay na kaloob Niya sa atin. Ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay pagpapakita natin ng paggalang at pagpapahalaga sa templong ito na nananahan sa atin at sa ating kapwa. Mataimtim ko bang sinusunod ang mga utos ng Diyos? O baka naman pinipili ko lang ang nais kong sundin? Ang panahon ng Kuwaresma ay laging nagpapaalala sa atin na suriin ang ating mga sarili at tingnan ang ating katapatan sa pagsunod kay Kristo. Alagaan natin ang "templo ng Diyos", pagnilayan natin at isabuhay ang Kanyang mga utos. Sa ganitong paraan tayo magiging banal at mga BUHAY N'YANG TEMPLO!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)