Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Abril 29, 2018
KUWENTO NG PANANATILI: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - April 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sa darating na Mayo 1, 2018 ay ipagdiriwang namin ang TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO. Ito ang ika-50 taong anibersaryo na sunod sunod na ipagdiriwang ng aming Youth Center (1968-2018), Parish Church (1969-2019) at TVET o Technical Vocational Educational Training Center (1971-2021). Pagkatapos ng limampung taon ay maraming kuwento ng hirap, tagumpay, pagkabigo at pag-asa ang aming naipon at siyang naging dahilan kung anung mayroon kami ngayon dito sa kanlurang bahagi ng Tundo. Ang kasalukuyang saganang bunga ng misyon na sinimulan ng ilang dayuhang Salesyanong Pari ay maitutukoy natin sa malalim na pagkaugat ng kanilang gawain sa Diyos. Sa katunayan, ang Don Bosco Youth Center ay sinimulan sa simpleng katesismo o pagtuturo ng pananampalataya na may kasamang kasiyahan sa pamamagitan ng palaruan. Ang sikreto ng tagumpay ay nakasalalay sa "pananatili" ng gawain ni Don Bosco sa Diyos! Kaya nga't akmang-akma ang imaheng ginamit ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon... ang puno ng ubas. Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinatutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao. Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila. Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako
ang puno ng ubas, kayo ang mga
sanga. Ang nananatili sa akin, at ako
sa kanya, ang siyang namumunga
nang sagana..." Tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento. At namumunga ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na naipapakita sa gawa! Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga. Sa ating buhay, ito ang maramng pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala. Ito rin ang naging kuwento ng Don Bosco Youth Center sa nakalipas na limampung taon. Maraming pagsubok mula sa usaping materyal at pinansiyal hanggang sa personal na suliranin na dulot ng hindi pagkakaunawaan o ng hindi magandang halimbawa ng mga namumuno. Ngunit ang lahat ng ito ay "paglilinis" o "pagpuputol" sa mga mga sanga na dapat pagdaanan upang mas maalalim pa natin ang ating pananatili sa Panginoon. Tunay nga ang salitang binitawan Niya: "Ang nananatili sa akin, at ako
sa kanya, ang siyang namumunga
nang sagana; sapagkat wala kayong
magagawa kung kayo ay hiwalay sa
akin." Kaya nga't mahalaga para sa atin na manatili sa pagtupad ng kalooban ng Diyos kung nais nating makatanggap pa ng maraming pagpapala. Hindi ang straktura ng mga gusali o pasilidad ang magbibigay tingkad sa ikalimapung taon ng pagdiriwang na ito kundi ang katapatan at sigasig nating manartili kay Jesukristo! Sapagkat kung wala Siya ay wala naman tayong magagawa. "Without Christ we are nothing!" Maligayang pagdirawang sa pagsisimula ng TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO!
Sabado, Abril 21, 2018
PAKIKIALAM NG MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year B - April 22, 2018- YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Nitong nakaraang Linggo ay nasa Don Bosco Batulao ako para sa aming taunang Spiritual Retreat. Ito ay limang araw na paglalaan ng oras para sa pagdarasal at pagninilay upang mapanibago namin ang aming pagtawag bilang isang relihiyosong pari o lay brother. Binibigyan din naman kami ng oras para magpahinga at personal na gawain kasama na rin ang maikling oras ng paggamit ng "internet" upang hindi naman kami maiwanan sa mga pangyayari sa ating mundo. Isa sa nakatawag sa aking pansin, sa aking pagbabasa ng balita, ay ang tungkol kay sa isang madre na ang pangalan ay Sister Patricia Fox. Siya ay isang matandang madre na kabilang sa Congregation of Reliogious Sisters of Our Lady of Sion o Sisters of Sion. Hinuli siya noong April 16 ng anim na miyembro ng Bureau of Immigration sa pag-aakusang siya ay isang "undesirable allien" - isang dayuhang hindi dapat naririto sa ating bansa. Ito ang unang paratang sa kanya ngunit kinalaunan ay inamin ng mga opisyal ng ating gobyerno na siya ay hinuli sapagkat siya ay isang dayuhan na nakikisali sa mga protesta ng mga raliyista at akbista... na siya raw ay lumalaban sa gobyerno at dahil dito ay nagiging banta ng seguridad. May katotohanan ba ito? Hindi ko lubos na maisip kung paanong ang isang matandang madre, 71 na taong gulang, payat at may iniindang sakit ay isang banta sa seguridad! Sa aking maikling pagsasaliksik ay napag-alaman ko na ang madreng ito ay nagsimula ng kanilang gawain dito sa Pilipinas noon pang 1990. Sila ay tinanggap ng dating obispo ng Infanta, Quezon na si Bishop Labayen. Ang kanilang misyon ay upang tulungan ang mga maralitang magsasaka at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa mga mapang-abuso sa lipunan. Ito naman talaga ang misyon ng Simbahan kaya nga't hindi pamumulitika ang ginagawa ng madreng ito. Sa katunayan, ang paninidigan nga ng kanilang kongregasyon ay ito: "Following the mandate of the church mission of proclaiming the Good News to the poor, she has since given her life as a religious to the service of the poor and those in need on the peripheries of society." Noong siya ay tinanong ng isang reporter kung may kinatatakutan ba siya ay ito ang kanyang tugon: "I am scared of being deported or denied entry" back into the country. "If I will die, I should die in the Philippines," she declared. "I can't die and be buried in Australia while my heart is left here." Ngayong Linggo ng Mabuting Pastol ay ito rin ang paalala ng ating Panginoong Jesus sa atin. "Iniaalay ng mabuting pastol ang
kanyang buhay para sa mga tupa." Si Jesus ang ating huwaran sa pagiging Mabuting Pastaol. Siya na naglaan ng kanyang buhay para sa atin na kanyang kawan ay nagsasabi sa atin na maging mabuting pastol din sa ating kapwa. Ang mga misyonerang tulad ni Sister Patricia Fox ay tapat na halimbawa ng isang pagiging mabuting pastol. Sila ang mga taong handang maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod at pagtulong sa mga nasa laylayan ng lipunan. Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay ipanalangin natin na sana ay magsugo pa ang Panginoon ng maraming mabuting pastol sa ating Simbahan, mga pari, madre, relihiyoso at relihiyosang handang talikuran ang lahat at maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod. Ipanalangin din natin ang mga nasa misyong magpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo na kasalukuyang dumaranas ng pagpapahirap at pag-uusig na sila ay maging matatag sa pananampalataya at sa kanilang pagsaksi sa katotohanan. Magsilbing inspirasyon din nawa para sa atin ang buhay ng mga taong tulad ni Sister Patricia Fox na manindigan at ipagtanggol ang ating kapwa Pilipinong nasisiil ang karapatan at naruruyakan ang dignidad bilang tao. Hindi ito politikal na pakikialam. Ito ay KRISTIYANONG PAKIKIALAM ng isang taong nagtataglay ng puso ng Mabuting Pastol.
Sabado, Abril 14, 2018
MULTO NG NAKARAAN: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year B - April 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Naniniwala ka ba sa multo? Kung ako ang tatanungin ay hindi ako naniniwala sapagkat hindi pa ako nakakikita at sana ay wag na silang magparamdam at magpakita dahil takot ako sa kanila! At sino nga ba ang hindi? Bukas ako ay pupunta na naman sa Don Bosco Batulao para sa aming taunang Retreat. Sa tuwing magpupunta ako lugar na ito ay lagi akong pinapangunahan ng takot. Paano ba naman ay sinasabing may nagpaparamdam daw sa isa sa mga kuwarto ng Retreat House na tinutuluyan namin. Tinanong ko yung kuwartong kung saan may nagpaparamdam at ang sabi sa akin ay Room 1206 daw! Kaya hinihingi ko ang dasal ninyo na huwag ko sanang makuha ang numero ng kuwartong ito at ang mga kalapit nito. Siguradong hindi ako matutulog ng limang araw! Natural naman talaga sa atin ang matakot kapag may nagpaparamdam sa ating multo o kaluluwa. Kahit ang mga alagad nga ay nakaramdam din ng pagkatakot sa inaaakala nilang multo. Si Jesus, pagkatapos na muling mabuhay, ay hindi lang nagparamdam pero nagpakita pa sa kanyang mga alagad. Tama lang na pangunahan matakot ang mga alagad. Baka nga naman multo ang kanilang nakikita at nagpaparamdam sa kanila. Saksi silang lahat sa pagkamatay ni Jesus. Kitang-kita nila ang kanyang paghihirap sa krus! Sila ba ay namamalik-mata lamang o isang multo ang nasa kanilang harapan? Ngunit nais ni Jesus na itama ang kanilang maling haka-haka. Ipinakita niya ang kanyang katawan at mga kamay at nagpakuha siya ng makakain sapagkat ang multo ay wala namang katawan kaya't imposibleng kumain. Nais Niyang maniwala sila na Siya ay muling nabuhay! May mga "multo" rin tayong kinakaharap sa ating buhay at ito rin kung minsan ay nagdadala ng takot sa atin. Ang tawag ko dito ay ang mga "multo ng nakaraan" o "ghosts of the pasts". Kung minsan ay may mga pangyayari sa atin sa nakaraan na hanggang ngayon ay hinahayaan nating multuthin tayo sa kasalukuyan. Minsan ay may mga sugat na kung tutuusin ay magaling na naman ngunit ang peklat ay nagbibigay pa rin ng kirot sapagkat hindi natin tanggap na naghilom na ito. Sabi nila "forgive and forget" pero hindi pala totoo yun! Kailanman ay hindi tayo maaaring makalimot sapagkat mayroon tayong pag-iisip na laging ibinabalik sa atin ang mga masasakit na ala-ala ng nakaraan. Marahil mas tamang sabihing "Forgive then remember... with healed memories! Wala ng sugat! Magaling na! Ang peklat ay kabahagi na ng nakaraan. Wag nating hayaang multuhin pa rin tayo nito. Dapat ay matuto tayong mag "let go and let God!" Hayaan nating ang Diyos na magtrabaho sa atin. Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos at ang lahat ay maaayon sa Kanyang kalooban. May mga sandali sa ating buhay na kailangan talaga nating dumaan sa paghihirap at pagdurusa. Ito ang nilinaw ni Jesus sa kanyang mga alagad, na ang "Anak ng Diyos ay dapat magbata ng hirap, mamatay, ngunit pagkatapos ng tatlong araw ay muling mabubuhay!" Sa ating buhay, kinakailangan din nating maramdaman ang "pagkamatay" kung nais nating madama ang biyaya ng "Muling Pagkabuhay!" Ang pagbati ni Jesus ay sapat na upang panatagin ang ating mga takot at pangamba. "Peace be with you!" Ang kapayapaang hatid ni Kristo ang magbibigay sa atin ng lakas ng loob at pag-asa upang mapagtagumpayan ang mga "ghosts of the past" sa ating buhay. Hayaan nating hilumin nito ang takot sa ating mga puso. Ang kapayapaan ni Kristo ay nangangahulugan ng pakikipagkasundo sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at sa mga pangyayari sa ating buhay. Sumainyo ang kapayapaan ni Kristo! Nais Niya ring ituwid ang kanilang maling pag-aakala tungkol sa Mesiyas, na ang lahat ng nangyari ay naaayon sa plano ng Diyos maging ang kanyang paghihirap at kamatayan. Kung minsan, ang hirap tanggapin ng Kanyang plano lalo na't kung iba sa ating nais. Kapag hindi nasunod ang gusto natin para tayong batang nagmamaktol, nagtatampo at nagagalit! Sabi ng isang katagang nakita ko sa retreat house: "RELAX... GOD IS IN-CHARGE!" Tama nga naman, kung naniniwala tayo na buhay si Hesus ay wala dapat tayong katakutan! Siya ang dapat na magdikta sa ating buhay at hindi ang multo ng ating lumang sarili. Ang Kanyang muling pagkabuhay ay pagpaparamdam ng Kanyang malaking pagmamahal sa atin! Aleluya si Jesus ay buhay!
Sabado, Abril 7, 2018
KAPAYAPAAN, AWA AT MALASAKIT: Reflection for 2nd Sunday of Easter Year B - April 8, 2011 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)