Sa kasalukuyang panahon ngayon na kung saan ay laganap ang krimen ay wala na atang pinipili ang masasamang loob. Kahit nga kaming mga pari ay nalalagay na rin sa panganib kaya nga't lubos ang aming pag-iingat! Sa kabila nito ay patuloy pa rin kaming mga pari sa pagtupad sa aming tungkulin at dapat naming gampanan ito ng buong katapangan. May nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Huwag nating isisi sa Diyos kung bakit tayo nagkasala at pumasok ang parusang kamatayan sa mundo. GOD IS NOT STUPID! Tayong mga tao ay pinagkalooban niya ng talino at kalayaan upang piliin ang mabuti sa masama. Kailanman ay igagalang ng Diyos ang ating kalayaang magdesisyon sa buhay. Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala na "huwag kakainin ang prutas ng puno na nasa gitna ng hardin." Ngunit dahil na rin sa pagnanais ng taong maging matalino at makapangyarihan "tulad ng Diyos", ay nilabag niya ang Kanyang utos. Dahil dito ay pumasok ang parusang paghihirap at kamatayan na daranasain nating Kanyang mga nilalang. Ngunit hindi naman tayo lubos na pinabayaan ng Diyos. Agad-agad ay ibinigay Niya ang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang Anak na si Jesus. Bagamat tinubos tayo ng Kanyang bugtong na Anak na ating Panginoong Jesus ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng ating kaaarawan ay pinasasalamatan natin ang Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Ngunit 'wag nating kalimutang ang bawat pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit sa ating kamatayan. Huwag tayong matakot sapagkat ang kamatayang ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asang balang araw ay makakamit natin ang tunay na buhay na inilaan ng Diyos para sa atin. Ang ating Diyos ay Diyos na buhay at Diyos ng buhay. Mabuhay ang Diyos ng buhay!
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 30, 2018
Sabado, Hunyo 23, 2018
ANG KABAITAN NG DIYOS SA ATING PANGALAN: Reflection for the Solemnity of the Birth of John the Baptist Year B - June 24, 2018: YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Siyam na taon akong naglingkod sa Parokya ni San Juan Bosco sa Tondo at isa sa mga kinagigiliwan kong gawain ay ang pagbibinyag sa mga bata. Isa sa mga nakakatuwang bahagi ng binyag ay ang pagsasabi ng pangalan ng batang bibinyagan. Doon ka kasi makakarinig ng iba-t ibang uri ng pangalan. Karaniwan ay kinukuha ng mga magulang ang pangalan ng kanilang mga anak sa kanilang mga iniidolong artista o mga manlalaro. Minsan naman ay kakaiba ang mga pangalan na tila "out of this world." Minsan daw ay may nagpabinyag ng kanyang anak at ang gusto niyang ipangalan ay "Toyota". Ang dahilan ay sapagkat ang pangalan ng panganay ay Ford, at ang kasunod naman nito ay Mercedez kaya itong bunso dapat daw ay Toyota. Ang sabi ng pari: "Sige Toyota ang kanyang pangalan, anung gusto n'yong ibuhos natin sa ulo niya? Unleaded ba o diesel?" Ngunit sana ay nag-iingat din tayo sa pagbibigay ng pangalan. Nauuso kasi ngayon ang pagdudugtong ng pangalan tulad ng Kath-niel, Ja-dine, Al-dub. Kung minsan naman ay pinagsamang pangalan ng tatay at nanay. Halimbawa: Jomar, kasi ang tatay ay Jose at nanay naman ay Maria. Ok lang naman kung ganito ngunit minsan kasi ay may nagpabinyag na ang pangalan ng bata ay hango sa pinagdugtong na pangalan ng mga magulang na ang pangalan ng tatay ay Conrado, at ang nanay naman ay Dominga. Ang kinalabasang pangalan ng bata: CONDOM! Hehehe. Alam mo ba ang kahulugan ng pangalan mo? Sabi nila ay may kahulugan daw ang ating mga pangalan. Sa katunayan may isang pari kami, na pumanaw na, na binibigyan ng kahulugan ang aming pangalan ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga letra nito. Hindi ko alam kung ito ay totoo kasi masyado ng worldy o secular ang mga pangalan ngayon. Dati-rati ay kinukuha pa sa kalendaryo ang pangalang ibinibigay sa bata ayon sa kapistahan o santong ipinagdiriwang sa araw ng kanyang kapanganakan. Kung ang pangalan mo ay may pagkaluma ang dating tulad ng "Candelario" malamang ay ipinanganak ka ng February 2. O kaya naman ay "Immaculada" kung ipinanganak ka ng December 8. Sa Bibliya ay iba ang ibig sabihin ng pangalan. Laging kakambal nito ay ang misyon na iniaatang sa isang tao. Halimbawa ay "Abraham" na ang ibig sabihin ay ama ng maraming lahi. "Pedro" na ang ibig sabihin ay bato. At "Juan" na ang ibig sabihin ay "God is gracious!"...mabait ang Diyos! Ito ang ipinangalan nina Zacarias at Elizabeth sa kanilang anak sapagkat nagpakita ng kabaitan ang Diyos sa kanila nang biniyayaan sila ng anak sa kabila ng kanilang katandaan. Mabait ang Diyos sapagkat naging tapat Siya sa Kanyang pangakong kaligtasan sa tao. Sa katunayan, sa sobrang kabaitan ng Diyos ay ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak upang tayo maligtas! Kung ang Diyos ay nagpakita ng kabaitan sa atin...dapat tayo rin sa Kanya. Maging "mabait" tayo sa Diyos. Mabait sa pagtupad sa Kanyang mga utos. Huwag tayong magsawa sa Kanyang kabaitan sapagkat kailanman, sa kabila ng ating pakasuwail na anak, ang Diyos ay patuloy pa ring mabait sa atin. Maging mabait din tayo sa iba. Bilang mga Kristiyano ay dapat na nasasalamin sa atin ang kabaitan ng Diyos. Maging mapagkumbaba, mapang-unawa at mapagpatawad sa maraming kakulangan ng ating kapwa sapagkat tayo rin naman ay may pagkukulang sa ating sarili. Maging mabait din tayo sa ating sarili. Maging mapagpasensiya tayo sa ating pagkakamali at kayang patawarin ang ating sarili sa ating masamang nakaraan. Si Juan Bautista ay nakalaan para maging dakila. Hindi lamang sapagkat siya ay hinirang na tagapaghanda ng daraan ng Panginoon ngunit sapagkat siya ay naging tapat sa kahulugan ng kanyang pangalan. Tayo rin, kung isasabuhay lamang natin ang kahulugan ng pangalang "Kristiyano" na ating taglay ay magiging dakila rin tayo sa harapan ng ating Diyos.
Sabado, Hunyo 16, 2018
ANG KABUTIHAN NG DIYOS ATING AMA: Reflection for 11th Sunday in Ordinary Time Year B - June 17, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sabado, Hunyo 9, 2018
TULAY NG PAGKAKASALA: Reflection for the 10th Sunday in Ordinary Time Year B - June 10, 2018 - YEAR OF THE CLERGY & CONSECRATED PRESONS
Nakakalungkot na nabubuhay tayo sa panahon ngayon na lumalaganap ang kultura ng kamatayan. May mga taong hindi na nakikita ang masama at sinasang-ayunan pa nga ang paggawa nito. May mga taong pinapalakpakan pa ang pagmumura, may isang artista at idolo ng mga kabataan na pinuna ang kanyang pakikipaglive-in sa kasintahan ang nagsabing "Hey... it's 2018!" May isang pinuno ng bansa na ok lang ang manghalik ng babaeng may asawa sa harap ng maraming tao bilang "gimik" o "entertainment". May mga taong manhid na sa pagkakahulog sa "tulay ng kasalanan." "May isang liblib na barrio na ang pangalan ay "Barrio Sirang Tulay sapagkat bago mo marating ang lugar na ito ay dadaan ka sa isang tulay na sira at tila pabagsak na. Ang 'Barrio Sirang Tulay' ay kilala sa mga taong ang kasalanan ay "adultery". Ang matandang paring naassign doon ay gumawa ng kasunduan sa mga tao na kapag ikukumpisal nila ang ganitong kasalanan ay sabihin na lamang na sila ay nalaglag sa tulay at alam na n'ya yon. Ginawa niya ito sapagkat sawang-sawa na siya sa pakikinig sa kanilang kasalanan. Sa kasamaang palad ay napalitan ang pari at agad sumabak sa pagpapakumpisal ang pumalit. Tulad ng inaasahan ang kanyang narinig ay: "Padre, patawarin mo po ako at ako ay nalaglag sa tulay!" Hindi makapaniwala ang pari na marami ang nalalaglag sa tulay. Hanggang sa asawa ng baranggay captain ang nagkumpisal at nagsabing siya rin daw ay nalaglag sa tulay. Agad-agad siyang sumugod sa baranggay hall na kung saan ay nagmemeeting ang konseho. "Kapitan, wala ka bang magagawa sa tulay natin? And daming nalalaglag! Nagtawanan ang lahat pati ang kapitan. Galit na sinabi ng pari: "Hoy kapitan, wag kang tumawa... ang asawa mo... nalaglag na rin sa tulay!" hehehe... Hind bat nakakalungkot na maraming tao ang tila baga manhid na sa pagkakahulog sa "tulay ng kasalanan?" Ang salitang kasalanan ay hango sa salitang Griego na "hamartia". Ang literal na pagkakasalin nito sa ingles ay "missing the mark". Ibig sabihin hindi tinamaan ang "target." Sa Filipino... SALA! MALI! At kung ating titingnan ay ito ang salitang ugat ng salitang kaSALAnan. Akmang-akma ang kahulugan sapagkat sa tuwing taoy ay gumagawa ng kasalanan at nagmimintis tayo. Hindi natin tinatamaan ang target na Diyos para sa atin, walang iba kundi ang KABANALAN! At narinig natin sa Unang Pagbasa, sa lat ng Genesis, kung paanong sinuway ng tao ang utos ng Diyos at dahil d'yan ay naputol ang kanyang ugnayan sa Kanya. Ang pagkakasalang ito ay nagdala ng PAGKAPAHIYA sa kanila. Namulat sila na sila ay hubad at nagtago sila sa Diyso. Hindi ba't ganun din tayo sa tuwing tayo'y nakagagawa ng kasalanan Nahihiya tayo sa Diyos, sa ating kapwa at sa ating sarili? Ang masaklap dito ay naging dahilan din ito ng pagtuturuan. Nang tanungin sila ng Diyos kung bakit nila nagawang kainin ang pinagbabawal na prutas ay nagturuan sila! Itinuro ni Adan si Eba, si Eba naman ay tinuro ang ahas! Ang bunga ng pagkakasala ay hindi pag-amin sa nagawang pagkakamali. Hindi ba't pag gumagawa tayo ng masama, malimit ay sa iba natin isinisisi ito? Ang mga magulang ko kasi strikto! Ang mga titser ko kasi tamad magturo! Ang mga kaibigan ko kasi bad influence! Never nating inako ang pagkakamali. Tandaan natin na ang Diyos nakababatid ng lahat. Siya ay Diyos na makatarungan at pinaparusahan Niya ang mga nagkakasala sa kanya tulad ng ginawa Niya sa ahas at kay Adan at Eba. Tayo rin ay nakatatanggap ng parusa kapag sinusuway natin ang kanyang mga utos. Kaya nga ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay nagpapabilang sa atin sa Kanyang pamilya. Ang Diyos ay makatarungan ngunit Siya rin ay maawain at mahabagin. Nang magkasala ang tao ay agad na ipinangako Niya ang Manliligtas - Si Jesus! Ipinakita Niya sa atin ang Kanyang pagnanais na hindi tayo mawalay sa Kanya. Sa Ebanghelyo ay tahasang sinabi ni Jesus na ang kanyang mga magulang at mga kapatid ay ang handang sumunod sa kalooban ng Diyos! Wag nating isiping minaliit ni Jesus ang kanyang inang si Maria. Bagkus ay itinama pa nga niya ang pag-intindi kung bakit dakila ang Mahal na Birhyen. Siya ang nagpakita ng mataas na pagsunod sa kalooban ng Diyos, noong tinanggap niya ang panyaya ng anghel na maging ina ng Anak ng Kataas-taasan! Mga kapatid, isapuso natin ang tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. Iwasan natin ang gawaing masama at isabuhay natin ang ibig sabihin ng pagiging "Kapamilya ng Diyos."
Sabado, Hunyo 2, 2018
TANDA NG PAGKAKAISA (Revised & Reposted) : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 3, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Nabubuhay tayo sa panahon ng mga tanda! Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito. Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee! Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo! Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami. Sa ating mga Kristiyano may isang tanda ng dapat ay alam na alam natin. Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo! Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa! Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Sa Bagong Tipan ay may pag-aalay pa ring nangyayari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Hindi rin katanggap-tanggap ang ipagpaliban at pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay! Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay, tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa. Sa kasalukuyang panahong ito na kitang-kita at damang-dama natin ang pagkakahiwalay, hidwaaan at alitan, lalo na sa ating lipunang sinisra ng maruming politika ay hingin natin ang pagkakaisang nagmumula kay Kristo. Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA! Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN. Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay. Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo. Tanggapin natin ang bawat isa ng may kagalakan. Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)