Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 28, 2018
KRISTIYANONG PABIBO: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Karaniwang maririnig ngayon ang salitang "PABIBO". Hindi naman ito bago sapagkat maririnig na ito noon pa mang taong 2007 kasama ng mga salitang PABEBE at PABIDA. Ang PABIBO ay ang taong laging gusto na siya ang sentro ng atensiyon na kung minsan ay dumarating na sa puntong nakikialam na siya sa buhay ng iba. Maaring ito rin ay mangahulugan ng pagpapasikat, katulad ng isang estudyanteng umaaktong alam niya ang lahat, "know-it-all attitude" sa klase upang mapansin siya ng kanyang mga kapwa kamag-aral. Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay umaastang "pabibo". Maaring mababa ang kanyang pagtingin sa sarili. Maaring rin itong reaksiyon ng isang taong kulang sa pagmamahal. Ngunit maaari rin itong reaksyon sa ating kasalukuyang mundong sinusukat ang halaga ng isang tao sa kung anong mayroon siya at ano ang kaya niyang ibigay. Ibig sabihin, ang mas nabibigyan ng halaga ay ang mga taong may silbi o may kuwenta! Tanggap ka ng mga tao kung ikaw ay maganda, may kaya, sikat, maraming kilala. Ang mga walang maipagmamalaki ay may isang puwedeng gawin upang sila ay mapansin... ang mag PABIBO! Hindi malayong sumagi rin sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe... Ngunit wag kang malungkot kung sa palagay mo ay wala kang kuwenta. Huwag kang masiraan ng loob kung sa palagay mo ay wala lang halaga. Huwag kang magpabibo kung sa palagay mo ay walang pumapansin sa iyo. Sapagkat kung titingnan natin, ang Diyos ay kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa pamamagitan mga walang silbi at walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda, pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata. Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus? Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla. Ang Panginoon nga naman kung minsan ay mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila, kahit marahil nagtataka at nagtatanong kung ano ang gagawin niya. At nangyari nga ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa! Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan lamang, maliit... mahina... walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Natutuwa akong malaman na may mga ilang guro at mag-aaral ng aming paaaralan na naglaan ng kanilang oras at panahon upang mag-impake ng mga relief goods at tulungan ang mga nabiktima nitong nakaraang malalakas na pag-ulan. Marahil maliit na bagay para sa kanila ang kanilang ginawa ngunit para sa mga taong kanilang natulungan ay malaking bagay! Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay. Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano kayat nararapat lamang na ibahagi natin ito sa mga taong nangangailangan pa ng liwanag ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba. Mayroon. Una, ipagdasal ang ating mga misyonero. Pangalawa, gumawa ng maliit na kabutihan sa ating kapwang nangangailangan. Pangatlo, tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng mga gawaing misyon ng Simbahan. Tandaan mo... tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda"… walang silbi, walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa! Makagagawa tayo ng himala! Kaya nga huwag nating piliing maging "Kristiyanong Pabibo". Mayroon tayong magagawa kung atin lamang ilalagay sa tama ang ating kakayahan, kayamanan at angking kabutihan.
Sabado, Hulyo 21, 2018
MALASAKIT SA PAGLILINGKOD: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time - Year B - July 22, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ayon sa paniniwala nating mga Katoliko ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... Huwag po sanang magalit ang ating mga minamahal na obispo. Kathang-isip lang po ito at hindi naman talaga nagtataglay ng katotohanan. Ang babait kaya at kagalang-galang ang mga obispo natin! Talagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!" Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna! Hindi sapagkat namumuno ka ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1) Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan. Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34} At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad. Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol. Kahit na ang mga layko rin ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa lahat ng Kristiyano. Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo? Ngunit hindi lamang ang magulang ang dapat magpakita ng malasakit, dapat ang mga anak din ay nagpapakita nito sa kanilang magulang. Mga kabataan, ilang oras ba ang ibinibigay mo sa iyong pamilya? Baka naman mas marami pang oras ang inilaan mo sa barkada o sa mga kaibigan mo kaysa sa kanila? Baka naman sinasayang mo ang perang ibinibigay ng magulang mo na bunga ng kanilang pawis at pagod at nagpapabaya ka sa pag-aaral? At sa mga may tungkuling mamuno sa ating lipunan, dapat ay kakitaan sila ng malasakit sa kanilang paglilingkod. Ang kanilang paraan ba ng pamumuno ay nagpapakita ng paggalang sa dignidad at karapatang pantao o sila ba ay ang yumuyurak sa dangal nito at hindi nagpapahalaga sa buhay, lalo na sa mga mahihirap, sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan? At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno sa mas maraming "kawan" ay malaki ang inaasahan sa amin ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal. Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod. At ngayong ngang Year of the Clergy and Consecrated Persons ay hinahamon ang bawat isa sa atin, unang-una na kaming mga pari at relihiyoso/relihiyosa, na naisin ang "maglingkod at huwag pagingkuran." Nawa ay magkaroon tayo ng malasakit tulad ng kay Jesus na nahabag ng makita ang mga tao na parang mga tupang walang pastol. Isang mabagbag damdaming pagbabahagi sa dinaluhan kong Philippine Conference for New Evangelization nitong nakaraang mga araw ay ang sinabi ni Bishop Ambo David ng Caloocan sa kanyang homiliya: "Today, I declare I have not been a good shepherd to my flock. The wolves have been hunting in the streets... I have not been able to protect them with my life." Nasabi niya ito pagkatapos niyang mabalitaan na isa na naman sa kanyang mga nasasakupan ang naging biktima ng karumaldumal na pagpatay, Ang diyosesis ng Caloocan ay isa sa mga may maraming bilang ng extra-judicial killings! Ang tunay na pastol ay may malasakit sa kanyang mga tupa! Hingin natin ang tulong at awa ni Jesus na mahubog ang ating puso katulad ng sa kanya na may malasakit sa paglilingkod. Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod. Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit! Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang ating Diyos.
Sabado, Hulyo 14, 2018
SENT AS DISCIPLES: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year B - July 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ano nga ba ang larawan ng ating "Lumang Simbahan?" Marahil babalik sa ating alaala ang mga kastilang prayle na laman ng nobelang Noli Me Tangere o kaya naman ang pagmimisang nakatalikod ang pari sa altar at mga panalanging latin na siya lang ang nakakaintindi! Marahil ang nakikita natin ay mga "alagad ng Diyos" na laging may hawak na Biblia o rosaryo at laging nakadaup-palad na tila hindi humihinto sa pagdarasal. Eh ano naman kaya ang paglalarawan ng pari sa "Bagong Simbahan?" May kuwento na minsan daw ay may paring nagpunta ng "Boracay" (hindi pa sarado nun!) upang takasan sandali ang maingay niyang parokya at makapagpahinga naman ng kaunti. Upang walang makakilala sa kanya ay sinadya niyang magsuot na damit na pangturista with matching shades at malabulaklak na polong tulad ng laging suot ni dating Mayor Atienza at beach short. Laking gulat niya nang makasalubong siya ng isang matandang babaeng naka beach attire at binati s'ya ng "Good morning Father!" Hindi s'ya makapaniwala na may nakakilala sa kanya. Kinabukasan, habang sya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay ay muli niyang nasalubong ang matandang babae na ngayon ay naka-swimsuit at muli siyang binati ng "Good morning Father!" Sa puntong ito ay hindi na niya napigilang magtanong, "Miss, paano po ninyo ako nakilalang pari?" Sumagot ang matanda, "Si Father naman, madalas ka kayang nagmimisa sa kumbento namin.... ako si Sister Mary Joy!" Kaya huwag kayong magulat kapag nakita n'yo kaming mga pari na nasa beach resorts, sa mga restaurants, sa mga sinehan, o kahit lumalakad-lakad lang sa SM o mga malls. Karaniwang tao rin naman kami na may karapatang mamasyal at magsaya! Pagkatapos ng Vatican II ay talagang malaki ang pinagbago ng imahe ng mga pari at relihiyoso. Ngunit kung minsan, kung hindi palagi, ay napupulaan ang mga pari at naihahalintulad kay Padre Damaso. Para sa kanila, ang pari ay laging mali! Kapag nagmisa siya On time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father! Kapag nalate naman ng kaunti... pinaghihintay niya ang mga tao! Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring! Kapag maikli, hindi siya naghanda. Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre. Kapag laging kasama naman ay lalaki, hmmmm nangangamoy paminta si Padre! Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan. Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire! Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!" Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ? NO PRIEST... NO EUCHARIST! Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa pagsusugo sa labindalawang alagad ni Jesus. Binigyan Niya sila ng kapangyarihang mangaral at magpagaling ng mga maysakit. Sa pamamagitan ng kanilang pagsaksi at mabubuting gawa ay naihatid nila ang Magandang Balita ng Panginoon na tinatawag din ni Pope Francis na Gospel of Joy! Ngunit ang Taong ito ay espesyal sa para sa aming mga pari at hinirang na alagad ni Kristo. Ngayon ay Year of the Clergy and Consecrated Persons kaya't binibigyang diin para sa amin ang pagiging lingkod. Sa logo nito ay kapansin-pansin ang gawain ng "paghuhugas ng paa" na gawain ng isang alipin noong panahon ni Jesus. Isang paalala ito sa amin na kami ay itinalaga hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod. Ipagdasal ninyo kaming mga pari na sana ay magampanan namin ito ng buong katapatan at pagpapakumbaba. Ang pagsusugo sa labindalawang alagad ay pagpapaalala rin sa ating lahat na tayo ay isinusugo bilang isang Misyonerong Simbahan. Ibig sabihin, ang pagiging alagad ay hindi lamang naituturing sa mga pari at relihiyoso/relihiyosa. Ito ay para sa lahat ng Kristiyano. Article 6 ng Documents for the Laity ay nagsasaad ng ganito: "There are innumerable opportunities open to the laity for the exercise of their apostolate of making the Gospel known... The very testimony of their Christian life, and good works done in supernatural spirit, have the power to draw men to belief and to God." Ang ibig sabihin ay lahat tayong mga Kirstiyano ay mga misyonero anuman ang ating kalagayan at katayuan sa buhay. Ito ay ipinapahayag natin sa ating sari-sariling pamamaraan. Kami bilang mga pari ay dapat mangaral at sumaksi kay Kristo. Kayo bilang mga layko ay tinatawag din sa kabutihan at kabanalan ng pamumuhay bilang mga manggagawa, mga guro at tagapagturo, mga empleyadong namamasukan o may sariling ikinabubuhay, mga namumuno sa lipunan at posisyon ng pagiging pinunong-lingkod at kahit simpleng maybahay na abala sa pag-aaruga sa kanyang pamilya. Iba-iba ang ating mga gawain ngunit iisa ang pagtawag. Lahat tayo ay isinugo ni Jesus na magpahayag ng Kanyang paghahari, Lahat tayo ay tapagdala ng Kanyang Mabuting Balita!
Sabado, Hulyo 7, 2018
PROPHETS OF GOODNEWS: Reflection for 14th Sunday n Ordinary Time Year B - July 8, 2018 - YEAR OF THE CLERGY & CONSECRATED PERSONS
Kapag may nagsabing "May goodnews at badnews ako sa 'yo!", ano karaniwan mong pinauuna? Kung ako ang tatanungin ay nais kong marinig muna ang "goodnews" ng sa gayon, kahit papaano, ay matanggap ko ng mahinahon ang "badnews". Isa pa ay ayaw kong pangunahan ako ng "bad vibes" kapag may ibinabalita sa akin. May kuwento na may magkaibigan na adik na adik sa paglalaro ng basketball. Para sa kanila mas gugustuhin pa nilang maglaan ng oras sa basketball kaysa sa kanilang mga gf. Minsan ay may pinagkasunduan ang dalawa na kung sino man ang unang maunang mamatay sa kanila ay ibalita kung may basketball din ba sa kabilang buhay. Naunang namatay si Juan at ng gabi rin pagkatapos niyang mailibing ay may narinig si Pedrong tinig sa kahimbingan ng kanyang tulog. "Peeeedroooooo! May goodnews at badnews ako sa 'yo!" Nanginig sa takot si Pedro sapagkat alam niyang tinig ni Juan ang kanyang narinig. "Ano ang goodnews?" tanong ni Pedro. "Ang goodnews..." sabi ni Juan, "may basketball sa kabilang buhay!" Sumagot si Pedro na halatang takot na takot, "Ano naman ang badnews?" Sagot ni Juan: "May laro tayo bukas, kasama ka sa first five!" hehehe... Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews." Sino nga ba naman ang may gusto nito? Kaya nga sa Misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon at hindi ang masamang balita. Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang magagandang balita balita kaysa masasamang balita. Kaya nga't kung araw-araw na lang ay patayan ang naririnig mo sa teleradyo o telebisyon ay para bagang ayaw mo ng manood! Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao. Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila. Ito ang pagtawag na tinaggap ni Propeta Ezekiel sa unang pagbasa. "Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan!" Ngunit gayon pa man ay patuloy pa rin ang mga propeta sa pagtupad ng kanilang misyon. Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: "Ang propeta'y iginagalang ng lahat, liban lamang sa kanyang mga kababayan, mga kamag-anak at kasambahay." At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos. Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta. Sa katunayan ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo ay isinunod ang pagpapahid ng langis o "krisma". Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ng ating Paninoong Jesukristo. Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus. Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa. Ito ay tungkuling kaakibat ng ating pagiging Kristiyano na dapat nating gampanan. Sa ating kasalukuyang panahon ay naangkop ang pagsasabuhay ng ating pagiging "propeta." Maraming isyung lumalabas ngayon na nangangailangan ng ating paninindigan bilang Kristiyano. Sa katunayan ay nagmimistulang kontrabida na nga ang Simbahan sa lipunan dahil sa mga pagsalungat nito sa maraming isyung moral. Halimbawa, naririyan ang patuloy na pagsalungat ng Simbahan sa Diborsiyo na pilit na isinusulong ng ating mga mambabatas. Naririyan din ang pagtutol ng Simbahan sa same sex marrriage. Hindi pa rin tumitigil ang Simbahan sa pagtutol sa maraming "extra-judicial killings" at paglabag sa mga karapatang pantao o human rights. Ang mga ito ay nangangailangan ng katapangan at katapatan ng pagiging isang PROPETA. Marahil ay hindi popular ang paninindigan ng ating pananampalataya ngunit hindi ito batayan upang sabihing mali ang ating daang tinatahak. Tandaan natin na ang mga propeta, at kasama na rin si Jesus, ay nakaranas ng pag-alipusta at hindi pagtanggap mula sa kanyang mga kababayan. Huminto ba sila sa pagsasabi ng katotohanan? Hindi. Patuloy silang sumalungat sapagkat ang kanilang ipinapahayag ay ang kalooban ng Diyos! Tayo rin bilang mga Kristiyano ay dapat hindi huminto sa pagsalungat kung ito ang hinihingi ng ating pananampalataya. May isang kasabihan na nagsasabing "only a dead fish go with the flow!" Ibig sabihin, buhay ang ating pagiging Kristiyano at pagiging Simbahan kung marunong tayong manindigan sa katotohanan at sa turo ni Kristo. Sa katunayan, ang ating pagiging propeta ay hindi naman talaga tagapagdala ng "bad news". Bad news sa mga taong mali at baluktot ang paniniwala. Ngunit sa mga taong bukas ang pag-iisip, ang ating ipinapahayag ay GOOD NEWS! Hindi dapat tayo maging badnews para sa iba. Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!" Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)