Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 21, 2018
MALASAKIT SA PAGLILINGKOD: Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time - Year B - July 22, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ayon sa paniniwala nating mga Katoliko ay may tatlong "lugar" tayong pinupuntahan kapag tayo ay nasa kabilang buhay na. Langit ang gantimpala para sa mga taong nagsumikap na maging mabuti at di nagpabaya sa kanilang tungkulin bilang Kristiyano. Purgatoryo naman ang katapat ng mga taong may pagkukulang pang dapat pagbayaran dahil sa kanilang kahinaan at maraming pagkakamaling nagawa noong sila'y nabubuhay pa bagama't nasa puso pa rin nila ang pagmamahal sa Diyos. At impiyerno naman ang naghihintay sa mga taong nagpabaya sa kanilang buhay at piniling mamuhay sa kasamaan at hayagang itinatatwa ang Diyos sa kanilang pamumuhay. Sinasabing sa kabilang buhay daw ay maraming sorpresang naghihintay! May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe... Huwag po sanang magalit ang ating mga minamahal na obispo. Kathang-isip lang po ito at hindi naman talaga nagtataglay ng katotohanan. Ang babait kaya at kagalang-galang ang mga obispo natin! Talagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!" Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna! Hindi sapagkat namumuno ka ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias: "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1) Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan. Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34} At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad. Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol. Kahit na ang mga layko rin ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa lahat ng Kristiyano. Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo? Ngunit hindi lamang ang magulang ang dapat magpakita ng malasakit, dapat ang mga anak din ay nagpapakita nito sa kanilang magulang. Mga kabataan, ilang oras ba ang ibinibigay mo sa iyong pamilya? Baka naman mas marami pang oras ang inilaan mo sa barkada o sa mga kaibigan mo kaysa sa kanila? Baka naman sinasayang mo ang perang ibinibigay ng magulang mo na bunga ng kanilang pawis at pagod at nagpapabaya ka sa pag-aaral? At sa mga may tungkuling mamuno sa ating lipunan, dapat ay kakitaan sila ng malasakit sa kanilang paglilingkod. Ang kanilang paraan ba ng pamumuno ay nagpapakita ng paggalang sa dignidad at karapatang pantao o sila ba ay ang yumuyurak sa dangal nito at hindi nagpapahalaga sa buhay, lalo na sa mga mahihirap, sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan? At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno sa mas maraming "kawan" ay malaki ang inaasahan sa amin ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal. Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod. At ngayong ngang Year of the Clergy and Consecrated Persons ay hinahamon ang bawat isa sa atin, unang-una na kaming mga pari at relihiyoso/relihiyosa, na naisin ang "maglingkod at huwag pagingkuran." Nawa ay magkaroon tayo ng malasakit tulad ng kay Jesus na nahabag ng makita ang mga tao na parang mga tupang walang pastol. Isang mabagbag damdaming pagbabahagi sa dinaluhan kong Philippine Conference for New Evangelization nitong nakaraang mga araw ay ang sinabi ni Bishop Ambo David ng Caloocan sa kanyang homiliya: "Today, I declare I have not been a good shepherd to my flock. The wolves have been hunting in the streets... I have not been able to protect them with my life." Nasabi niya ito pagkatapos niyang mabalitaan na isa na naman sa kanyang mga nasasakupan ang naging biktima ng karumaldumal na pagpatay, Ang diyosesis ng Caloocan ay isa sa mga may maraming bilang ng extra-judicial killings! Ang tunay na pastol ay may malasakit sa kanyang mga tupa! Hingin natin ang tulong at awa ni Jesus na mahubog ang ating puso katulad ng sa kanya na may malasakit sa paglilingkod. Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod. Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit! Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang ating Diyos.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento