Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hulyo 28, 2018
KRISTIYANONG PABIBO: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year B - July 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Karaniwang maririnig ngayon ang salitang "PABIBO". Hindi naman ito bago sapagkat maririnig na ito noon pa mang taong 2007 kasama ng mga salitang PABEBE at PABIDA. Ang PABIBO ay ang taong laging gusto na siya ang sentro ng atensiyon na kung minsan ay dumarating na sa puntong nakikialam na siya sa buhay ng iba. Maaring ito rin ay mangahulugan ng pagpapasikat, katulad ng isang estudyanteng umaaktong alam niya ang lahat, "know-it-all attitude" sa klase upang mapansin siya ng kanyang mga kapwa kamag-aral. Maraming dahilan kung bakit ang isang tao ay umaastang "pabibo". Maaring mababa ang kanyang pagtingin sa sarili. Maaring rin itong reaksiyon ng isang taong kulang sa pagmamahal. Ngunit maaari rin itong reaksyon sa ating kasalukuyang mundong sinusukat ang halaga ng isang tao sa kung anong mayroon siya at ano ang kaya niyang ibigay. Ibig sabihin, ang mas nabibigyan ng halaga ay ang mga taong may silbi o may kuwenta! Tanggap ka ng mga tao kung ikaw ay maganda, may kaya, sikat, maraming kilala. Ang mga walang maipagmamalaki ay may isang puwedeng gawin upang sila ay mapansin... ang mag PABIBO! Hindi malayong sumagi rin sa isipan natin na tayo ay walang silbi... walang kuwenta... walang halaga! Sumagi na ba sa isip mo na wala kang kuwenta? Walang silbi? Sabi ng text na natanggap ko "Kung sa palagay mo ay wala lang silbi ay wag' kang malungkot, may pakinabang ka pa rin. Puwede kang gawing "masamang halimbawa!" hehehe... Ngunit wag kang malungkot kung sa palagay mo ay wala kang kuwenta. Huwag kang masiraan ng loob kung sa palagay mo ay wala lang halaga. Huwag kang magpabibo kung sa palagay mo ay walang pumapansin sa iyo. Sapagkat kung titingnan natin, ang Diyos ay kumikilos at gumagawa ng kababalaghan sa pamamagitan mga walang silbi at walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda, pagkain ng mga mahihirap noong panahon ni Jesus. Walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda na galing sa isang bata. Ano ba ang bata noong panahon ni Jesus? Walang karapatan, walang boses sa lipunan, walang silbi! Walang kuwenta! Limang tinapay at dalawang isda para sa maihigit kumulang na limang libong madla. Ang Panginoon nga naman kung minsan ay mapagbiro! Sinabihan niya ang mga alagad na paupuin ang mga tao. Sumunod naman sila, kahit marahil nagtataka at nagtatanong kung ano ang gagawin niya. At nangyari nga ang isang himala. Nakakain ang lahat at may labis pa! Ito naman talaga ang "modus operandi" ng Diyos kapag nais Niyang ipadama sa tao ang Kanyang kapangyarihan. Gumagamit Siya ng maliliit... mahihina... walang kwenta! Upang ipakita na sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na kapangyarihan! Kung minsan, nanonood ako ng balita sa telebisyon. Nakikita ko ang paghihirap ng napakaraming tao. Nitong nakaraang mga araw punong-puno ng "bad news" ang kaganapan sa ating paligid. May mga mga taong nabiktima ng karahasan at walang saysay na krimen. May mga taong nasalanta ng bagyo at ibang kalamidad. May mga tao rin akong nakitang namamatay sa gutom dala ng kahirapan. Lagi kong tinatanong ang aking sarili... "anung magagawa ko para sa kanila?" Ako'y isang karaniwang mamamayan lamang, maliit... mahina... walang kwenta! Tandaan mo ang modus operandi ng Diyos. Isang katulad mo ang paborito Niyang gamitin! Kaya wag ka lang manood sa isang tabi... may magagawa ka! Simulan mo silang isama sa iyong panalangin. Pairalin mo ang pagkukusa sa pagtulong sa mga nangangailangan. Natutuwa akong malaman na may mga ilang guro at mag-aaral ng aming paaaralan na naglaan ng kanilang oras at panahon upang mag-impake ng mga relief goods at tulungan ang mga nabiktima nitong nakaraang malalakas na pag-ulan. Marahil maliit na bagay para sa kanila ang kanilang ginawa ngunit para sa mga taong kanilang natulungan ay malaking bagay! Iwasan mo ang pagiging makasarili at sa halip ay pairalin mo ang pagiging mapagbigay. Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay binibigyan natin ng natatanging atensiyon ang gawaing misyon ng ating mga kapwa Pilipinong misyonero. Sa kabila ng ating pagiging maralitang bansa ay apaw biyaya naman tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano kayat nararapat lamang na ibahagi natin ito sa mga taong nangangailangan pa ng liwanag ni Kristo! Ngunit dahil sa pagkasadlak natin sa kahirapan kung minsan ay nadarama natin ang pagiging hikahos sa buhay at natatanong tuloy natin ang ating sarili kung mayroon ba tayong maibabahagi sa iba. Mayroon. Una, ipagdasal ang ating mga misyonero. Pangalawa, gumawa ng maliit na kabutihan sa ating kapwang nangangailangan. Pangatlo, tumulong sa pinansiyal na pangangailangan ng mga gawaing misyon ng Simbahan. Tandaan mo... tayong lahat ay parang "limang tinapay at dalawang isda"… walang silbi, walang kuwenta ngunit sa kamay ng Diyos ay may malaking magagawa! Makagagawa tayo ng himala! Kaya nga huwag nating piliing maging "Kristiyanong Pabibo". Mayroon tayong magagawa kung atin lamang ilalagay sa tama ang ating kakayahan, kayamanan at angking kabutihan.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento