Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Pebrero 24, 2019
UNCONDITIONAL LOVE: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year C - February 24, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Halos patapos na tayo sa "Buwan ng Pag-ibig" at marahil magandang kamustahin natin ang ating relasyon sa isa't isa. Ano na ba ang relationship status mo? Sa facebook ay makikita pa ang mga status tulad ng single, married, in a relationship, it's comlplicated at nadagdagan pa ito ng engaged, married, widowed, separated, divorced, in civil union, in a domestic relationship. Isama na natin ang mga kakaibang jejemon relationship tulad ng MOMOL (Make Out Make Out Lang), MOMOX (Make Out Make Out Extreme), HOHOL (Hang Out Hang Out lang) COCOL (Coffee Coffee Lang) MU (Mutual Understanding? Hindi... MU for Malanding Ugnayan! hehehe) Anuman ang relationship status mo, ang mahalaga pa rin ay ang madama mo na may nagmamahal sa 'yo. Kaya nga dapat tinatanong natin sa isa't isa ang katagang "Mahal mo ba ako?" Mahal ba ako ng asawa ko? Mahal ba ako ng mga anak ko?... ng mga kaibigan ko?... Mahal ba ako ng aking Diyos? Isang ngo-ngo ang despiradong nagdasal sa loob ng Simbahan. Lagi na lang siyang niloloko ng kanyang mga kasama dahil sa kanyang kapansanan kaya madalas siyang nadadala ng depression. Sa sobra niyang pagkalungkot ay buong tapang niyang tinanong ang Diyos kung talagang mahal pa siya nito. Nakita niya ang isang malaking krusipiho sa bandang sacristy at buong lakas niyang sinabi: "Mainoon, maal mo ma ao? (Panginoon, mahal mo ba ako?) Mait ao niloloo ng mga ao? Mait mo ako inawang ngo-ngo? Anung aalanan o? Tahimik ang paligid. Walang sumagot. Kaya't muli niyang isinigaw: "Mainoon maal mo ma ao? Umaot ka kun undi, magpapaamatay ao!" May nakarinig pala sa kanya, ang sakristan na isang ngo-ngo rin na nakasimpatya sa kanyang abang kalagayan kaya't sumagot siyang patago: "Ngo-ngo... maal na maal ita. Iniiip nilay indi maalaa. Maal ita maing ino a man..." Sagot si ngo-ngo: "Mainoon... ngo-ngo a rin?" May tama si ngo-ngo! Sobrang mahal siya ng Diyos. Sa sobrang pagmamahal na ito ay nakiramay siya sa ating abang kalagayan. Kinuha niya ang ating pagka"ngo-ngo"... ang ating kahinaan bilang tao. Higit pa riyan, ang Diyos na ito ay nagmahal sa atin na walang pagtatangi, walang kundisyon, walang limitasyon. "Mahal kita, maging sino ka man..." ang sabi nga ng linya ng isang awit. Ang pagmamahal na ito ay ang tinatawag nating "unconditional love" na patuloy niyang ipinadadama sa ating mga makasalanan. Mas malaki ang pagkakasala mas malakas dapat nating madama ang pag-ibig ng Diyos! Dito ay makikita natin ang malaking pagkakaiba ng pag-ibig ng Diyos sa pag-ibig ng tao. Para sa Diyos ang pag-ibig ay hindi lang feeling kundi willing. Ginusto ng Diyos na mahalin niya tayo sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Kaya nga't nasabi niyang: ''...Love your enemies, do good to those who hate you, bless those who curse you, pray for those who mistreat you!" At para bigyan ito ng paglalarawan ay sinabi niyang ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa na alam natin mas masakit. Ibigay mo na rin ang balabal mo pag hiningi ang iyong baro! Ang ibig sabihin ng Panginoong Jesus ay "go the extra mile" kung tayo ay magmamahal. Isang magandang paala sa ating mundong unti-unting niyayakap ang kultura ng kamatayan: poot, karahasan at paghihiganti. Kaya hindi siguro mahinto ang kaguluhan sa ating palagid. Totoo ngang "An eye for an eye will make the whole world blind" (Indira Gandhi). Kaya ang sunod na paalala ng Panginoon ay: "Be merciful, just as your Father is merciful... Forgive and you will be forgiven!" Sana ay matuto rin tayong magmahal katulad ni Kristo na ang panukat ng pagmamahal ay ang magmahal na walang panukat. May mga tao ka bang hanggang ngayon ay nagdadala sa iyo ng sama ng loob? Tumahimik ka sandali. Alalahanin mo ang kanilang mga mukha. Subukan mong magpatawad mula sa iyong puso. Isama mo sila sa iyong panalangin sa Misang ito. Kapag nagawa nating umunawa at magpatawad ay babalik din sa atin ang pagpapala ng "siksik, liglig at nag-uumapaw!" "Give, and gifts will be given to you; a good measure, paced together, shaken down, and overflowing, will be poured into your lap!"
Sabado, Pebrero 16, 2019
ANG SAWIMPALAD AT MAPAPALAD: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year C - February 17, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Bagamat natapos na ang Valentines Day noong February 14, ang buong buwan ng Pebrero ay tinatawag pa ring "love month". Sa katunayan, maari pa tayong bumawi kung may nakalimutan tayong padalhan ng mga simbolo ng ating pagmamahal. Isaalang-alang lang natin ang mga "kulay" ng ating ipapadala upang maging mas makahulugan sa mga taong ating pagbibigyan. Halimbawa, sa isang taong tunay mong minamahal hanggang sa kabilang buhay ay bigyan mo s'ya ng GREEN ROSES. Nakakita ka na ba nito? Wala di ba? Sapagkat ang sabi nila ang "green roses" daw ay matatagpuan lamang sa hardin ng kalangitan. Sa mga "crushes" mo naman na kung saan ay mayroon ang paghanga ay maari kang magbigay ng WHITE CHOCOLATES. White upang maipadama mo sa kanya ang malinis mong hangarin ng paghanga. Sa mga kaibigan naman ay puwede ng magbigay ka ng PINK BALOONS! Hindi ko alam kung bakit pink. Bahala na kayong magbigay ng kahulugan! hehe. At sa mga taong "loveless" anu kaya ang tamang kulay na ating ibibigay? Puwede mo siyang bigyan ng color RED! Bakit RED? Bigyan mo siya ng RED HORSE! Red horse extra-strong beer! Samahan mo na rin ng pulutan para mas masaya! hehehe... Sinasabi nilang SAWIMPALAD daw ang mga pusong sawi! Mukhang totoo nga naman... Kasi nga, kapag loveless ka ang buhay ay "parang aso na walang amo. Parang adik na walang damo. Parang dinuguan na walang puto. Parang Zesto na walang staw. Parang tinola na walang sabaw. Parang babae na walang dalaw. Parang bahay na walang ilaw... Parang ako na walang ikaw! " Lakas ba ng hugot? Bakit nga naman ganun tayo mag-isip? Para bagang wala ng karapatang lumigaya ang mga taong SAWIMPALAD. Ganito kasi mag-isip ang mundo! Kawawa ang mga nagdadalamhati. Kawawa ang mga mahihirap. Kawawa ang mga nagugutom... Ang sukatan ng mundo ay kung ano ang meron ka ang siyang magpapaligaya sa 'yo! Ngunit iba ang logic o pag-iisip ng Diyos. Para sa Diyos, mapalad ang mga dukha. Mapapalad ang ma nagugutom. Mapapalad ang mga tumatangis... Parang katawa-tawa ata mag-isip ang Diyos! Ngunit kung iyong pag-iisipan ng malalim at itataas mo ang iyong pang-unawa ay matatanto mong tama ang tinatawag ni Jesus na "Mapapalad." Sapagkat ang kaligayahan ng mga taong kawawa sa mata ng mundong ito ay ang pagtitiwala sa Diyos na kanilang tanging mapanghahawakan. Hindi ang mundong ito ang sukatan ng kanilang pagiging mapalad sapagkat ang kaligayahang ibinibigay ng mundo ay panandalian lamang at may katapusan. Sa mundong ito ay binibigyan lamang tayo ng dalawang pagpili. Ang magpakabuti o maging masama. Ang maging masaya o malungkot. Ang magmahal o manghamak ng kapwa. Ang sumuway sa mga utos ng Diyos o maging masunurin. Nasa atin ang pagpili kung nais ba nating maging mga taong mapapalad o sawimpalad! May nagsabi sa akin na ang PAG-IBIG daw ay hindi Feb 14. Ang pag-ibig daw ay John 3:16. Ano ba ang nasasaad sa John 3:16: "For God so love the world that He gave his only Son..." Totoo nga naman, ang tunay na pag-ibig ay "selfless sacrifice" at ito ay ipinakita ng Diyos Ama sa pagbibigay ng kanyang bugtong na Anak. Ang Anak na ito ng Diyos ang nag-alay ng kanyang buhay sa krus dahil itinuring n'ya tayong lahat na kaibigan! Walang siyang kundisyong ibinigay sa kanyang pagmamahal. Minahal niya hindi lang ang mabubuti ngunit kahit na rin ang mga masasama. Hindi lang banal ngunit gayun din ang mga makasalanan. Ang pag-ibig ng Diyos ay unconditional love. Ito rin ang pag-ibig na ninanais ng Diyos na sana ay maipadama natin sa iba. "Love your enemies, pray for those who persecute you!" Magmahal tayo na walang hinihintay na kapalit. Magmahal tayo kahit na nangangahuugan ito na masasaktan tayo sa ating pagbibigay. Magmahal tayo kahit na may kasamang sakit at paghihirap. Kapag nagawa natin ito, masasabi mong tunay kang nagmahal! At dahil dito ay tatawagin kang MAPALAD at hindi SAWIMPALAD!
Sabado, Pebrero 9, 2019
FISHERS OF MEN: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time - Year C - February 10, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ngayon ay YEAR OF THE PIG para sa mga sumusunod sa Chinese Zodiak ayon Chinese Calendar.Kaya bida ang mga pinanganak sa mga taong 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019. Congratualations! Magmumukhang baboy kayo sa taong ito! hehehe... Merong kwentong pabula (fable) tungkol sa tatlong magkakaibigang manok, baka at baboy na naglalakad sa kalsada at nakakita sila ng isang batang pulubi na buto't balat ang katawan. Naawa sila at nangako silang tutulungan ang bata at magbigay ng maaari nilang ibahagi sa bata. Sabi ng manok... "ako nangangakong magbibigay ng aking itlog araw-araw!" Ang sabi naman ng baka... "ako naman nangangakong magbibigay ng aking gatas tuwing umaga!" At natahimik ang baboy. Naisip niya: "Wala akong itlog na maibibigay. Lalo namang hindi siya umiinom ng gatas ng baboy... anong ibibigay ko?" Ang sabi niya sa dalawang kaibigan. "Hindi ko kayang magbigay ng itlog at gatas pero may maibibigay ako na kapag ginawa ko ay katapusan ko na! Puwede kong ibigay ang aking buong PAGKABABOY!" Ang tawag sa ganyang uri ng pagbibigay ay "total commitment". Ito rin ang ipinakita ng mga unang alagad ni Jesus, ang mga mangingisdang sina Simon, Juan at Santiago. "Nang maitabi na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus." Siguradong hindi naging madali sa kanila ang iwan ang kanilang pamilya at kabuhayan upang sundan ang isang karpentero ng Nazareth. Walang kasiguraduhang naghihintay sa kanila sa pagsunod kay Jesus ngunit nagawa nilang isuko ang lahat para lamang sundan Siya. Ang pagtawag ni Jesus sa mga unang alagad ay pagtawag din para sa ating lahat. Hindi lamang ito para sa mga pari, relihiyoso o mga madre. Ito ay pagtawag sa ating lahat sapagkat tayong lahat ay hinirang ng Diyos bilang kanyang mga alagad! Lahat tayo ay ipinadadala ng Diyos at isinusugo Niya upang magbigay saksi tungkol sa kabutihan ng Diyos at sa Kayang biyayang pagliligtas. Ito ang paalala sa atin ng turo ng ating Simbahan: "Incorporated into Christ's Mystical Body through baptism, and strengthened by the power of the Holy Spirit through confirmation, the laity are assigned to the apostolate by the Lord himself." Kung ating pagninilayan ang mga pananalitang ito ay masasabi nating ang misyon ng Simbahan ay hindi lang gawain ng pari o relihoyoso/relihiyosa. Ito ay para sa lahat! Ito ang ating pagiging "mamamalakaya ng tao". At hindi mo kinakailangang lumayo upang maisakatuparan ito. Kung ikaw ay may pamilya ay doon ka ipinapadala ng Diyos. Kung ikaw ay nag-aaral ay ipinapadala ka naman sa iyong paaralan. Kung ikaw ay manggagawa ay ipinapadala ka naman sa lugar na iyong pinagtatrabahuhan. Ibig sabihin ay walang dahilan upang hindi mo magampanan ang pagiging alagad ni Kristo. Kailan ka huling gumawa ng kabutihan para sa iba sa ngalan ng Diyos? Nagawa mo na bang magsalita o magbahagi ng tungkol sa Diyos sa iyong kapwa? Ang hadlang a misyong ito ay ang pag-iisip lang sa ating sarili. Ito ang dapat nating iwaksi at iwanan kung paanong iniwan ni Pedro at ng mga unang alagad ang lahat-lahat. Magagawa rin natin ito kung kinikilala natin na tayo ay makasalanan at hindi karapat-dapat katulad ng pagkilala ni Pedro na siya ay hindi karapat-dapat kay Jesus Sapagkat kung alam natin ito ay maiintindihan natin na ang misyong ibinigay sa atin ay hindi para sa ating sarili kundi ito ay sa Diyos. Tayong lahat ay tinatawagang "manghuli ng mga tao" para sa Kanya sa pamamagitan ng ating mabuting halimbawa at pagsaksi bilang mga tunay na Kristiyano.
Sabado, Pebrero 2, 2019
PROPHETIC CHURCH: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year C - February 3, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Ayaw na ayaw nating makarinig ng "badnews." Sino nga ba naman ang may gusto nito? Kaya nga sa misa ang pinahahayag ay ang "Mabuting Balita" o "Ebanghelyo" ng Panginoon. Sa ating buhay mas katanggap-tanggap ang mabuting balita kaysa masamang balita. "Isang mister ang nagsabi sa misis niya, na kapag-uuwi siya ng bahay ay huwag na siyang sasabihan ng "badnews" o anumang problema. Isang araw, pagpasok ni mister ng bahay, sinabi niya kaagd sa kanyang misis, "Ohh, 'yung pinag-usapan natin, walang sasabihing bad news sa akin. Pagod na ako sa maghapong trabaho." "Alam ko. Walang badnews" sagot ng misis. "Di ba apat yung anak natin? Tatlo sa kanila ay walang pilay!" pagbabalita ni misis." Ang mga propeta sa Bibliya ay tagapagdala ng mensahe ng Diyos sa mga tao. Marami sa kanila ay hindi tinanggap ng kanilang mga kababayan sapagkat ang kanilang dala-dalang mensahe ay lagi nilang itinuturing na "badnews" para sa kanila. Sa unang pagbasa ay nakita natin ang pagtawag ni Propeta Jeremias at ang pagsusugo sa kanya ni Yahweh. “Before I formed
you in the womb I knew you,
before you were born I dedicated you. A prophet to the nations I appointed you." Kasama sa pagtawag na ito ay ang pagsalungat na kanyang haharapin mula sa mga tao ngunit wala siyang dapat ipangamba sapagkat mananaig pa rin ang kapangyarihan ng Diyos. "But do you gird your loins:
stand up and tell them all that I
command you. Be not crushed
on their account... They will fi ght against
you, but not prevail over you,
for I am with you to deliver
you,” says the Lord." Ito rin ang paniniwala ni Jesus bago pa siya mangaral sa kanyang mga kababayan: “Amen, I say to
you, no prophet is accepted in
his own native place." At narinig nga natin na hindi siya kinilala ng kanyang mga kababayan. Hindi nila matanggap ang mga pananalitang binitiwan ni Jesus at nagtangka pa silang patayin siya dala ng kanilang matinding galit sa kanya! Magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga propeta sa kanilang tungkulin na ipahayag ang kalooban ng Diyos. Ang Simbahan ay may taglay na tungkuling magpahayag ng katotohanan sapagkat taglay nito ang pagiging isang propeta. Ito ang paninidigang sinabi ng ating mga obispo sa kabila ng matinding pangbabatikos at paglapastangan sa kanila: “As bishops, we have no intention of interfering in the conduct of State affairs. But neither do we intend to abdicate our sacred mandate as shepherds to whom the Lord has entrusted his flock. We have a solemn duty to defend our flock, especially when they are attacked by wolves(!) We do not fight with arms. We fight only with the truth. Therefore, no amount of intimidation or even threat to our lives will make us give up our prophetic role, especially that of giving voice to the voiceless. As Paul once said, ‘Woe to me if I don’t preach the Gospel!'" Sa katunayan, tayong lahat din ay dapat maging propeta lalo na ngayong kasalukuyang panahon na kung saan ay laganap ang "false news" at panlilinglang na ikinakalat lalo na sa social media. Ang bawat isa sa atin ay tinanggap ang misyon ng pagiging propeta noong tayo ay bininyagan. Pagkatapos nating mabuhusan ng tubig sa ating ulo tayo ay pinahiran ng langis o "krisma". Nangangahulugan ito ng pagtanggap natin ng misyon na maging pari, hari at propeta katulad ni Jesus. Ibig sabihin, tayong lahat ay dapat na maging tagapagpahayag ng katotohanan ayon sa turo ni Jesus. Hindi lang ito gawain ng mga obispo, pari , mga relihiyoso o relihiyosa. Isang magandang napapanahon na halimbawa ay ang patuloy na pagpatay sa mga pinaghihinalaang "drug addicts" na para bagang ito na lamang ang solusyon para malinis ang ating lipunan. Marami sa mga biktima nito at kanilang mga pamilya ay napagkakaitan ng katarungan. Marami sa kanila ay mahihirap na ang tanging boses na inaasahan ay ang pagsasalita ng Simbahan. Dahil dito ang Simbahan ay umaani ng batikos at tinatawag pang kakampi ng kasamaan. At buhay na buhay pa rin ang issue ng "same sex marriage". Bilang isang "Propetang Simbahan" ay dapat na tahasan natin itong tinututulan at hindi sinasang-ayunan. Hindi ibig sabihin na "outcast" ang tingin natin sa mga kapatid nating "homosexual". Ang Simbahan ay malugod na tumatanggap sa lahat anuman ang iyong kasarian. Kahit nga ang isang kriminal ay "welcome" sa atin. Ngunit ang mga imoral at masamang ginagawa ay hindi kailanman sinasang-ayunan ng Simbahan. Mahal ng Diyos ang mga makasalanan ngunit hindi ang kasalanan! At ang Simbahang itinatag ni Kristo ay magpapatuloy na magmamahal sa kanila. At naririyan pa rin ang issue ng "divorce" o paghihiwalay ng mag-asawa. Kailanman ay hindi ito sinasang-ayunan ng Simbahan kahit siya na lamang ang naninindigan dito. Ang pagsasama ng mag-asawa na piangbuklod ng Sakramento ng Kasal ay sagrado. May mga kadahilanang sinasang-ayunan ang Simbahan upang ipawalang bisa ang kasal ngunit nanatili itong matatag sa panininidigang "Ang pinasama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao." Ang panghuli ay ang usapin ng abortion na alam naman natin ay tahasang pagpatay. Ngayon ay PRO-LIFE SUNDAY at ang paalala sa atin ay maging tagapagtanggol ng buhay "mula sinapupunan hanggang natural na kamatayan." Ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay banal kaya't anumang dahilan upang ito ay kitilin ay labag sa kanyang kalooban. Ang kahirapan dala ng lomolobong populasyon ay hindi sapat na dahilan upang ikatwiran ang pangangailangan nito. May ibang paraan pang maaring gawin ang estado upang maibsan ang kahirapan ng mga mamamayan at hindi lamang sa pamamagitan ng pagpatay ng mga walang kamuwang-muwang na mga bata sa sinapupunan. Ang hindi pagsang-ayon sa mga ito ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagmamahal ngunit sa halip ito ay nagpapaalala ng pagtatama ng kanilang kamalian at pagbabalik-loob sa Diyos. Huwag sanang masaktan ang mga taong iba ang kanilang paniniwala sapagkat bahagi ito ng pagiging propeta nating lahat bilang isang Simbahan. Hindi tayo badnews para sa iba. Ang Kristiyano ay dapat laging "GOODNEWS!" Tandaan mo na ikaw, tulad ni Kristo, ay isang PROPETA.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)