Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 29, 2019
PAGSUNOD: Reflection for 13th Sunday in Ordinary Time Year C - June 30, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Sabado, Hunyo 22, 2019
EVERY NGUYA IS BIYAYA! : Reflection of the Solemnity of Corpus Christi Year C - JUne 23, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Mahilig ka bang kumain sa fast foods? Jolibee, Mcdonalds, Chowking, KFC, etc.. ang mga karaniwang tinatakbuhan natin kapag tayo ay nagugutom. Kaya nga fast food ay sapagkat gusto mong maibsan agad ang iyong gutom! Ngunit masaya ka bang kumakain kapag wala kang kasama? Hindi ba't mas masarap kumain sa mga lugar na iyon kapag kasama mo ang barkada mo? Masarap kumain kapag may kausap ka. Enjoy kumain kapag may kakulitan ka! Exciting kumain kapag may manlilibre sa 'yo! Kaya nga't ang tawag din natin sa kainan ay "salo-salo". Ibig sabihin ay mayroon kang kasama... may kasabay ka... may kasalo ka! Ito marahil ang nag-iiba sa atin sa mga hayop sa tuwing tayo ay kumakain. Hindi lang tayo lumalamon mag-isa o kaumakain ng walang pansinan, mayroon tayong pagbabahaginang ginagawa... mayroon tayong sharing! Ang Banal na Eukaristiya ay hindi lamang pagtanggap sa Katawan ni Hesus. Ito rin ay pagbabahaginan sapagkat ito ay isang pagsasalo. Sa Banal na Eukaristiya, ang Diyos ay nakikisalo sa atin! Kaya nga mahirap isipin na habang tayo ay tumatanggap ng Komunyon ay naghahari sa ating puso ang galit sa ating kapwa! Sa Ikalawang pagbasa ay pinaaalalahanan ni San Pablo ang mga taga-Corinto sa ginawang pagbabahagi ni Hesus sa huling hapunan. Nakita niya kasi na may pagkakanya-kanyang naghahari sa mga unang Kristiyano sa tuwing sila'y magdiriwang ng huling hapunan. Ang misa nila noon ay ginagawa nila sa isang bahay ng patago at nagdadala sila ng kani-kanilang baon upang pagsaluhan pagkatapos ng kanilang pagdiriwang. Marahil mayroong ilan na hindi nagbabahagi ng kanyang baon. Sinararili ito o ibinibigay lamang sa mga malapit sa kanya! Nagalit si San Pablo ng makita ito kaya't minarapat niyang paalalahanan sila sa tunay na diwa ng Euckarisitya. Ang himala sa Ebanghelyo ay naganap sapagkat may nagbahagi ng limang tinapay at dalawang isda! Marahil ay maliit na bagay ngunit sa kamay ni Hesus ay napakalaki... kasing-laki ng puso ng taong naghandog nito! Kaya naman pinarami niya ito ay nagawang maibahagi sa bawat tao. Sa pagtanggap natin ng komunyon ay lagi natin sanang isaisip na nagbabahagi din tayo sa iba! Huwag nating isipin na mahirap lang tayo o wala tayong kakayahang tumulong. Malinaw ang sinasabi ng Simbahan tungkol dito: "Walang taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba... at wala rin taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong sa iba!" Kapag sinabi ng paring "Katawan ni Kristo" ang sagot natin ay AMEN! Amen na ang ibig sabihin ay naniniwala ako. Naniniwala ako na ang nasa aking harapan ay hindi lamang isang tinapay. Naniniwala ako na ang aking tinatanggap ay hindi lamang simbolo. Naniniwala ako na ito ay ang tunay na Katawan ni Kristong aking Panginoon taglay ang buo niyang pagkaDiyos at siya ay mananahan sa aking puso. Ngunit higit sa lahat naniniwala din ako na ang katawan ni Kristo ay hindi lamang ang "Banal na Ostia" na aking tinatanggap kundi ito rin ay ang kapwa nasa tabi ko... ang kapwa ko na mahal ko, ang kapwa ko na kaaway ko! Sikapin nating matutong kilalanin si Hesus sa bawat taong ating taong nakakatagpo at tanggapin natin sila kung paanong tinatanggap natin Siya sa Banal na Eukaristiya! ISABUHAY natin ang kahulugan ng Eukaristiya bilang SALO-SALO SA HAPAG NI KRISTO. Iisa ang ating pinagsasaluhan. Iisa ang biyayang ating tinatanggap. Iisa ang pagpapalang ating ibinabahagi. Sa Eukaristiya, ang tinatanggap at ang ibinabahagi natin ay si KRISTO. Kaya nga masasabi nating EVERY NGUYA IS BIYAYA sapagkat ang bawat pagtanggap ay nangangahulugan ng pagbabahagi kay Kristo!
Linggo, Hunyo 16, 2019
BUTIHING AMA: Reflection for the Solemnity of the Most Blessed Trinity Year C - June 16, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto. Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-beer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer Pale Pilsen! Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian. Sa katunayan, ang mga tatay ay ang "Salamin ng Diyos" sa pamilya... they should reflect the goodness of God! Sino ba ang Diyos na ito na dapat nilang isalamin? Sa ating pananamalatayang Katoliko ay tinatawag natin Siyang DIYOS AMA. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay at sa pamamgitan Niya ang lahat ay napapanatili. Ngunit sa kasaysayan ng kaligtasan, Siya rin ay tinawag nating DIYOS ANAK. Isinugo Siya ng Ama upang iligtas tayo sa kasalanan. Nagkatawang-tao Siya katulad natin, ngunit pinanatili Niya ang Kanyang pagka-Diyos. Bago Niya linisan ang mundong ito ay ipinangako Niya BANAL NA ESPIRITU upang gabayan tayo sa ating paglalakabay at pabanalin ang bawat isa sa atin sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo... ang ating Diyos ay pinag-isang tatlo o Banal na Santatlo... The Most Holy Trinity! Si Jesus na Diyos Anak ang nagturo sa ating tawagin ang ating Ama na "Abba" ibig sabihin ay tatay, dad, erpat! Inilapit Niya tayo sa ating Amang nasa langit at sinabi niyang wala tayong dapat ipangamba at ikatakot sapagkat Siya ang nangangalaga sa atin. Sa kabila ng maraming kahirapan at karahasan sa mundong ating ginagalawan ay may Ama tayong hindi natutulog at nagpapabaya sa atin! Ang Amang ito ang nagkakaloob ng ating pangangailangan at sumasagot sa lahat ng ating panalangin. Manalig tayo na lahat ng ating dasal ay Kanyang tinutugon. Kung minsan ay matagal. Kung minsan ay iba ang pagtugon. Kung minsan paran hindi tayo napapakinggan. Tandaan natin: Kapag ipinagkaloob ng Ama ang ating ipinalangin ay sapagkat sinubukan Niya ang ating pananampalataya. Kung tumagal naman ang Kanyang pagtugon ay marahil, sinusukukan Niya ang ating pagtitiyaga. Kung sa palagay natin ay hindi Niya naibigay ang ating gusto ay sapagkat mayroon Siyang mas magandang plano para sa atin. Ang lahat ay biyayang nagmumula sa Diyos. Ang lagi ko ngang sinasabi "Every nguya is biyaya!" Pasalamatan natin siya! Ibahagi natin ang kabutihan ng Diyos! Tandaan natin na hindi tayo nalulugi sa paggawa ng kabutihan. "Goodness is the only investment that never fails!" Tandaan natin na mayroong Diyos na Ama na lubos ang kabutihan! GOD IS GOOD ALL THE TIME and ALL THE TIME GOD IS GOD!
Sabado, Hunyo 8, 2019
ANG BANAL NA ESPIRITU SA AKING BUHAY: Reflection for Solemnity of Pentecost Year C - June 9, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Kapistahan ngayon ng Pentekostes. Ngayon din ang kaarawan ng pagkakatatag ng ating Simbahan. 1986 na taon na ang lumipas simula ng ang ating inang Simbahan ay "iniluwal" sa pamamagitan ng pagpanaog ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentekostes! Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo. Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu. Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Naririyan ang simbolo ng hangin, ang ibon na anyong kalapati, at dilang apoy. Ngunit ano nga ba talaga ang nagagawa ng Banal na Espiritu lalo na sa kasalukuyang panahon ng ating Simbahan? Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan! Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan. Pinananatili Niya itong banal sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang Simbahan ay sapagkat pinananatili ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon?Lagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo. Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin. Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin. Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin. Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay. Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga. Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon. Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!
Sabado, Hunyo 1, 2019
LANGIT NA ATING HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension Year C - June 2, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Totoo bang may langit? Saan ba ito matatagpuan? Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko. Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito. Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng walang saysay na pagpatay sa Virginia, mga Kristiyanong inuusig sa iba't ibang panig ng mundo tulad ng nangyaring pambobomba sa mga simbahan ng Sri Lanka, ay ilan lamang sa mga pangyayaring pilit na kumakatok sa ating pag-iisip at dahil dito ay napagdududahan natin ang katotohanan ng kalangitan. Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)