Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Hunyo 16, 2019
BUTIHING AMA: Reflection for the Solemnity of the Most Blessed Trinity Year C - June 16, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day: Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto. Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-beer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer Pale Pilsen! Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian. Sa katunayan, ang mga tatay ay ang "Salamin ng Diyos" sa pamilya... they should reflect the goodness of God! Sino ba ang Diyos na ito na dapat nilang isalamin? Sa ating pananamalatayang Katoliko ay tinatawag natin Siyang DIYOS AMA. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay at sa pamamgitan Niya ang lahat ay napapanatili. Ngunit sa kasaysayan ng kaligtasan, Siya rin ay tinawag nating DIYOS ANAK. Isinugo Siya ng Ama upang iligtas tayo sa kasalanan. Nagkatawang-tao Siya katulad natin, ngunit pinanatili Niya ang Kanyang pagka-Diyos. Bago Niya linisan ang mundong ito ay ipinangako Niya BANAL NA ESPIRITU upang gabayan tayo sa ating paglalakabay at pabanalin ang bawat isa sa atin sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Diyos Ama, Diyos Anak at Diyos Espiritu Santo... ang ating Diyos ay pinag-isang tatlo o Banal na Santatlo... The Most Holy Trinity! Si Jesus na Diyos Anak ang nagturo sa ating tawagin ang ating Ama na "Abba" ibig sabihin ay tatay, dad, erpat! Inilapit Niya tayo sa ating Amang nasa langit at sinabi niyang wala tayong dapat ipangamba at ikatakot sapagkat Siya ang nangangalaga sa atin. Sa kabila ng maraming kahirapan at karahasan sa mundong ating ginagalawan ay may Ama tayong hindi natutulog at nagpapabaya sa atin! Ang Amang ito ang nagkakaloob ng ating pangangailangan at sumasagot sa lahat ng ating panalangin. Manalig tayo na lahat ng ating dasal ay Kanyang tinutugon. Kung minsan ay matagal. Kung minsan ay iba ang pagtugon. Kung minsan paran hindi tayo napapakinggan. Tandaan natin: Kapag ipinagkaloob ng Ama ang ating ipinalangin ay sapagkat sinubukan Niya ang ating pananampalataya. Kung tumagal naman ang Kanyang pagtugon ay marahil, sinusukukan Niya ang ating pagtitiyaga. Kung sa palagay natin ay hindi Niya naibigay ang ating gusto ay sapagkat mayroon Siyang mas magandang plano para sa atin. Ang lahat ay biyayang nagmumula sa Diyos. Ang lagi ko ngang sinasabi "Every nguya is biyaya!" Pasalamatan natin siya! Ibahagi natin ang kabutihan ng Diyos! Tandaan natin na hindi tayo nalulugi sa paggawa ng kabutihan. "Goodness is the only investment that never fails!" Tandaan natin na mayroong Diyos na Ama na lubos ang kabutihan! GOD IS GOOD ALL THE TIME and ALL THE TIME GOD IS GOD!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento