Sabado, Hunyo 8, 2019

ANG BANAL NA ESPIRITU SA AKING BUHAY: Reflection for Solemnity of Pentecost Year C - June 9, 2019 - YEAR OF THE YOUTH

Kapistahan ngayon ng Pentekostes.  Ngayon din ang kaarawan ng pagkakatatag ng ating Simbahan.  1986 na taon na ang lumipas simula ng ang ating inang Simbahan ay "iniluwal" sa pamamagitan ng pagpanaog ng Banal na Espiritu noong Araw ng Pentekostes! Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo.  Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu.  Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan.  Naririyan ang simbolo ng hangin, ang ibon na anyong kalapati, at dilang apoy.  Ngunit ano nga ba talaga ang nagagawa ng Banal na Espiritu lalo na sa kasalukuyang panahon ng ating Simbahan?  Isang bata na may bagong mountain bike ang nagpark sa isang Simbahan at hinanap ang Parish Priest. Nang makita ito ay magalang na nagpakilala at nagsabi: "Father, puwede ko po bang ipark dito ang bike ko... kasi po baka mawala. Bagong-bago pa naman!" "Sige, anak" sagot ng pari, "magtiwala ka na walang mangyayaring masama sa bike mo." "Sure po ba kayo Father? Wala kasi akong nakikitang security guard dito." nagdududang tanong ng bata. Huminga ng malalim ang pari at sinabi: "Ay meron, ang pangalan ng "sikyo" namin dito ay "Holy Spirit." Sigurado ako, Babantayan Niya yan kaya't hindi yan mananakaw. Kung gusto mo magdasal tayo..." "Sige po Father... In the name of the Father, and of the Son. Amen!" Singit ng pari: "Teka me kulang ata sa dasal mo... bakit wala ang Holy Spirit?" Sagot ng bata: "Wag na nating abalahin Father, binabantayan niya ngayon ang bike ko! "Totoo nga naman, ang Espiritu ang "sikyo" nagbabantay sa bisekleta ng bata kung paanong Siya rin ang "sikyo" na nagbabantay sa Simbahan simula pa lamang noong ito ay itinatag. Sa katunayan ngayon ay "birthday" ng Simbahan!  Ipinanganak ang Simbahan sa pagpanaog ng Espiritu Santo at ito ang patuloy na gumagabay sa kanya. Napakaraming pagsubok ang dinaanan ng Simbahan sa kasaysayan. Napakaraming pag-uusig, pag-aaway, pagsuway kahit sa mga pinuno at miyembro nito. Ngunit sa kabila nito ay patuloy na ginagabayan at ipinagtatanggol ng Espiritu Santo ang Simbahan. Pinananatili Niya itong banal sa kabila ng maraming makasalanan na bumubuo nito. Kung bakit hanggang ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang Simbahan ay sapagkat pinananatili ito sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nadarama mo ba ang paggabay ng Espiritu Santo sa iyong buhay? Tinanggap mo ito nung ikaw ay bininyagan at kinumpilan. May epekto ba S'ya sa buhay mo ngayon?Lagi kong ginagamit ang paglalarawan na pagtitimpla ng kape upang ipaliwanag ang pananatili ng Banal na Espiritu sa ating buhay.  Sa pagtitimpla ng kape, ay mahalaga ang asukal maliban na lang kung "black cofee" ang gusto mo.  Ngunit pansinin ninyo na kahit na gaano karami pang asukal ang ilagay mo sa iyong kape ay hindi ito tatamis kung hindi mo hahaluin.  Ganito rin ang pananatili ng Banal na Espritu sa atin.  Kahit na gaano karami pang "baptism of the Spirit" ang pagdaanan mo ngunit wala ka namang ginagawang paraan upang "haluin" ito at hayaang maging bahagi ng iyong buhay ay hindi lalabas ang epekto nito sa atin.  Kinakailangan talaga ng kaunting paghalo, pagkamulat at paggising sa ating natutulog na sarili upang makapagtrabaho ang Banal na Espiritu sa ating buhay.  Kung nanlalamig ka ngayon sa pananampalataya, hingin mo ang tulong Niya. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape, walang ring matigas na puso ang di kayang palambutin ng mainit Niyang pagmamahal. Hayaan nating pagharian ng Banal na Espiritu sa ating buhay.  Maging bukas tayo sa kanyang paggabay at pagkalinga.  Gisingin ang natutulog nating diwa at isabuhay natin ang mga biyayang kaloob ng Espiritu Santo: karunungan, pang-unawa, pagpapayo, katapangan, kaalaman, pagpapabanal at banal na pagkatakot sa Panginoon.  Mabuhay tayo sa ayon Banal na Espiritu!

Walang komento: