Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 1, 2019
LANGIT NA ATING HANTUNGAN: Reflection for the Solemnity of the Ascension Year C - June 2, 2019 - YEAR OF THE YOUTH
Totoo bang may langit? Saan ba ito matatagpuan? Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko. Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito. Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng walang saysay na pagpatay sa Virginia, mga Kristiyanong inuusig sa iba't ibang panig ng mundo tulad ng nangyaring pambobomba sa mga simbahan ng Sri Lanka, ay ilan lamang sa mga pangyayaring pilit na kumakatok sa ating pag-iisip at dahil dito ay napagdududahan natin ang katotohanan ng kalangitan. Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
1 komento:
mas gusto ko mabuhay sa paraiso sa lupa kaysa sa langit:) Sakit.info
Mag-post ng isang Komento