Sabado, Pebrero 29, 2020

PAKIKIBUNO SA TUKSO: Reflection for 1st Sunday of Lent Year A - March 1, 2020 - SEASON OF LENT - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay.  Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda.  Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban".  Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting Kristiyano."  Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga.  Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos.  Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano?  Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag.  Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan?  Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggihan o labanan kapag ito ay nasa atin ng harapan.

May kuwento na minsan ay may isang lalaki na nagdiriwang ng kanyang kaarawan.  Laking gulat niya na pagkagising niya sa umaga ay walang bumati sa kanya.  Walang pagbati mula sa kanyang asawa at mga anak.  Parang isang ordinaryong umaga lang ang nangyari... abala ang nanay sa paghahanda ng agahan at nagmamadali ang mga anak sa pagpasok sa eskwela.  Maging a pagpasok niya sa opisina ay tila walang nakaalala ng kanyang kaarawan. Mula sa security guard hanggang sa kanyang mga kaibigan ay walang bumati sa kanya. Kaya't gayun na lamang ang kanyang pagkalungkot.  Mabuti na lang at bago matapos ang araw ay nilapita siya ng kanyang maganang sekretarya at napanghahalinang bumati ng "Happy birthday sir...!"  At sinundan pa ng panunuksong "Sir, mamya magcelebrate tayo ng birthday sa apartment ko!"  Medyo kinabahan siya ngunit dahil sa sobrang lungkot ay pumayag din s'ya.  Pagdating sa apartment ay laking gulat niya sapagkat parang nakahanda na ang lahat. Malamig ang aircon, nakadimlights ang kuwarto, may red wine sa tabi ng sofa.  "Sir maghintay ka lang ng kaunti ha? Magpapalit lang ako ng mas kumportableng danit."  Lalong kinabhan ang lalaki.  Hindi niya alam ang kanyang gagawin.  Paglipas ng nga labinlimang minuto biglang bumukas ang mga ilaw at lumiwanag ang paligid.  Sabay labas ng mga taong nagtatago at sumigaw ng "HAPPY BIRTHDAY!!!"  Naroon pala ang kanyang asawa, mga anak, mga katrabaho at kaibigan.  Laking gulat nila ng makita ang lalaki na wala ng suot na pantalon at damit! hehehe...  

Ang tao talaga, madaling bumigay sa tukso!  Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan.  Kaya nga't mali ang sinasabi ng kantang "O tukso layuan mo ako!" sapagkat kailanman ay hindi lumalayo ang tukso sa atin.  Sa halip tayo ang dapat na lumayo dito!  Tama nga ang kasabihang "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!"

Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso.  Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO.  Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw at gabi ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nangyari nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Ngunit sa kahinaan ng kanyang katawan ay naroon naman ang kalakasan ng kanyang espiritu na pinatatag ng panalangin at pag-aayuno.  

Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina.  Ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo tulad ng ginawa ni Jesus.  Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin at sanayin natin ang ating sarili sa paggawa ng mga sakripisyo.  Tapatin natin ang ating mga sarili at tanungin: "Ilang oras ba ang ginugugol ko sa pagdarasal sa isang araw?"  Magugulat tayo na kakaunti kung ikukumpara natin sa ibang gawain ang ginugugol natin sa pagdarasal.  At lalo na siguro ang paggawa ng sakrispisyo dahil hindi natural sa ating pagkatao ang hanapin ang kahirapan at yakapin ito.  Mas nais natin ang buhay na masaya, magaang at maaliwalas!   Tingnan natin dalawang gawaing ito:

Una ay ang pagdarasal.  Ito ay ang paglalaan natin ng oras para sa Diyos.  Sa pagdarasal ay binibigyan natin ang Diyos ng puwang sa ating maabalang pamumuhay.  Ano ang prating dahilan natin paghindi tayo nakapagsimba? "Nawalan po ako ng oras sa dami ng aking ginagawa! "Ngunit kung iisipin ay hindi naman dapat tayo nawawalan ng oras para sa pagdarasal sapagkat hindi naman nababawasan ang ating ginagawa magsimba man tayo o hindi.  Ang problema marahil ay ang ating "priorities" o pinahahalagahan sa buhay.  Kung talagang mahalaga sa  'yo ang panalangin ay maglalaan ka ng oras para dito. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapay ag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin.

Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan.  Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo.  Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa.  Ngunit hin lang nito napapalakas ang ating kaluluwa, nagiging banal din tayo kapag tayo ay gumagawa ng sakripisyo. Sa katunayan ay ito ang kahulugan ng pinanggalingan ng salitang sacrifice sa latin:  "sacrum facere" na sa ingles ay "to make holy".   Ang paggawa ng sakripisyo ay nahahatid sa atin sa kabanalan!

'Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng diyablo!  At dahil diyan ay mas madali nating masasamahan si Jesus sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma.

Martes, Pebrero 25, 2020

REPENT AND BELIEVE: Reflection for Ash Wednesday - February 26, 2020 - SEASON OF LENT YEAR A

Miyerkules na naman ng Abo! Susugod na naman tayo sa simbahan upang madumihan ang ating noo.  Ang iba naman ay bubudburan ng abo sa kanilang bumbunan ayon sa nakaugalian ng mga tao sa Lumang Tipan at bilang pag-iingat na rin upang hindi lumaganap ang Corona Virus na hanggang ngayon ay pinangangambahan pa rin ng marami.  Subalit tandaan natin na hindi mahalaga sa Diyos kung saan o paano ilalagay sa iyo ang abo.  Higit na mahahalaga sa Diyos ang estado o kalagayan ng puso mo.   Kung may krus ka ng abo sa iyong noo, hindi ibig sabihin na sikat ka, o kaya naman ay pabanal effect lang ito, o ubod ka na ng linis! Tandaan mo na ang abo sa iyong noo ay nagsasabing makasalanan ka kaya humihingi ka ng tawad sa Diyos at ang krus ni Kristo lamang ang nagmamay-ari sa iyo at magliligtas sa iyo! 

Ang Miyerkules ng Abo ang nagpapasimula sa ating apatnapung araw na paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma na kung saan ay makikiisa tayo sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus. Panahon na naman na kung saan ay hihikayatin tayong palalimin ang ating buhay panalangin. Panahon na naman na kung saan ay makakaramdam tayo ng gutom. Panahon na naman upang makapagbigay tayo ng tulong sa ating kapwa lalo na ang higit na nangangailangan.

Sa araw ding ito ay isinasagawa natin ang ikatlong utos ng Simbahan na "fasting and abstinence". May kuwento ng isang dalagita na nagsabi sa isang pari : "Father, di ko na kailangang magfasting ngayong Lent! Matagal ko po'ng ginagawa yan... nagdidieting naman po ako!" "Ineng," ang sabi ng pari, "ang dieting ay para maging kahali-halina ang figure mo, ang fasting... para maging kaaya-aya ang kaluluwa mo." Ito dapat ang iniisip natin tuwing papasok ang kuwaresma: "Paano ko ba magagawang kahali-halina ang aking kaluluwa? Paano ko ba mapapabanal ang aking sarili?" Madami na tayong pagdisiplinang ginagawa sa ating katawan. Kung tutuusin ay labis na ang ating pag-aalaga dito. Pansinin mo na lang ang mga produktong lumalabas sa mga advertisements sa television: may non-fat milk, may sugar free na cofee, may mga diet softdrinks, at marami pang iba. Halos lahat ay para sa mapanatili ang magandang pangangatawan. Kailan pa natin pagtutuunan ng pansin ang ating kaluluwa?

Ang panahon ng Kuwaresma ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon upang mapahalagahan ang ating kaluluwa.  Sa pamamagitan ng pag-aayuno ay madidisiplina natin ang ating kaluluwa. Sa pamamagitan ng panalangin ay mapapalalim natin ang ating kaugnayan sa Diyos. At sa pamamagitan ng pagkakawang-gawa ay tinatalo natin ang ating pagkamakasarili! Ngunit pansinin na balewala ang lahat ng ito, kahit na ang mismong paglalagay ng abo sa noo, kung di naman bukal sa ating sarili ang pagnanais na magbago. Pansinin ang ebandhelyo ngayon: Balewala ang paggawa ng mabuti, pagdarasal at pag-aayuno kung pakitang-tao lamang!

Isapuso natin ang tunay na pagbabago! Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa kaibuturan ng puso ng tao at hindi sa panlabas na pagpapakita nito. Pakinggan mong mabuti ang sasabihin ng pari kapag nagpalagay ka ng abo... "Magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya sa Ebanghelyo!" Iyan ang tunay na pagbabago at iyan ang dapat na isasaloob natin sa apatnapung araw ng Kuwaresma.

Biyernes, Pebrero 21, 2020

UNCONDITIONAL LOVE: Reflection for 7th Sunday in Ordinary Time Year A - February 23, 2020 - PRO-LIFE MONTH AND YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Ang buwan ng Pebrero ay mas kilala sa tawag na "Buwan ng Mga Puso".  Pinapaalalahanan tayo na sa buwan na ito ay mas paigtingin pa natin ang pagpapakita ng pagmamahal sa ating kapwa.  May naibigay ka na bang regalo sa minamahal mo?  Kung wala pa ay makatutulong ang simpleng tips na ito bago matapos ang buwang ito.  Para sa mga "lovers", maganda daw na magbigay ng "Green Roses".  Sinasabi nila na ito ay sumisimbolo sa pagmamahal na walang hanggan. Para naman sa "crush" mo, ok ng magbigay ka ng "white chocolates", na sumisimbolo naman sa malinis na pagnanais mo sa kanya.  Para naman sa mga "magkaibigan lang" ay puede na ang "pink baloons" na sumisimbolo naman sa kasiyahan na naibibigay ng presensiya mo sa kanya.  At sa huli, para sa mga "pusong sawi" na nadurog ng pagkabigo ay bigyan mo siya ng RED... bigyan mo siya ng RED HORSE, "extra-strong" ha?  Para mas maging matatag ang kanyang pagtanggap sa kabiguan! hehehe...  Ano pa man ang intensiyon mo sa pagbibigay ay samahan mo ito ng pagmamahal na walang itinatangi at pinipili.

May kuwento ng isang dalagang lumapit sa kanyang tatay upang magpaalam lumabas kasama ang kanyang BF.  Nahihiya pa ang lalaki na pumasok sa bahay.  Nang makita ito ng kanyang tatay ay hinila n'ya sa isantabi ang kanyang anak.  "Anak naman, anung nakita mo sa lalaking 'yan? Tingnan mo naman ang mukha n'ya, parang nanay lang ang puwedeng magmahal!"  Sagot ng dalagita, "Papa, kahit ano pa ang sabihin mo I fell in love with him?" Napasigaw ang tatay, "Fell in love??? Pa'no ka na-feel in love sa pagmumukhang yan? Tingnan mo naman ang buhok n'ya,  parang may HIV lang! (Hair Is Vanishing!) Yung mata n'ya parang mga mata ng kuwago! Yung ilong n'ya parang mash potato! Yung ngipin n'ya parang nag-eexam na mga estudyante... one seat a part!  Yan ba ang sinasabi mong fell in love?"  Sagot ng kanyang anak, "Yes Papa, I fell in love! I fell in love not with his face... I fell in love with his heart!" 

Marahil ito rin ang sasabihin ng Diyos kapag tinanong S'ya kung ano ang nagustuhan N'ya sa ating mga tao?  Wala namang kaibig-ibig sa atin.  Sa katunayan ay patuloy pa nga tayong pinapapangit ng ating mga kasalanan.  Ngunit ang Diyos, nananatiling tapat na nagmamahal sa kabila ng ating kapangitan. Tulad nga g sinabi ng isang kanta:  "Humanap siya ng pangit at inibig niyang tunay!"
Ang kanyang pagmamahal ay walang kundisyon at walang pinipili. "Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan."  At ito nga ang nagbibigay sa atin ng pananaw na dapat nating mahalin hindi lang ang mga taong kaibig-ibig at mga taong mabubuti.  Lalo't higit na dapat nating kalingain ang mga taong masasama at makasalanan.

Ito ang sinabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo: "Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit."  Para kay Jesus ay hindi sapat ang magmahal.  Dapat ay higitan natin ang panukat ng ating pagmamahal.  Huwag lang nating mahalin ang mga taong kaibig-ibig o ang mga taong mabubuti sa atin.  Ang tunay na pagmamahal ay walang pinipili at walang ibinibigay na kundisyon at lalo na ay wala itong hininintay na kapalit.  Ganito nagmahal ang ating Panginoong Jesus.  Tinanggap niya ang ating pagkamakasalanan.  Ang pagmamahal na ito ang nagdala sa kanya sa krus at pagtigis ng kanyang dugo para sa ating kaligtasan. 

Isang magandang paalala sa atin ni Jesus ngayong Buwan ng mga Puso at Buwan ng Pagpapahalga sa Buhay o PRO-LIFE MONTH sapagkat may mga taong nagtutulak ng kultura ng poot,  paghihiganti at karahasan.  Ang sagot ng isang kristiyano ay pagmamahal na walang kundisyon!  Si Mahatma Gandhi, isang Indian na pinaslang dahil sa kanyang paninidigan na hindi karahasan ang sagot sa pagkakaroon ng kapayapaan ay nagsabing: "An eye for an eye will make the world blind!"  Totoo nga naman na ang paghihiganti ay nagdadala lamang ng tinatawag na "cycle of violence" at hindi naman talaga natutugunan ang katarungang nais makamit bagkus ito ay nagiging paraan ng paghihiganti.  Bakit hindi natin subukang umunawa at magpatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng masama?

Ang mga PRO-LIFE Movements ay patuloy na nagpapahayag ng pakikiisa at katapatan sa turo ng Panginoong Jesus at ng ating inang Simbahan: ang paggalang sa buhay ng tao mula sinapupunan hanggang sa natural nitong kamatayan.  Kaya nga't hindi sinasang-ayunan ng Simbahan ang abortion, extrajudicial killing at maging ang death penalty. Sa halip ay hinihikayat tayong mga taga-sunod ni Kristo na igalang at ipagtanggol ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos at pairalin ang katarungan sa ating pakikitungo sa isa't isa.

Sa Taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo ay hinikiya't din tayong maging mas "Katoliko" pa sa ating pakikitungo sa sa ating mga nahiwalay na kapatid.  Katoliko na ang ibig sabihin ay walang itinatangi.  Ang ating pagiging bukas sa  pakikipag-usap ay nagpapakita sa kanila ng tunay na diwa ng pagmamahal na tulad ng ipinakita at ipinadama ni Jesus sa ating lahat na makasalanan.  Walang patutunguhan kung tayo ay mananatiling magpagmataas at titingnan silang mali at naliligaw ng landas.  Tandaan natin na ang ating Panginoong Jesukristo ay namatay para sa lahat at dahil dito ang kanyang pagliligtas ay para rin sa lahat.  Magmahal tayong katulad niya... unconditional.  Tandaan natin na para sa isang Kristiyano ang sukatan ng pagmamahal ay ang magmahal na walang sukat:  "The measure of love is to love without measure!"  

Sabado, Pebrero 15, 2020

KAIBUTURAN NG UTOS: ReflectIon for 6th Sunday in Ordinary Time Year A - February 16, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE

Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos?  Isang paraan upang masagot ang katanungang ito ay ang sagutin mo ang tanong na: "Bakit ka ba nagsisimba tuwing Linggo?  Maraming maaring isagot sa katanungang ito.  Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot nilang malabag ang ikatlong utos ng Diyos.  At kapag hindi sila nagsimba ay nakagagawa sila ng "mortal" na kasalanan na maaring magdala sa kanila sa impiyerno!  Ang iba naman marahil ay sapagkat batid nila na may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos!  Para sa kanila, ang pagsisimba ay ang kanilang susi sa pagpasok sa kaharian ng langit na kung saan ay maraming mansyon at naggagandahang tahanan na inilaan sa kanila ng Panginoon. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan?

Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga  ang taong nagmamahal sa Diyos!" 

Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!"  Sa katunayan  kung susuriin natin ang tradisyunal na panalangin sa paghingi ng tawad sa o Act of Contrition ay makikita nating ipinahahayag natin ito:   "O my God, I am heartily sorry for having offended Thee, and I detest all my sins, because I dread the loss of Heaven and the pains of hell, but most of all because they offend Thee, my God, Who art all good and deserving of all my love."  Sinasabi sa atin ng panalanging ito na ang tunay na dahilan ng ating paghingi ng tawad ay sapagkat mahal natin ang Diyos!  

Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus na siya ay dumating "hindi upang ipagpawalang bisa ang kautusan kundi upang ganapin ito!" (Mt 5:17)  Ibig sabihin ay nais ni Jesus na intindihin natin ang KAIBUTURAN NG BATAS!  Nais niyang tukuyin natin ang ugat ng pagkakasala upang maintindihan natin kung bakit ito ipinagbabawal sa Sampung Utos ng Diyos.  Ibinigay niyang mga halimbawa ang mga utos sa pagpatay, sa pakikiapid, sa pagsaksi sa hindi katotohanan.  Ang mga kasalanang ito ay may pinag-uugatan at dapat nating tukuyin ang ugat at ang pinagmumulan ng mga ito.

Ang tamang pag-intindi sa "kaibuturan ng batas" ay ang tinutukoy ni Hesus na "paglagpas sa pagiging matuwid ng mga Eskriba at Pariseo."  Ang mga taong ito ay natali sa legalidad at literal na pagsunod sa mga batas at nakalimutan nila ang tunay na diwa kung bakit ba dapat nating sundin ito.  Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagsunod sa mga utos ng Diyos?  "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang akding mga utos!"  Ibig sabihin ay mali ang pagsunod nang dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit.  Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat  mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit. 

Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS!  

Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti.  Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama.  Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin.  Ito ang kaibuturan ng utos ng Diyos!

Miyerkules, Pebrero 5, 2020

TO LIVE NOT ONLY TO EXIST: Reflection for 5th Sunday in Ordinary Time Year A - February 9 2020 - PRO-LIFE MONTH and YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ang buwan ng Pebrero ay PRO-LIFE MONTH na kung saan ay inaanyayahan tayong ipagdasal, ipagtanggol at pangalagaan ang buhay ng tao, buhay na mula sa sinapupunan hanggang kamatayan nito.  Ang kasalukuyang kaganapan ngayon sa ating mundo ay nagpapakita lamang ng labis na pagpapahalaga natin sa buhay!  Ang pagkalat ng NCOV ay mas kilala sa katagang "Corona Virus" ay muling nabigay sa atin ng paalala na ingatan natin at alagaan ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos kaya't hinihikaya't tayong panatilihing malinis at malusog ang ating pangangatawan.  Halos lahat ay takot mahawaan ng sakit na ito kaya nga't gumagawa ngayon ito ng panic sa maraming mamamayan na kung iisipin ay wala namang dapat ikabahala kung malinis naman ang ating lifestye o uri ng pamumuhay. Tandaan natin na ang mga "face mask" at "sanitizers" ay mananatiling walang silbi kung hindi naman tayo naghuhugas ng kamay at hindi natin pinananatiling malinis ang ating katawan.  Ang sabi nga ng isa kong kaibigan ay dapat matuto tayong "mabuhay na buhay!"  Bakit? Meron bang "nabubuhay na patay?"  Mas lubos ko itong naunawaan ng tinanong ko ang isa kong mag-aaral, noong ako isang batang "cleric" o brother at nagtuturo noon ng Christian Living.  Ang aming topic ay tungkol sa buhay at pinag-uusapan namin ang kanilang personal motto in life.  May isa akong estudayante na may ganitong "motto" sa buhay: "To live not only to exist!"  Tunay nga naman na hindi lahat ng nag-eexist ay buhay!  May mga nilalang na may buhay at mayroon ding walang buhay.  Ngunit hindi sapagkat humihinga ay buhay na, baka naman nag-eexist lang sila at hindi naman talaga buhay!  May mga ilan kasing tao na parang walang patutunguhan ang buhay, hindi mo alam kung saan pupunta at parang walang direksiyon ang tinatahak nilang landas.  May mga ilan naman na sinasayang ang buhay nila sa makamundong pamumuhay sa pamamagitan ng paggamit ng mga nakasisira sa kanilang katawan o kaya naman ay namumuhay na walang panggalang sa kanilang dignidad bilang tao.  Hindi lang sapat na tayo ay humihinga. Dapat din na tayo ay nabubuhay na BUHAY!  Sapagkat ang sabi nga ni San Ireneo: "The glory of God is man (and woman) who is fully alive!"  Ito rin ang binibigyang diin ngayon sa ating Ebanghelyo.  Ito ang ibig sabihn na maging ASIN at ILAW NG SANLIBUTAN. Ang asin na walang lasa ay walang kuwenta.   Ngunit nawawalan ba ng alat ang asin?  Noong panahon ni Jesus na kung saan ang aisn ay direktang kinukuha sa dagat at parang mga "rock crystals" na inilalagay sa maliit na supot at ibinababad sa lutuin, ay talagang maaring mawalan ito ng lasa.  Kaya nga't ang mga latak nito ay itinatapon na lamang sa labas at inaapakan ng mga tao. Bilang "asin ng sanlibutan", pinapaalalahan tayo ni Jesus na "magbigay lasa" sa buhay ng iba.  Katulad din ito ng mensahe ni Jesus ng sinabi niyang tayo ay ILAW NG SANLIBUTAN at dapat ay magliwanag ang ating ilaw upang makita ng iba ang ating mabubuting gawa.  Iisa lang ipinahihiwatig ng dalawang paghahambing na ibinigay ni Jesus, na dapat ang bawat Kristiyano ay maging "Mabuting Balita" sa kanyang kapwa!  Ang pagiging "Mabuitng Balita" ay nangangahulugan ng isang MARANGAL at BANAL na pamumuhay nating lahat. Tandaan natin na ang kabutihan ay nakakahawa kung paanong ang kasamaan ay gayun din. Higit na nagkakaroon ng kabuluhan ang buhay ng tao kung ginagamit niya ito para sa kabutihan.  Paano natin ito maisasakatuparan?  Ngayong PRO-LIFE SUNDAY ay maari nating gawin ang mga sumusunod: una, pahalaghan natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos.  Alagaan natin ang ating katawan sa paglalayo sa anumang nakasasama dito tulad ng mga bisyo lalong-lalo na ang droga.  Sisirain nito hindi lamang ang ating katawan gayundin, maging ang ating pamilya.  Pangalawa, igalang ang buhay ng iba.  Ang ikalimang utos ay nagsasabi sa ating masama ang pumatay.  Ang paglaganap ng "extra-juducial killing" at napipintong pagsasabatas ng "death penalty" ay malinaw na paglabag sa ikalimang utos ng Diyos.  Ang buhay na nagmula sa Diyos ay sagrado, kaya'y kahit gaano man kasama ang isang tao ay dapat nating igalang ito. Dapat nating igalang ang buhay mula sa sinapupunan hanggang sa libingan, from womb to tomb!  At pangatlo ay ibahagi natin ang buhay na kaloob sa atin.  Ito ang ating pagiging ilaw at asin sa ating ating kapwa, kapag ang ating buhay ay nagsisilbing inspirasyon sa iba at nakahihikayat tayo ng mga tao tungo sa kabutihan.  Ayon sa ating Santo Papa, ang mas malaking suliraning kinahaharap ng mundo ngayon ay ang "lost of sense of sin" nating mga tao.  Dahil sa nawawala na ang pagkamuhi sa kasalanan ay mas nabibigyang daan ang paglaganap ng kasamaan.  Kaya't hindi nakapagtataka na tila bagang mas sinasakop ng dilim ang liwanag. Sa aking palagay, ito ang pinakamalakas na virus na kinakaharap ngayon ng ating mundo.  Habang ipinagdarasal natin ang paggaling ng mga bikitma ng nCOV at ang agarang pagpuksa nito, ipagdasal din natin na sana ay mapagaling tayo sa virus na "loss of sense of sin" at manatiling mabubuting Kristiyano at matuwid na mamamayan ng ating mundo.  Sa kabila ng paglaganap ng "kultura ng kamatayan" dahil sa "lost of sense of sin" ay sikapain nating mapabilang sa tinaguriang "Pro-life Generation" na ang layunin ay pahalagahan, igalang at ibahagi ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos.  Isapuso natin ang kasabihang: "Our life is gift from God... How we live our life will be our gift to God!" 

ANG PANANAMPALATAYA NI SAN JUAN BOSCO: Reflection for the Solemnity of St. John Bosco - January 31, 2020 (local feast Feb. 2) - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-RELIGIOUS FAITH DIALOGUE

Masusing proseso ang pinagdaraanan ng isang tao upang tanghaling santo.  Dumaraan sa butas ng karayom ang isang kandidato bago niya makamit ang korona ng kabanalan. Kasama na rito ang mga pagharang ng mga "devil's advocates" (mga piniling obispo o mga experto) na hahanapan ng kakulangan at kamalian ang kandidato at maghahayag ng kanilang pagtutol.  Isa sa mga inilatag na pagtutol kay Don Bosco ay ito:  "Kailan nagdasal si Don Bosco?  Masyado siyang abala sa kanyang mga kabataan kaya't marahil ay wala na siyang oras para magdasal!"  Ang katanungang ito ay sinagot din ng isang katanungan: "Kailan hindi nagdasal si Don Bosco?"  Tama nga naman sapagkat para kay Don Bosco ang lahat ng kanyang gawain para sa mga kabataan ay isang malaking panalangin na bawat sandali ay iniaalay niya sa Diyos!  Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay hindi lamang niya ipinakita sa dami at haba ng kanyang mga panalangin ngunit higit sa lahat ito ay ipinhayag niya sa matapat at masusing pagtupad sa kalooban ng Diyos.  Sa pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Bosco ay inaanyayahan tayong panibaguhin, palalimin at isabuhay ang ating pananampalataya.  Ang pananampalataya ay hindi lang paniniwala at pagtitiwala.  Higit sa lahat ito ay PAGSUNOD sa kalooban ng Diyos.  Hindi lang ito paniniwala na may Diyos na makapangyarihan na kayang gawin ang lahat para sa atin.  Hindi lang ito pagtitiwala o sentimiyentong pang-unawa na tayo ay mahal ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan.  Ito ay pagsunod na sa kabila ng kakulangan ng ating pang-unawa ay sinasabi nating "maganap nawa sa akin ayon sa kalooban Mo!"  Ito ang pananampalatayang buhay na ipinakita ni San Juan Bosco sapul pa sa kanyang pagkabata nang una niyang matanggap ang kanyang misyon na maging Ama at Guro ng mga Kabataan sa pamamagitan ng isang panaginip noong siya ay siyam na taong gulang.  Ito'y isang buhay na pananampalatayang nagtulak sa kanya na sa kabila ng kahirapan ay maari siyang maging pari at magsimula ng kamangha-manghang gawain para sa mga kabataan. Ito ang buhay na pananampalatayang nagbigay daan upang itatag niya ang Kongregasyon ng mga Salesianong Pari at Madre at mga samahang laiko upang maging kanyang katuwang sa pag-aaruga sa mga kabataan.  Ang pananampalatayang ito ay parang maliit na batong ipinukol sa tahimik na tubig nr isang lawa na gumawa ng "ripple effect" hanggang sa nagmistulang malalaking alon sa karagatan.  Ang pananampalataya ni San Juan Bosco ay gumawa ng malaking "impact" sa mundo ng mga kabataan kaya nga't tama ang ang titulong ibinigay sa kanyang ng Inang Simbahan bilang "Ama at Guro ng Mga Kabataan."  Ganito rin ba katatag ang aking pananampalataya?  Baka naman mababaw ang aking pananampalataya na katulad ng mga "Katoliko-Sarado" na sara na ang isipan dahil sa mga tradisyong kanilang kinagisnan at mga ritwal na nakasanayan at hindi na matanggap ang anumang pagbabago upang mas lalo pang mapalalim ang kanilang papanalig sa Diyos?  "O San Juan Bosco, guro at ama ng mga kabataan, bigyan mo kami ng bukas na isipan.  Bigyan mo kami ng pananampalatayang buhay na laging handang sumunod sa kalooban mo. At pagkatapos ng aming paglalakbay dito sa lupa kami'y hintayin mo sa kalangitan.."