Paano mo malalaman kung tunay ang iyong pagsunod sa mga utos ng Diyos? Isang paraan upang masagot ang katanungang ito ay ang sagutin mo ang tanong na: "Bakit ka ba nagsisimba tuwing Linggo? Maraming maaring isagot sa katanungang ito. Marahil sasabihin ng iba ay sapagkat takot nilang malabag ang ikatlong utos ng Diyos. At kapag hindi sila nagsimba ay nakagagawa sila ng "mortal" na kasalanan na maaring magdala sa kanila sa impiyerno! Ang iba naman marahil ay sapagkat batid nila na may karampatang kapalit ang pagpapakabuti; may langit na naghihintay sa mga sumusunod ng kanyang utos! Para sa kanila, ang pagsisimba ay ang kanilang susi sa pagpasok sa kaharian ng langit na kung saan ay maraming mansyon at naggagandahang tahanan na inilaan sa kanila ng Panginoon. Tama ba o mali ang ganitong mga dahilan?
Mayroong isang kuwento na minsan daw ay may isang taong nakakita sa isang anghel na may dalang sulo sa isang kamay at isang timbang tubig naman sa isa. Tinanong niya ang anghel kung para saan ito. Ito ang sagot ng anghel: "Sa pamamagitan ng sulo ay susunugin ko ang mga "mansiyon" sa langit at sa pamamagitan naman ng tubig ay bubuhusan at pupuksain ko ang apoy ng impiyerno. At makikita natin kung sino talaga ang taong nagmamahal sa Diyos!"
Ito ang mensaheng nais ipahiwatig ng anghel: Marami sa ating mga Kristiyano ang sumusunod lang sa utos ng Diyos sapagkat takot sila sa "apoy" o parusa ng impiyerno o kaya naman ay sapagkat nais nilang manirahan sa "mansiyon ng langit." Kakaunti ang nakapagsasabing "sumusunod ako sa utos dahil mahal ko ang Diyos!" Sa katunayan kung susuriin natin ang tradisyunal na panalangin sa paghingi ng tawad sa o Act of Contrition ay makikita nating ipinahahayag natin ito: "O my God, I am heartily sorry for having offended Thee, and I detest all my sins, because I dread the loss of Heaven and the pains of hell, but most of all because they offend Thee, my God, Who art all good and deserving of all my love." Sinasabi sa atin ng panalanging ito na ang tunay na dahilan ng ating paghingi ng tawad ay sapagkat mahal natin ang Diyos!
Sa Ebanghelyo ay malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus na siya ay dumating "hindi upang ipagpawalang bisa ang kautusan kundi upang ganapin ito!" (Mt 5:17) Ibig sabihin ay nais ni Jesus na intindihin natin ang KAIBUTURAN NG BATAS! Nais niyang tukuyin natin ang ugat ng pagkakasala upang maintindihan natin kung bakit ito ipinagbabawal sa Sampung Utos ng Diyos. Ibinigay niyang mga halimbawa ang mga utos sa pagpatay, sa pakikiapid, sa pagsaksi sa hindi katotohanan. Ang mga kasalanang ito ay may pinag-uugatan at dapat nating tukuyin ang ugat at ang pinagmumulan ng mga ito.
Ang tamang pag-intindi sa "kaibuturan ng batas" ay ang tinutukoy ni Hesus na "paglagpas sa pagiging matuwid ng mga Eskriba at Pariseo." Ang mga taong ito ay natali sa legalidad at literal na pagsunod sa mga batas at nakalimutan nila ang tunay na diwa kung bakit ba dapat nating sundin ito. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagsunod sa mga utos ng Diyos? "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang akding mga utos!" Ibig sabihin ay mali ang pagsunod nang dahil sa takot at mali rin ang pagsunod dahil may hinihintay na kapalit. Ang tunay na pagsunod sa utos ng Diyos ay sapagkat mahal natin Siya. Walang takot. Walang hinihintay na kapalit.
Ibig sabihin, nagsisimba ka hindi sapagkat takot kang magkaroon ng kasalanang mortal. Matulungin ka sa mahihirap hindi sapagkat may hinihintay kang gantimpala sa langit. Umiiwas ka sa masamang gawain hindi sapakat takot kang mapa-impiyerno! Nagpapakabuti ka sapagkat MAHAL MO ANG DIYOS!
Hindi madali ang magkaroon ng ganitong pananaw at pag-iisip. Kaya nga ipinangako ni Hesus ang Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo, ang Patnubay na ipinangako ni Hesus, ang s'yang tutulong sa atin upang masunod natin ng may pagmamahal ang Kanyang mga utos. Ang Banal na Espiritu ang Syang dadalisay sa ating mga adhikain at pagnanais na maging mabuti. Hingin natin ang Kanyang pamamagitan upang paglinawin ang ating mga isipan kung bakit ba tayo nagpapakabuti at umiiwas sa paggawa ng masama. Tandaan natin na ayaw ng Diyos na katakutan natin Siya... mas nais Niyang Siya'y ating mahalin. Ito ang kaibuturan ng utos ng Diyos!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento