Ang buwan ng Pebrero ay mas kilala sa tawag na "Buwan ng Mga Puso". Pinapaalalahanan tayo na sa buwan na ito ay mas paigtingin pa natin ang pagpapakita ng pagmamahal sa ating kapwa. May naibigay ka na bang regalo sa minamahal mo? Kung wala pa ay makatutulong ang simpleng tips na ito bago matapos ang buwang ito. Para sa mga "lovers", maganda daw na magbigay ng "Green Roses". Sinasabi nila na ito ay sumisimbolo sa pagmamahal na walang hanggan. Para naman sa "crush" mo, ok ng magbigay ka ng "white chocolates", na sumisimbolo naman sa malinis na pagnanais mo sa kanya. Para naman sa mga "magkaibigan lang" ay puede na ang "pink baloons" na sumisimbolo naman sa kasiyahan na naibibigay ng presensiya mo sa kanya. At sa huli, para sa mga "pusong sawi" na nadurog ng pagkabigo ay bigyan mo siya ng RED... bigyan mo siya ng RED HORSE, "extra-strong" ha? Para mas maging matatag ang kanyang pagtanggap sa kabiguan! hehehe... Ano pa man ang intensiyon mo sa pagbibigay ay samahan mo ito ng pagmamahal na walang itinatangi at pinipili.
May kuwento ng isang dalagang lumapit sa kanyang tatay upang magpaalam lumabas kasama ang kanyang BF. Nahihiya pa ang lalaki na pumasok sa bahay. Nang makita ito ng kanyang tatay ay hinila n'ya sa isantabi ang kanyang anak. "Anak naman, anung nakita mo sa lalaking 'yan? Tingnan mo naman ang mukha n'ya, parang nanay lang ang puwedeng magmahal!" Sagot ng dalagita, "Papa, kahit ano pa ang sabihin mo I fell in love with him?" Napasigaw ang tatay, "Fell in love??? Pa'no ka na-feel in love sa pagmumukhang yan? Tingnan mo naman ang buhok n'ya, parang may HIV lang! (Hair Is Vanishing!) Yung mata n'ya parang mga mata ng kuwago! Yung ilong n'ya parang mash potato! Yung ngipin n'ya parang nag-eexam na mga estudyante... one seat a part! Yan ba ang sinasabi mong fell in love?" Sagot ng kanyang anak, "Yes Papa, I fell in love! I fell in love not with his face... I fell in love with his heart!"
Marahil ito rin ang sasabihin ng Diyos kapag tinanong S'ya kung ano ang nagustuhan N'ya sa ating mga tao? Wala namang kaibig-ibig sa atin. Sa katunayan ay patuloy pa nga tayong pinapapangit ng ating mga kasalanan. Ngunit ang Diyos, nananatiling tapat na nagmamahal sa kabila ng ating kapangitan. Tulad nga g sinabi ng isang kanta: "Humanap siya ng pangit at inibig niyang tunay!"
Ang kanyang pagmamahal ay walang kundisyon at walang pinipili. "Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa masasama at sa mabubuti, at pinapapatak niya ang ulan sa mga banal at sa mga makasalanan." At ito nga ang nagbibigay sa atin ng pananaw na dapat nating mahalin hindi lang ang mga taong kaibig-ibig at mga taong mabubuti. Lalo't higit na dapat nating kalingain ang mga taong masasama at makasalanan.
Ito ang sinabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo: "Narinig na ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kaibigan at kapootan mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sabi ko: ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, at idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo’y maging tunay na anak ng inyong Amang nasa langit." Para kay Jesus ay hindi sapat ang magmahal. Dapat ay higitan natin ang panukat ng ating pagmamahal. Huwag lang nating mahalin ang mga taong kaibig-ibig o ang mga taong mabubuti sa atin. Ang tunay na pagmamahal ay walang pinipili at walang ibinibigay na kundisyon at lalo na ay wala itong hininintay na kapalit. Ganito nagmahal ang ating Panginoong Jesus. Tinanggap niya ang ating pagkamakasalanan. Ang pagmamahal na ito ang nagdala sa kanya sa krus at pagtigis ng kanyang dugo para sa ating kaligtasan.
Isang magandang paalala sa atin ni Jesus ngayong Buwan ng mga Puso at Buwan ng Pagpapahalga sa Buhay o PRO-LIFE MONTH sapagkat may mga taong nagtutulak ng kultura ng poot, paghihiganti at karahasan. Ang sagot ng isang kristiyano ay pagmamahal na walang kundisyon! Si Mahatma Gandhi, isang Indian na pinaslang dahil sa kanyang paninidigan na hindi karahasan ang sagot sa pagkakaroon ng kapayapaan ay nagsabing: "An eye for an eye will make the world blind!" Totoo nga naman na ang paghihiganti ay nagdadala lamang ng tinatawag na "cycle of violence" at hindi naman talaga natutugunan ang katarungang nais makamit bagkus ito ay nagiging paraan ng paghihiganti. Bakit hindi natin subukang umunawa at magpatawad sa mga taong nakagawa sa atin ng masama?
Ang mga PRO-LIFE Movements ay patuloy na nagpapahayag ng pakikiisa at katapatan sa turo ng Panginoong Jesus at ng ating inang Simbahan: ang paggalang sa buhay ng tao mula sinapupunan hanggang sa natural nitong kamatayan. Kaya nga't hindi sinasang-ayunan ng Simbahan ang abortion, extrajudicial killing at maging ang death penalty. Sa halip ay hinihikayat tayong mga taga-sunod ni Kristo na igalang at ipagtanggol ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos at pairalin ang katarungan sa ating pakikitungo sa isa't isa.
Sa Taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo ay hinikiya't din tayong maging mas "Katoliko" pa sa ating pakikitungo sa sa ating mga nahiwalay na kapatid. Katoliko na ang ibig sabihin ay walang itinatangi. Ang ating pagiging bukas sa pakikipag-usap ay nagpapakita sa kanila ng tunay na diwa ng pagmamahal na tulad ng ipinakita at ipinadama ni Jesus sa ating lahat na makasalanan. Walang patutunguhan kung tayo ay mananatiling magpagmataas at titingnan silang mali at naliligaw ng landas. Tandaan natin na ang ating Panginoong Jesukristo ay namatay para sa lahat at dahil dito ang kanyang pagliligtas ay para rin sa lahat. Magmahal tayong katulad niya... unconditional. Tandaan natin na para sa isang Kristiyano ang sukatan ng pagmamahal ay ang magmahal na walang sukat: "The measure of love is to love without measure!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento