Biyernes, Hulyo 31, 2020

SILANG MGA KULANG-KULANG: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year A - Aug. 2, 2020 - PRIESTS' SUNDAY - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ngayong Linggong ito ang itinalagang Parish Priest's Sunday.  Sa darating na Martes, August 4, ang Kapistahan ni St. John Mary Vianney.  Siya ang itinalagang patron ng mga Kura Paroko ni Pope Pius XI noong 1929.  Ngunit kinalaunan ay itinanghal na rin siyang pintakasi o patron ng lahat ng mga pari ni Pope Benedict XVI noong 2009.  Kaya puwede rin sabihing ngayon ang araw na kung saan ay pinaparangalan natin, hindi lamang ang mga kura paroko, kundi ang lahat ng mga pari.  Ano nga ba ang mayroon sa ating mga pari at dapat natin silang alalahanin at parangalan?  Sapagkat mayroon silang KAKULANGAN.  Oo sila rin ay may pagka-"kulang-kulang!"  O... baka nangingiti kayo? Ang ibig kong sabihin ay mayroon din silang kakulangan na sa aking palagay ay kailangang punuan ng mga taong pinaglilingkuran nila.  Kung sabagay may mga pari rin naman talagang may pagkakakulang-kulang, tulag ng kuwentong ito:

May kuwento ng tatlong kura paroko na pinag-uusapan ang kanilang mga sakristan. Nagpapayabangan sila kung sino sa kanila ang may pinakatangang sakristan.  Tinawag ng unang pari ang kanyang sakristan at inutusan.  "O eto ang isandaang piso ha? Ibili mo nga ako ng LED TV para sa ating simbahan."  Agad agad namang kinuha nito ang pera at umalis para bumili.  "Tanga di ba? "  Sabi ng unang pari.  Tinawag naman ng ikawala ang kanyang sakristan. "O, eto ang isanlibong piso... ibili mo nga ako ng bagong sasakyan.  Luma na kasi ang service natin sa parokya!"  Agad ding sumunod ito at umalis.  "O di ba mas tanga yun? hehehe" patawang sabi ng ikalawang pari. "Ah... wala yan sa sakristan ko...   Hoy, halika nga.  Pakitingin mo nga kung nandun ako sa labas! " Labas naman agad ang sakristan ngunit bumalik agad, "Padre, ano nga pala ang kulay ng damit na suot ninyo?"  Pakamot sa ulo na tanong ng sakristan. "Ang tatanga talaga ng mga sakristan natin! Sabay tawanan silang tatlo!"   Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkita-kita pala ang tatlong sakristan sa labas?  Sabi ng unang inutusan, "Pare, ang tanga tanga talaga ng kura-paroko ko... biruin mo, pinabibili ako ng LED TV sa halagang Php 100 lang!" Singit naman ng ikalawa, "Ah, wala yan sa kura-paroko ko... pinabibili ba naman ako ng bagong kotse sa halagang Php 1000 lang! Ano ako tanga? hehehe" At pasigaw na sabi ng ikatlo, wala ng tatalo sa katangahan ng kura paroko ko, biruin mo, pinahahanap niya ang kanyang sarili kung nasa labas daw sya! Eh magkausap kaya kami! hehehe..."  

Ang kinalabasan mas lumabas pang tanga ang mga pari kaysa kanilang mga sakristan!  Sino ngayon ang mga kulang-kulang? Ano nga ba ang mayroon sa mga Kura Paroko at inaalala natin sila ngayon?  Hindi naman siguro katangahan.  May ilan siguro!  Pero higit sa lahat ay mayroon sila ay ang "kakulangan."  Inaamin naming mga pari na kami ay may kakulangan sa aming mga sarili bilang lingkod ng Panginoon at dahil d'yan ay nangangailangan ng inyong pang-unawa at panalangin.  Wala namang paring hindi nagkakamali ngunit bakit parang may mga taong panay mali na lang ang nakikita sa kanilang mga kaparian katulad ng nabasa kong artikulong "The Priest is always wrong!"   Kapag nagmisa siya on time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father!  Kapag na-late naman ng kaunti... pinaghihintay naman tayo ni Father!  Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring si Padre magsermon! Kapag maikli, hindi siya naghanda!  Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre.  Kapag laging kasama naman ay lalaki,  hmmmm... nangangamoy paminta si Padre!  Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan.  Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire!  Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!"  Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ?  

NO PRIEST...  NO EUCHARIST! Sila ang itinalaga ng Panginoong Jesus na magpatuloy ng kanyang misyon na "pakainin ang kanyang kawan."  Ano ang sabi ni Jesus sa Ebanghelyo ng nais na sanang pauwin ng mga alagad ang mga tao dahil sa dumidilim na at sila ay nasa ilang na lugar: "Hindi na sila kailangang umalis pa," sabi ni Hesus. "Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain."  At ito ay pinagtibay niya noong itinatag niya ang sakramento ng Banal na Orden noong Huling Hapunan na kung saan ay ibinigay Nya ang kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin ng sangkatauhan!
Sa kabila ng kanilang maraming pagkukulang at hindi pagiging karapat-dapat ay pinili at itinalaga sila ni Jesus upang ulitin hanggang sa wakas ng panahon ang kanyang ginawang sakripisyo. "Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin..." ang bilin ni Jesus sa kanyang mga alagad.  

Kaya nga't sa halip na hanapan ng kamalian ay dapat suportahan ng mga layko ang kanilang mga kaparian!  Lalo na ngayong panahong ito na nababatikos ang mga ilan dahil sa kanilang masamang halimbawa at mga eskandalong kanilang kinasasangkutan.  Totoo na dapat ay mabahala tayo bilang Simbahan, ngunit tandaan natin na mas maraming pari ang nagsisikap at nanatiling tapat sa kanilang pagtawag bilang mga alagad ni Kristo. 

Sa Lumang Tipan ay mababasa natin sa Banal na Kasulatan na hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang bayan.  Noong sila ay naglalakabay papunta sa "lupang pangako" ni Yahweh ay pinadalhan niya ang mga Israelita ng "manna" sa ilang upang maging kanilang pagkain.  Ang kanyang pangakong pag-aaruga ay magpapatuly basta't sila ay mananatiling tapat sa kanya.  Ito ang paalala niya sa kanila sa ating unang pagbasa: "Ako'y may gagawing walang hanggang tipan at ipalalasap sa inyo ang pagpapalang ipinangako ko kay David."  

Sa kasalukuyang panahon ay patuloy ang pag-aaruga ng Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga paring kanyang hinirang na tumutugon sa kanilang espirituwal na kagutuman.  Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga at nahabag si Jesus nang makita sila.  Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya at sa pagkaing kanyang ibibigay sa kanila. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." 

At ito rin dapat ang ginagawa ng mga pari sa kanilang kawan na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila:  ang bigyan ang mga tao ng "pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan!"  Kaya nga't mahalaga ang papel na ginagampanan naming mga pari sa pagpapatuloy ng misyon ni Jesus.  Walang pari... walang Eukaristiya.  Walang Eukaristiya... walang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan!  Ang mga pari, lalong-lalo na ang mga Kura-Paroko, ay nabigyan ng responsibilidad na pamunuan, alagaan, ipagtanggol at gabayan ang kawang ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro at sa mga kahalili niya.  

Ipagdasal natin sa misang ito na sana ay biyayaan pa tayo ng Diyos ng mga mabubuti at banal na mga pari upang maipagpatuloy ang gawaing pagliligtas ni Kristo.  Sa Banal na Eukaristiya ay mas nabibigyang linaw ang mahalagang papel ng mga pari sa pagpapabanal ng Simbahan kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal at pagsuporta sa ating mga kaparian.  Tao rin sila na may kahinaan at kakulangan. Ipagdasal natin na sana ay ang Diyos ang magsilbing kanilang kalakasan!  

Bakit mga "Banal na Pari" ang hinihingi nating dasal?  Pansinin na binibigyang halaga natin dito na hindi lang kaming mga kaparian o relihiyoso, kundi pati na rin ang mahalagang papel ng mga ordinaryong tao sa pagpapabanal ng kanilang mga namumuno sapagkat nakikibahagi tayong lahat sa iisang pagkapari ni Kristo.  Ipanalangin natin sila sapagkat ang "banal na pastol" ay siguradong magdadala sa kabanalan ng kanyang kawan.  Banal na pari... banal na Simbahan!  Banal na Simbahan... banal na mamamayan! Ibig sabihin BANAL NA KAPARIAN... BANAL NA SAMBAYANAN! Maraming salamat po sa inyong suporta at  mga panalangin! 

Biyernes, Hulyo 24, 2020

ANG TUNAY NA KAYAMANAN: Reflection for 17th Sunday in Ordinary Time Year A - July 26, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ano kaya ang mangyayari sa 'yo kapag sinabing nanalo ka ng 50 million pesos sa lotto?  Malamang hihimatayin ka sa tuwa o kung di naman ay aatakihin ka sa puso sa sobrang kagalakan!  May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa lotto ng 50 milyong piso.  Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na!  Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary.  Hiniling  nila sa pari na s'ya na ang magbalita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla.  Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng Php 50 million sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng 50 million sa lotto ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe... 

Sino nga ba ang di hihimatayin sa gayong kalaking kayamanan? Wala naman sigurong taong matino ang pag-iisip ang ayaw yumaman. Dati rati ang kayamanan, hinuhukay, sinisisid, nilalakbay ng malayo.  Ibig sabihin, ang kayamanan ay pinaghihirapan para makuha ng isang tao.  Marami siyang sakripisyong dapat gawin.  Ngayon marahil ay tila mas madali ang yumaman.  Tumaya ka lang sa lotto o kaya naman ay sumali sa mga patimpak o contests na may malaking cash price at pag nanalo ay instant yaman ka na!  Ang iba, tumatakbo sa eleksiyon at presto, pagkatapos ng ilang taon super yaman na!  May iba naman sa masasamang paraan nakukuha ang kayamanan tulad ng pagnanakaw, pangingidnap, pangungurakot sa trabaho at marami pang masasamang paraan.

Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinhaga ng Kaharian ng Diyos o Paghahari ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang taong nakatagpo ng kayaman sa bukid at mamahaling perlas. Kapuwa nila isinakripisyo ang kanilang mga pag-aari upang mabili lamang ang mga kayamanang iyon.  Kung kaya nating magsakripisyo para sa kayamanang makamundo na nabubulok at nasisira ay dapat gayun din sa mga bagay na espirituwal.

Ang "kaharian ng Diyos" ay ang pagharian tayo ng Kanyang biyaya at mabuhay bilang mga tapat niyang anak. Dapat ay matuto tayong magpahalaga sa mga bagay na dapat unahin sa ating buhay.  Nakakalungkot na sa panahong ito ng Quarantine ay hindi tayo makapagdiwang ng Santa Misa ng katulad ng dati.  Ayon kasi sa classification na ginawa ng IATF, ang pagsamba ng sama-sama ay nasa klasipikasyon na "non-essential".  Samantalang ang pagpunta sa mga pamilihan ay "essential".  Paano ba natin isinasabuhay ang ating pagiging mga "anak ng Diyos"?  Hindi ba sa pamamagitan ng sama-samang pagsamba sa Kanya?  Kaya nga kapag ang pagsisimba ay ipinagpapalit mo sa mga lakad mo sa araw ng Linggo ay hindi mo pa batid kung ano ang tunay na kayamanan na dapat maghari sa iyong nuhay at hindi ka pa rin handang pagharian N'ya.  Kapag sinasabi mong wala akong oras magdasal o gumawa ng mabuti sa iba ay hindi mo pinahahalagahan ang  Kaharian ng Diyos sa iyong buhay. Kapag mas mahalaga sa iyo ang mga bagay na materyal kaysa ispirituwal, kapag labis mong pinagtutuunan ng pansin ang iyong katawan at napababayaan mo ang iyong kaluluwa ay malayo ka pa sa paghahanap sa tunay na kayamanan.

Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar.  Ang kaharian ng Diyos ay ang plano ng Diyos sa sangkatauhan at ang kanyang paghahari ay ang ating pakikiisa sa planong ito.  Ang plano ng Diyos sa atin ay mabuhay tayo ng masayang kasama siya dito sa mundong ito at sa kabilang buhay na kung saan ay makakapiling natin Siya magpakailanman sa kaluwalhatian.  Ang pagpapatawad sa mga taong nakasakit at nagkamali sa atin at pagmamahal sa kanila ay pakikiisa sa plano ng Diyos para sa atin.  Mahirap itong mauwaan at ipaliwanag sa isang taong nabubuhay sa batas ng "mata sa mata" at "ngipin sa ngipin".  Tanging mga tao lamang na may karunungang tulad ng kay Solomon ang makakaunawa nito.  Sa unang pagbasa ito ang hiniling ni Solomon kay Yahweh sa halip na kayamanan at kapangyarihan: "isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling."  Hingin din natin sa Panginoon ng ganitong puso upang tayo ay pagharian niya.  

Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay ipinagdarasal natin ang gawain ng ating mga Pilipinong Misyonero.  Alalahanin at suportahan natin silang mga nakatagpo sa tunay na kayamanan na iniwan ang lahat-lahat sa kanilang buhay upang ihatid ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesus sa ibang lupain.  Ngunit tandaan din natin na tayong lahat ay nakatagpo na sa "tunay na kayamanan" noong tayo ay bininyagan.  Kaya nga't lahat tayo ay misyonero na tinatawag na magmahal. Kumbinsido ka ba na nasa iyo na ang "Tunay na Kayamanan?"  Ano ang ginagawa mo upang ito ay pahalagahan at palaguin sa iyong buhay?" 


Sabado, Hulyo 18, 2020

ISANG PAANYAYA: RSVP : Reflection for 16th Sunday in Ordinary Time Year A - July 12, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Nakatanggap ka na ba ng imbitasyon sa isang pagdiriwang na may nakalagay na RSVP?  Ang RSVP ay mga salitang Pranses na "repondez s'il vous plait" na ang ibig sabihin sa ingles ay "respond as you please",  upang malaman kung ikaw ba ay makakadalo o hindi. Kinakailangan mong sumagot sapagkat sayang ang inilaang lugar para sa iyo! Papaano kung ang Diyos mismo ang magbigay sa iyo ng RSVP?  Sasagutin mo ba?  

May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Isang lugar pa lang ang napuntahan ko, sa Burol Mandaluyong ata iyon at nahirapan na akong magbilang. Ang daming pasaway! Halimbawa, maraming mga tao ang sumusuway sa pamantayan ng General Quarantine:  walang sinusunod na physical distancing, walang mga suot na face mask, nagkalat ang mga bata sa labas kahit na bawal...  Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para , mas mapabilis ang trabaho mo. Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. May surpresa akong ihahanda para sa kanila.. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti! Ang masasama ay huwag mong bigyan. Ilagay mo sa sobre RSVP para agad agad kong matatanggap ang kasagutan." At gayon nga ang ginawa ng anghel, binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa... RSVP! Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? Hindi n'yo alam kung ano ang nakasulat? hahaha! Kung gayon ay hindi kayo nabigyan! hehehe...

Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Sabi nga nila, ngayong panahon ng pandemiang dala ng COVID-19 ay mas lumalabas ang kasamaan at kabutihan ng tao.  May mga taong ipinapakita ang kanilang pagiging makasarili at hindi inaalintana ang kalagayan ng kanilang kapwa tao.  May mga taong natutuwa pa dahil mawawalan ng trabaho ang mahigit labing isang libong tao at ang kanilang pamilya.  Masaya at nakatawa pa ang ilan sa kanila dahil maraming kakalam ang sikmura.  Hindi bat lubos na kasamaan yan?

Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan.  

Una, hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng kasamaan. Ang Diyos ay lubos na mabuti.  God is good all the time! And all the time God is good!  Sa ating talinhaga ay "mabuti" ang mga binhing inihasik ng may ari ng triguhan.  Ang kanilang "kaaway" (ang demonyo) ang siyang pinagmulan nito.  At ang diyablo, ang ibig sabihin ay "siyang nagwawatak-watak," ay patuloy sa pagpapalaganap ng kasinungalingan, ng kamalian at ng kaguluhan sa mundo.  May mga kasamaang nagmumula sa kanya ngunit marami rin ang naisasakatuparan ng mga kampon ng kadiliman at ng kanyang mga tagasunod.  Mag-ingat tayo baka marahil ay isa na tayo sa nagpapalaganap ng kasamaan sa ating paligid. 

Pangalawa, ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob.  "Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang anihan..." ang sabi ni Jesus. At doon na lamang niya paghihiwalayin ang mga mabuti sa masama na kung saan ay "susunugin" ang masasamang damo at titipunin naman sa kamalig ang trigo.  "Life is so unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin Kaya nga hinihikayat din ng Diyos, na tulad niyang mapagtimpi, ay dapat ay dapat taglayin din natin ang pagtitiyaga at mahabang pagpapasensiya sa ating mga sarili. "Be patient because God is patient with you!"  Mapagpasensiya ang Diyos sapagkat Siya ay pag-ibig!  Ang tunay na nagmamahal ay matiyagang naghihintay, umuunawa sa kakulangan ng iba at laging handang magpatawad sa mga nagkakamali. Ngayong panahon ng pandemia may panibagong kahulugan para sa ating mga Kristiyano ang GCQ... God Can't Quit!  Hindi tayo kailanman susukuan ng Diyos.  Mananatili siyang magtitiyaga sa atin sa kabila ng ating kasamaan.  Hihintayin niya tayong magbalik-loob at magbago.

Pangatlo, ang tao rin ay maaring maging sanhi ng kasamaan sa mundo.  Ang kasamaan, bukod sa demonyo, ay maaring magmula sa puso ng bawat tao dahil sa maling paggamit ng kanyang kalayaan.  Hindi sapagkat likas tayong malaya ay maari na nating gawin ang nais natin.  Dapat pa ring isaalang-alang ang kabutihan ng iba at ng ating sarili sa ating pagpili at mga desisyong ginagawa araw-araw. Sa katunayan, hindi tinanggal ng pagiging "anak ng Diyos" ang pagnanais ng taong gumawa ng masama.  Naglalaban pa rin sa ating katauhan ang mabuti at masama.  Ang mabuting balita para sa atin ay sa kabila ng ating kahinaan, ang Diyos ang ating kalakasan!

Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya, pagkakataong magbago at magbalik-loob, pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal. Sagutin ang Kanyag RSVP na paanyaya sa atin... ang pagiging mabuting Niyang mga anak!  Ang patawag ng Diyos sa atin ay maging banal sa pamamagitan ng pagiging mabuti,  

Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos! Sagutin mo agad sapagkat RSVP ang kanyang paanyayang magmahal. 

Sabado, Hulyo 11, 2020

KSP. : KULANG SA PAKIKINIG: Reflection for 15th Sunday in Ordinary Time Year A - July 12, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Nagluluksa ang maraming KAPAMILYA ngayon sa hindi pagkapasa ng prankisa ng higanteng network na ABS-CBN.  Isa akong KAPUSO, ngunit gayun pa man ay nakikiramay ako, hindi sa nagmamay-ari ng network na ito, ngunit sa maraming manggagawa at kanilang pamilya na mawawalan ng trabaho at siguradong magugutom ngayong panahon ng pandemia.  Iniisip ko kung bakit nangyari ito.  Isinagawa ang hearing hindi upang ipagtanggol ang network kundi upang bigyan ng pagkakataon na marinig ang panig ng maraming taong umaasa sa kanilang pang-araw-araw na kinabubuhay sa pamamagitan ng marangal na pagtatrabaho sa kumpanyang ito.  Sila ang mas higit na apektado.  Sila ang maghihikahos.  Sila ang magugutom.   Bakit?  Dahil pinili ng iilang tao ang hindi makinig.  Sa simula pa lang ay sarado na ang isipan ng iilan dahil marahil sa mga mapait na personal na karanasan ngunit sapat ba ito upang timbangin ang maraming taong kakalam ang sikmura sa mga susunod na araw? 

Ayaw man nating aminin, na isang kapansanan nating mga tao ay ang pagiging KSP.  Hindi "Kulang Sa Pansin" kundi "KULANG SA PAKIKINIG" ang tinutukoy ko.  Karamihan kasi sa atin ay mas gusto ang magsalita kaysa makinig.   Ang problema nang kakulangan sa pakikinig ay kapag sabay-sabay lahat na nagsasalita. Sa mga taong ito ang pakikipagtalastasan ay "more talking... less listening"  Pero kung iisipin mo, tayo ay biniyayaan ng Diyos ng isang bibig at dalawang tenga upang mas makinig kaysa magsalita, kaya nga ang dapat ay "less talking more lsitening!"  Mahalaga ang pakikinig sapagkat makapangyarihan ang salita.  Bagamat natural na sa atin ang magsalita ngunit hindi natin napagtatanto ang epekto nito sa taong ating kinakausap.  Kung minsan ay nakapagpapasaya tayo ng mga tao kapag ang lumalabas sa ating bibig ay pagpupuri o pasasalamat sa kanila.  Kung minsan naman ay nakapagbibigay tayo ng loob dahil sa ating pangungutya at paggamit ng mga nakapipinsalang salita sa ating kapwa.

Kung ito ay totoo sa mga salitang lumalabas sa ating bibig ay mas malaki ang inaasahan sa atin kapag ang ipinapahayag sa atin ay ang SALITA NG DIYOS.  Sa unang pagbasa, sa Akalat ni Propeta Isaias ay inilalarawan ang Salita ng Diyos na parang ulan at niyebe na bumaba sa lupa upang ito ay pagyamanin at nagpapakita ito ng kapangyarihan ng Salita na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga nilikha ng Diyos.  Sa ebanghelyo naman ay ikinumpara ang Salita ng Diyos sa binhi na inihasik sa iba't urin ng lupa.  Wala ang problema sa binhi o maging sa manhahasik ng binhi.  Hindi nanghihinayang ang manghahasik sa mga binhing bumagsak sa hindi magandang lupa sapagkat alam naman niyang may mga mabubuting lupang tatanggap sa binhi at dahil dito ay magbibigay ng masaganang bunga.  Ang talinhaga ng maghahasik ay nagsasabi sa ating  maging "mabubuting lupa" na nagbibigay ng pagkakataon sa "binhi" (Salita ng Diyos) upang tumubo, lumago at mamunga ng marami sa ating buhay!  Ang pagiging mabuting lupa ay nasa "pakikinig" natin at pagtupad sa kalooban ng Diyos.

Sa ating pakikinig sa Salita ng Diyos ay hindi lamang tenga ang ating ginagamit.  Pansinin ninyo na sa salitang hEARt ay napapaloob ang salitang EAR.  Upang lubos na mamunga ang binhi ng Salita ng Diyos, dapat ay handa nating buksan ang ating puso sa kanyang pagmamahal. Naglalaan ba ako ng sandali upang itahimik ang aking sarili at hayaang pagharian ng Diyos ang aking buhay? Sa pagdiriwang ng mga sakramento, lalo na sa Santa Misa, ay direktang nakikipag-usap ang Diyos  sa atin.  Sa mahiwagang paraan ay nakikipag-usap din siya sa atin sa pamamagitan ng ating mga mahal sa buhay, sa ating mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan at maging sa ating mga kaaway.  Ginagamit ko ba ang mga pagkakataong ito upang mapakinggan ang Salita ng Diyos na ipinahahayag sa akin?  Sana ay matuto tayong makinig gamit ang ating puso.  Sana ay matuto tayong tumahimik . Sana ay hayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa ating ginagawa araw-araw at mamunga ito ng maraming biyaya upang maibhagi natin sa ating kapwa.  Tama ang sabi ni Jesus sa katapusan ng talinhaga: "Ang may pandinig ay makinig!"  

Sabado, Hulyo 4, 2020

PasaLOAD... PasaLORD: Reflection for 14th Sunday in Ordinary Time Year A - July 5, 2020 - YEAR OF ECUMENISM and INTER-FAITH DIALOGUE

Nasubukan mo na bang "magPasaLOAD?"  "Father, share-a-load po ang ginagamit ko. Pero ang alam ko ay ganito ang pag-pasaload. Tanggalin mo ang  0  sa unahan ng padadalhan mong mobile phone number at palitan mo ng 2 at magsend ka ng load sa kanya. Presto... nagpasaload ka na!"  Pero hindi ito ang  pagpapasa na tinutukoy ko.  Marami ka bang dinadalang pasanin sa buhay?  Nabibigatan ka na ba sa mga suliranain at problemang hinaharap mo ngayon?  Ngayong panahon ng pandemiang COVID-19, paano mo ba hinaharap ang maraming paghihirap na dumarating sa iyo araw-araw? 

Bakit di mo subukang magPasaLORD?  Halos tatlong taon na ang nakakaraan nang simulan ang isang movement na ang tawag ay PasaLORD. July 7, 2017 noong ito ay sinimulan upang sama-samang ipagdasal ang ating bansa dahil sa maraming karahasang nangyayari sa ating paligid.   Ito ay ang sama-samang pagdarasal tuwing alas-dose ng tanghali para sa kapayapaan ng ating bansa. Maganda ang nais ipahiwatig ng salitang "PASALORD".  Sinasabi nito na may mga bagay na hindi natin kayang gawin, may mga prolemang hindi natin kayang lutasin at may mga pasaning di natin kayang buhatin.

Kaya ang Panginoon ay nag-aanyaya sa ating "ipasa" sa Kanya ang mga nagpapahirap sa ating buhay.  "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat ng napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko.  Pasanin ninyo ang aking pamatok, at mag-aral kayo sa akin; ako'y maamo mababang-loob, at makakasumpong kayo ng kapahingaan para sa inyong kaluluwa. Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaaan ang pasaning ibibigayko sa inyo."  Pansinin ninyo na hindi nangako si Jesus na tatanggalin niya ang ating paghihirap at siya na lang ang magpapasan nito para sa atin.  Bagkus ibibigay niya sa atin ang kanyang "pamatok" upang ating gamitin upang mapagaan ang ating pasanin.  Ang pamatok ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng hayop upang mapagaan ang kanyang paghila ng mga bagay. Kung tama ang pamatok hindi mnahihirapan ang hayop. At ano ang pamatok na ito?  Walang iba kundi ang Kanyang tapat at walang sawang pag-ibig! Ang nais ng Panginoon ay dalhin natin ng may "pag-ibig" ang ating mga pasanin sa buhay. 

Kung lalagyan lang natin ng pagmamahal ang ating mga ginagawa araw-araw ay mapapagaan natin ito. Kaunting pagngiti, pagbati, pagkamusta ay sapat na upang makapawi ng pagod, sakit, at kalungkutan. Tandaan natin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pasanin na hindi natin kayang buhatin. Ang Diyos ay kasama natin sa ating paghihirap at mga suliranin natin sa buhay. Ganito dapat ang panalangin ng isang tagasunod ni Kristo kapag siya ay nahaharap sa mga pagsubok sa buhay:  "Panginoon, wag mong tanggalin ang mga pasanin ko ngayon, bagkus bigyan mo ako ng lakas na mabuhat ito sa pamamagitan ng iyong pagmamahal."  

Sa ating pagdarasal para sa ating bansa ay ipinapasa natin kay Jesus ang mithiiin nating makamit ang mapayapa at ligtas na pamumuhay.  Ipinapanalangin natin na sana ay matapos na ang kahirapang dulot ng pandemiang ito at makabalik muli tayo sa normal nating pamumuhay.  Masyado nang malaki ang problema dulot ng pandemiang ito at tila habang tumatagal ay bumibigat ang ating pasanin.  Dahil dito ay marami na rin ang nagiging makasarili at kung minsan ay kapit na sa patalim na kahit masama ay gagawin para lang mapuno ang kumakalam nilang sikmura.  May mga taong niyayakap na kultura ng kamatayan at nagiging matigas na ang puso sa sa masamang pamumuhay.

Ang Panginoong Jesus lang naman talaga ang maaring bumago sa puso ng bawat tao.  Kung paanong "walang matigas na tinapay sa mainit na kape"  ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa init ng kanyang pagmamahal."  Ipagdasal natin na maghari ang pag-ibig sa puso ng bawat tao upang malabanan ang karahasan at mapawi ang galit at poot sa puso ng bawat tao. Sa pagPasaLORD naman natin ng ating mga suliranin, kahirapan at pagsubok sa buhay,  hingin natin sa Panginoon na punuin niya ng pag-ibig ang ating mga puso upang ang lahat ng ating iisipin, wiwikain at gagawin ay bunga ng kanyang pagmamahal at siguradong mapapagaaan nito ang ating mga pasanin.  Ano pang hinihintay mo? MagPASALORD ka na!