Nakatanggap ka na ba ng imbitasyon sa isang pagdiriwang na may nakalagay na RSVP? Ang RSVP ay mga salitang Pranses na "repondez s'il vous plait" na ang ibig sabihin sa ingles ay "respond as you please", upang malaman kung ikaw ba ay makakadalo o hindi. Kinakailangan mong sumagot sapagkat sayang ang inilaang lugar para sa iyo! Papaano kung ang Diyos mismo ang magbigay sa iyo ng RSVP? Sasagutin mo ba?
May isang kuwento na minsan daw ay inutusan ng Diyos ang isang anghel upang pumunta sa lupa at bilangin kung ilan ang mga taong masasama. Agad itong sumunod upang gampanan ang kanyang misyon ngunit pagkatapos lang ng ilang araw ay agaran din itong bumalik. Nang tanungin siya ng Diyos Ama ay sinabi n'ya: "Panginoon, masyado pong marami ang taong masasama sa lupa. Isang lugar pa lang ang napuntahan ko, sa Burol Mandaluyong ata iyon at nahirapan na akong magbilang. Ang daming pasaway! Halimbawa, maraming mga tao ang sumusuway sa pamantayan ng General Quarantine: walang sinusunod na physical distancing, walang mga suot na face mask, nagkalat ang mga bata sa labas kahit na bawal... Puwede bang yung mabubuti na lang ang bilangin ko?" Sagot ng Diyos sa kanya: "Sige, mas mabuti pa nga para , mas mapabilis ang trabaho mo. Muli siyang nagbalik at tulad ng inaasahan ay maaga niyang natapos ang pagbibilang. "Ngayon", sabi ng Diyos Ama,"papadalhan natin ng sulat ang mga taong mabubuti. May surpresa akong ihahanda para sa kanila.. Bibigyan mo ng sulat ang bawat taong mabuti! Ang masasama ay huwag mong bigyan. Ilagay mo sa sobre RSVP para agad agad kong matatanggap ang kasagutan." At gayon nga ang ginawa ng anghel, binigyan ng sulat ang lahat ng taong mabuti sa lupa... RSVP! Alam n'yo ba kung ano ang nakalagay sa sulat? Hindi? Hindi n'yo alam kung ano ang nakasulat? hahaha! Kung gayon ay hindi kayo nabigyan! hehehe...
Marahil isang kuwento lamang ngunit nagsasabi ito sa atin ng katotohanan. Tunay ngang may mga taong masasama sa ating mundo! Hindi natin ito maipagkakaila. Sabi nga nila, ngayong panahon ng pandemiang dala ng COVID-19 ay mas lumalabas ang kasamaan at kabutihan ng tao. May mga taong ipinapakita ang kanilang pagiging makasarili at hindi inaalintana ang kalagayan ng kanilang kapwa tao. May mga taong natutuwa pa dahil mawawalan ng trabaho ang mahigit labing isang libong tao at ang kanilang pamilya. Masaya at nakatawa pa ang ilan sa kanila dahil maraming kakalam ang sikmura. Hindi bat lubos na kasamaan yan?
Ang mas masaklap na katotohanan ay ito. Tila ang mga tao pang ito ang "nag-eenjoy" at nanagana sa kanilang pamumuhay samantalang ang mga mabubuti ay naghihirap! Ano ba ito? Bakit ang masasamang damo ang matagal mamatay? Bakit pinababayaan ng Diyos mangyari ito? Ang talinhaga sa ating Ebanghelyo ay may kasagutan.
Una, hindi ang Diyos ang pinagmumulan ng kasamaan. Ang Diyos ay lubos na mabuti. God is good all the time! And all the time God is good! Sa ating talinhaga ay "mabuti" ang mga binhing inihasik ng may ari ng triguhan. Ang kanilang "kaaway" (ang demonyo) ang siyang pinagmulan nito. At ang diyablo, ang ibig sabihin ay "siyang nagwawatak-watak," ay patuloy sa pagpapalaganap ng kasinungalingan, ng kamalian at ng kaguluhan sa mundo. May mga kasamaang nagmumula sa kanya ngunit marami rin ang naisasakatuparan ng mga kampon ng kadiliman at ng kanyang mga tagasunod. Mag-ingat tayo baka marahil ay isa na tayo sa nagpapalaganap ng kasamaan sa ating paligid.
Pangalawa, ang Diyos ay mapagtimpi. Hindi niya ninanais ang kamatayan ng mga taong makasalanan ngunit ang kanilang pagbabalik-loob. "Hayaan na ninyong lumago kapwa hanggang anihan..." ang sabi ni Jesus. At doon na lamang niya paghihiwalayin ang mga mabuti sa masama na kung saan ay "susunugin" ang masasamang damo at titipunin naman sa kamalig ang trigo. "Life is so unfair!" maari nating sabihin. Ngunit tandaan natin na iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao. Iba ang kanyang pamantayan sa ating pamantayan. Iba Siyang magmahal sa atin! Kaya nga hinihikayat din ng Diyos, na tulad niyang mapagtimpi, ay dapat ay dapat taglayin din natin ang pagtitiyaga at mahabang pagpapasensiya sa ating mga sarili. "Be patient because God is patient with you!" Mapagpasensiya ang Diyos sapagkat Siya ay pag-ibig! Ang tunay na nagmamahal ay matiyagang naghihintay, umuunawa sa kakulangan ng iba at laging handang magpatawad sa mga nagkakamali. Ngayong panahon ng pandemia may panibagong kahulugan para sa ating mga Kristiyano ang GCQ... God Can't Quit! Hindi tayo kailanman susukuan ng Diyos. Mananatili siyang magtitiyaga sa atin sa kabila ng ating kasamaan. Hihintayin niya tayong magbalik-loob at magbago.
Pangatlo, ang tao rin ay maaring maging sanhi ng kasamaan sa mundo. Ang kasamaan, bukod sa demonyo, ay maaring magmula sa puso ng bawat tao dahil sa maling paggamit ng kanyang kalayaan. Hindi sapagkat likas tayong malaya ay maari na nating gawin ang nais natin. Dapat pa ring isaalang-alang ang kabutihan ng iba at ng ating sarili sa ating pagpili at mga desisyong ginagawa araw-araw. Sa katunayan, hindi tinanggal ng pagiging "anak ng Diyos" ang pagnanais ng taong gumawa ng masama. Naglalaban pa rin sa ating katauhan ang mabuti at masama. Ang mabuting balita para sa atin ay sa kabila ng ating kahinaan, ang Diyos ang ating kalakasan!
Magising sana tayong mga makasalanan! Huwag nating balewalain o pagsamantalahan ang malaking pag-ibig ng Diyos. Bawat hininga natin ay dapat magpaalala sa atin na ang Diyos ay nagbibigay ng pagkakataong mahalin natin Siya, pagkakataong magbago at magbalik-loob, pagkakataon upang suklian natin ang kanyang pagmamahal. Sagutin ang Kanyag RSVP na paanyaya sa atin... ang pagiging mabuting Niyang mga anak! Ang patawag ng Diyos sa atin ay maging banal sa pamamagitan ng pagiging mabuti,
Kung alam mo ito ay parang nakatanggap ka na rin ng Kanyang sulat. Mapalad ka. Isa ka sa mga minamahal ng Diyos! Sagutin mo agad sapagkat RSVP ang kanyang paanyayang magmahal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento