May kuwento ng tatlong kura paroko na pinag-uusapan ang kanilang mga sakristan. Nagpapayabangan sila kung sino sa kanila ang may pinakatangang sakristan. Tinawag ng unang pari ang kanyang sakristan at inutusan. "O eto ang isandaang piso ha? Ibili mo nga ako ng LED TV para sa ating simbahan." Agad agad namang kinuha nito ang pera at umalis para bumili. "Tanga di ba? " Sabi ng unang pari. Tinawag naman ng ikawala ang kanyang sakristan. "O, eto ang isanlibong piso... ibili mo nga ako ng bagong sasakyan. Luma na kasi ang service natin sa parokya!" Agad ding sumunod ito at umalis. "O di ba mas tanga yun? hehehe" patawang sabi ng ikalawang pari. "Ah... wala yan sa sakristan ko... Hoy, halika nga. Pakitingin mo nga kung nandun ako sa labas! " Labas naman agad ang sakristan ngunit bumalik agad, "Padre, ano nga pala ang kulay ng damit na suot ninyo?" Pakamot sa ulo na tanong ng sakristan. "Ang tatanga talaga ng mga sakristan natin! Sabay tawanan silang tatlo!" Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkita-kita pala ang tatlong sakristan sa labas? Sabi ng unang inutusan, "Pare, ang tanga tanga talaga ng kura-paroko ko... biruin mo, pinabibili ako ng LED TV sa halagang Php 100 lang!" Singit naman ng ikalawa, "Ah, wala yan sa kura-paroko ko... pinabibili ba naman ako ng bagong kotse sa halagang Php 1000 lang! Ano ako tanga? hehehe" At pasigaw na sabi ng ikatlo, wala ng tatalo sa katangahan ng kura paroko ko, biruin mo, pinahahanap niya ang kanyang sarili kung nasa labas daw sya! Eh magkausap kaya kami! hehehe..."
Ang kinalabasan mas lumabas pang tanga ang mga pari kaysa kanilang mga sakristan! Sino ngayon ang mga kulang-kulang? Ano nga ba ang mayroon sa mga Kura Paroko at inaalala natin sila ngayon? Hindi naman siguro katangahan. May ilan siguro! Pero higit sa lahat ay mayroon sila ay ang "kakulangan." Inaamin naming mga pari na kami ay may kakulangan sa aming mga sarili bilang lingkod ng Panginoon at dahil d'yan ay nangangailangan ng inyong pang-unawa at panalangin. Wala namang paring hindi nagkakamali ngunit bakit parang may mga taong panay mali na lang ang nakikita sa kanilang mga kaparian katulad ng nabasa kong artikulong "The Priest is always wrong!" Kapag nagmisa siya on time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father! Kapag na-late naman ng kaunti... pinaghihintay naman tayo ni Father! Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring si Padre magsermon! Kapag maikli, hindi siya naghanda! Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre. Kapag laging kasama naman ay lalaki, hmmmm... nangangamoy paminta si Padre! Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan. Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire! Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!" Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ?
NO PRIEST... NO EUCHARIST! Sila ang itinalaga ng Panginoong Jesus na magpatuloy ng kanyang misyon na "pakainin ang kanyang kawan." Ano ang sabi ni Jesus sa Ebanghelyo ng nais na sanang pauwin ng mga alagad ang mga tao dahil sa dumidilim na at sila ay nasa ilang na lugar: "Hindi na sila kailangang umalis pa," sabi ni Hesus. "Kayo ang magbigay
sa kanila ng makakain." At ito ay pinagtibay niya noong itinatag niya ang sakramento ng Banal na Orden noong Huling Hapunan na kung saan ay ibinigay Nya ang kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin ng sangkatauhan!
Sa kabila ng kanilang maraming pagkukulang at hindi pagiging karapat-dapat ay pinili at itinalaga sila ni Jesus upang ulitin hanggang sa wakas ng panahon ang kanyang ginawang sakripisyo. "Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa akin..." ang bilin ni Jesus sa kanyang mga alagad.
Kaya nga't sa halip na hanapan ng kamalian ay dapat suportahan ng mga layko ang kanilang mga kaparian! Lalo na ngayong panahong ito na nababatikos ang mga ilan dahil sa kanilang masamang halimbawa at mga eskandalong kanilang kinasasangkutan. Totoo na dapat ay mabahala tayo bilang Simbahan, ngunit tandaan natin na mas maraming pari ang nagsisikap at nanatiling tapat sa kanilang pagtawag bilang mga alagad ni Kristo.
Sa Lumang Tipan ay mababasa natin sa Banal na Kasulatan na hindi pinababayaan ng Diyos ang kanyang bayan. Noong sila ay naglalakabay papunta sa "lupang pangako" ni Yahweh ay pinadalhan niya ang mga Israelita ng "manna" sa ilang upang maging kanilang pagkain. Ang kanyang pangakong pag-aaruga ay magpapatuly basta't sila ay mananatiling tapat sa kanya. Ito ang paalala niya sa kanila sa ating unang pagbasa: "Ako'y may
gagawing walang hanggang tipan at
ipalalasap sa inyo ang pagpapalang
ipinangako ko kay David."
Sa kasalukuyang panahon ay patuloy ang pag-aaruga ng Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga paring kanyang hinirang na tumutugon sa kanilang espirituwal na kagutuman. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga at nahabag si Jesus nang makita sila. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya at sa pagkaing kanyang ibibigay sa kanila. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan."
At ito rin dapat ang ginagawa ng mga pari sa kanilang kawan na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila: ang bigyan ang mga tao ng "pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" Kaya nga't mahalaga ang papel na ginagampanan naming mga pari sa pagpapatuloy ng misyon ni Jesus. Walang pari... walang Eukaristiya. Walang Eukaristiya... walang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan! Ang mga pari, lalong-lalo na ang mga Kura-Paroko, ay nabigyan ng responsibilidad na pamunuan, alagaan, ipagtanggol at gabayan ang kawang ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro at sa mga kahalili niya.
Ipagdasal natin sa misang ito na sana ay biyayaan pa tayo ng Diyos ng mga mabubuti at banal na mga pari upang maipagpatuloy ang gawaing pagliligtas ni Kristo. Sa Banal na Eukaristiya ay mas nabibigyang linaw ang mahalagang papel ng mga pari sa pagpapabanal ng Simbahan kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal at pagsuporta sa ating mga kaparian. Tao rin sila na may kahinaan at kakulangan. Ipagdasal natin na sana ay ang Diyos ang magsilbing kanilang kalakasan!
Bakit mga "Banal na Pari" ang hinihingi nating dasal? Pansinin na binibigyang halaga natin dito na hindi lang kaming mga kaparian o relihiyoso, kundi pati na rin ang mahalagang papel ng mga ordinaryong tao sa pagpapabanal ng kanilang mga namumuno sapagkat nakikibahagi tayong lahat sa iisang pagkapari ni Kristo. Ipanalangin natin sila sapagkat ang "banal na pastol" ay siguradong magdadala sa kabanalan ng kanyang kawan. Banal na pari... banal na Simbahan! Banal na Simbahan... banal na mamamayan! Ibig sabihin BANAL NA KAPARIAN... BANAL NA SAMBAYANAN! Maraming salamat po sa inyong suporta at mga panalangin!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento