Ano kaya ang mangyayari sa 'yo kapag sinabing nanalo ka ng 50 million pesos sa lotto? Malamang hihimatayin ka sa tuwa o kung di naman ay aatakihin ka sa puso sa sobrang kagalakan! May isang kuwento na minsan daw ay may isang lola ang walang kaalam-alam na nanalo s'ya sa lotto ng 50 milyong piso. Ang problema ng kanyang mga kasambahay ay kung paano nila ito sasabihin sa kanya sa kadahilanang may sakit siya sa puso at matanda na! Naisip nilang imbitahan ang kanilang kura-paroko dahil kaibigang matalik ito ng kanilang lola at isa pa ay matagal din siyang naglingkod sa simbahan bilang isang Legion of Mary. Hiniling nila sa pari na s'ya na ang magbalita sa kanilang lola sa maingat na paraan na hindi niya ikabibigla. Sumangayon naman ang pari at isang gabi ay dumalaw ang pari sa bahay at kinausap ang matanda: "Lola, kamusta na ang lagay ninyo?" Sagot ng matanda: "Mabuti naman po padre..." At nagkuwentuhan sila ng matagal. Nang mapansin ng pari na nalilibang na at relax na ang matanda ay tinanong niya ito: "Lola, kung sakaling manalo kayo ng Php 50 million sa lotto... anung gagawin ninyo sa pera?" "Aba padre," sabi ni lola, "kung ako ang mananalo ng 50 million sa lotto ay ibibigay ko ang kalahati sa Simbahan." Nang marinig ito ng pari ay inatake siya sa puso at namatay! hehehe...
Sino nga ba ang di hihimatayin sa gayong kalaking kayamanan? Wala naman sigurong taong matino ang pag-iisip ang ayaw yumaman. Dati rati ang kayamanan, hinuhukay, sinisisid, nilalakbay ng malayo. Ibig sabihin, ang kayamanan ay pinaghihirapan para makuha ng isang tao. Marami siyang sakripisyong dapat gawin. Ngayon marahil ay tila mas madali ang yumaman. Tumaya ka lang sa lotto o kaya naman ay sumali sa mga patimpak o contests na may malaking cash price at pag nanalo ay instant yaman ka na! Ang iba, tumatakbo sa eleksiyon at presto, pagkatapos ng ilang taon super yaman na! May iba naman sa masasamang paraan nakukuha ang kayamanan tulad ng pagnanakaw, pangingidnap, pangungurakot sa trabaho at marami pang masasamang paraan.
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay tungkol sa talinhaga ng Kaharian ng Diyos o Paghahari ng Diyos. Inihalintulad ito ni Jesus sa isang taong nakatagpo ng kayaman sa bukid at mamahaling perlas. Kapuwa nila isinakripisyo ang kanilang mga pag-aari upang mabili lamang ang mga kayamanang iyon. Kung kaya nating magsakripisyo para sa kayamanang makamundo na nabubulok at nasisira ay dapat gayun din sa mga bagay na espirituwal.
Ang "kaharian ng Diyos" ay ang pagharian tayo ng Kanyang biyaya at mabuhay bilang mga tapat niyang anak. Dapat ay matuto tayong magpahalaga sa mga bagay na dapat unahin sa ating buhay. Nakakalungkot na sa panahong ito ng Quarantine ay hindi tayo makapagdiwang ng Santa Misa ng katulad ng dati. Ayon kasi sa classification na ginawa ng IATF, ang pagsamba ng sama-sama ay nasa klasipikasyon na "non-essential". Samantalang ang pagpunta sa mga pamilihan ay "essential". Paano ba natin isinasabuhay ang ating pagiging mga "anak ng Diyos"? Hindi ba sa pamamagitan ng sama-samang pagsamba sa Kanya? Kaya nga kapag ang pagsisimba ay ipinagpapalit mo sa mga lakad mo sa araw ng Linggo ay hindi mo pa batid kung ano ang tunay na kayamanan na dapat maghari sa iyong nuhay at hindi ka pa rin handang pagharian N'ya. Kapag sinasabi mong wala akong oras magdasal o gumawa ng mabuti sa iba ay hindi mo pinahahalagahan ang Kaharian ng Diyos sa iyong buhay. Kapag mas mahalaga sa iyo ang mga bagay na materyal kaysa ispirituwal, kapag labis mong pinagtutuunan ng pansin ang iyong katawan at napababayaan mo ang iyong kaluluwa ay malayo ka pa sa paghahanap sa tunay na kayamanan.
Ang Kaharian ng Diyos ay hindi isang lugar. Ang kaharian ng Diyos ay ang plano ng Diyos sa sangkatauhan at ang kanyang paghahari ay ang ating pakikiisa sa planong ito. Ang plano ng Diyos sa atin ay mabuhay tayo ng masayang kasama siya dito sa mundong ito at sa kabilang buhay na kung saan ay makakapiling natin Siya magpakailanman sa kaluwalhatian. Ang pagpapatawad sa mga taong nakasakit at nagkamali sa atin at pagmamahal sa kanila ay pakikiisa sa plano ng Diyos para sa atin. Mahirap itong mauwaan at ipaliwanag sa isang taong nabubuhay sa batas ng "mata sa mata" at "ngipin sa ngipin". Tanging mga tao lamang na may karunungang tulad ng kay Solomon ang makakaunawa nito. Sa unang pagbasa ito ang hiniling ni Solomon kay Yahweh sa halip na kayamanan at kapangyarihan: "isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling." Hingin din natin sa Panginoon ng ganitong puso upang tayo ay pagharian niya.
Ngayon din ay ang Linggo ng Misyong Pilipino na kung saan ay ipinagdarasal natin ang gawain ng ating mga Pilipinong Misyonero. Alalahanin at suportahan natin silang mga nakatagpo sa tunay na kayamanan na iniwan ang lahat-lahat sa kanilang buhay upang ihatid ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesus sa ibang lupain. Ngunit tandaan din natin na tayong lahat ay nakatagpo na sa "tunay na kayamanan" noong tayo ay bininyagan. Kaya nga't lahat tayo ay misyonero na tinatawag na magmahal. Kumbinsido ka ba na nasa iyo na ang "Tunay na Kayamanan?" Ano ang ginagawa mo upang ito ay pahalagahan at palaguin sa iyong buhay?"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento