Miyerkules, Agosto 5, 2020

BAKAS NG PRESENSIYA NG DIYOS: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year A - August 9, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Saan nga ba matatagpuan ang Diyos? Alam nating nasa langit ang Diyos at hinihintay Niya tayong lahat na makapiling Niya sa kaluwalhatian at kaligayahang  walang hanggan.  Pero dito sa lupa, saan ba natin matatagpuan ang Diyos?  Kapag sumasakay ako ng jeep, minsan may nakikita akong nag-aatanda ng krus kapag dumaraan ang jeep sa simbahan.  Sa mga paaralan ng Don Bosco, ang mga kabataan ay sanay ng bumisita sa simbahan upang dalawin si Jesus sa Banal na Sakramento bago umuwi sa kanilang mga bahay.  Kaya nga't ang Diyos din ay matatagpuan sa Kanyang tahanan - sa tabernakulo ng ating mga simbahan.  Ngunit ang Diyos din ay matatagpuan sa mga sitwasyon na hindi natin inaasahan.  

May isang bata ngang nagsabi na ang Diyos daw ay nasa kanilang bahay, at sa lahat pa ng lugar ay nasa loob daw siya ng kanilang banyo. Tinanong siya ng kanyang guro kung paano nangyari yun.  Ang sabi niya: "Kasi po tuwing umaga lagi ko na lang naririnig ang tatay kong sumisigaw sa harap ng pintuan ng aming banyo ng 'Diyos ko! Diyos! Anung oras ka lalabas d'yan?  Maleleyt na ako sa trabaho!"

Sitwasyon na hindi inaasahan.  Sa mga nangyayari ngayon sa ating paligid ay marami ang tila naghahanap sa presensiya ng Diyos. Nasaan ang Diyos ngayong pandemic na kung saan ay maraming tao ang nangamatay at nahihirapan sa buhay?  Nasaan ang Diyos sa pagsabog na naganap sa Lebanon na naging sanhi rin ng pagkamatay ng marami at pagkawala ng kabuhayan?  Nasaan ang Diyos kapag may namatay sa aming pamilya?  Nasaan ang Diyos sa mga madilim na bahaging ito ng aming buhay? 

Sitwasyong di inaasahan, ito ang naranasan ni Propeta Elias ng katagpuin niya ang Diyos sa bundok ng Horeb.  Hindi niya nakatagpo ang Diyos sa malakas na hangin, lindol, kidlat at kulog kundi sa isang banayad na tinig.  Ang Diyos ay matatagpuan sa katahimikan at kapayapaan.  Sa ating Ebanghelyo,  natagpuan ng mga alagad si Jesus sa sitwasyon ng takot at pangamba.  Madaling araw noon ng saniban ng takot ang mga alagad sa bangka ng makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. "Multo!" ang sigaw nila, sapagkat karaniwang paniniwala ng mga tao noon ang ang mga espiritu ay naglalakbay at nanahan sa ibabaw ng tubig.  Ngunit pinawi ni Jesus ang kanilang takot at pangamba at sinabi niyang "Huwag kayong matakot si Jesus ito!"  

Sa ating paglalakbay ay karaniwang din tayong pinangungunahan ng takot at pangamba lalo na't nahaharap tayo sa maraming suliranin at kahirapan sa buhay.  Naririyan pa rin ang pangamba ng karahasan dala ng terorismo at patayang dala ng problema sa droga.  Nariyan ang pangambang dala ng hagupit ng kalikasan tulad ng lindol, bagyo at malakas na pag-ulan. At sa kasalukuyan nga ay ang pangambang idinudulot ng patuloy na pagkalat ng COVID19 virus na hindi pa natin alam kung hanggang kailan ito magbibigay ng pahirap sa ating buhay.  

Sa kabila ng maraming pangambang ito ay sinasabihan tayo ni Jesus na wala tayong dapag ikatakot. Manalig tayo Diyos. Manalig tayo sa kanya.  Nagawa ni Pedrong lumakad sa ibabaw ng tubig palapit kay Jesus sapagkat nakatuon ang kanyang pansin sa kanyang Panginoon.  Ngunit ng mapansin niya ang malakas na alon at hangin, nawala ang kanyang pagtuon kay Jesus naging dahilan iyon ng kanyang unti-unting paglubog.  Inabot ni Jesus ang kanyang kamay at sinabi.: "Napakaliit ng iyong pananampalataya! Bakit ka nag-alinlangan?"   Kapag hinayaan nating gambalain tayo ng ating maraming alalahanin sa buhay at malingat tayo sa ating pagtitiwala sa Panginoon ay unti-unti nating mararanaan ang "paglubog" sa buhay!  Tandaan nating malapit lang sa atin ang Diyos kapag tinalo tayo ng ating kahinaan.  Hindi niya tayo pababayaan.  Sapat lang na sambitin nating: "Sagipin ninyo ako, Panginoon!" at makakaranas tayo ng kapayapaang nagmumula kay Kristo.  Patuloy na dumarating ang Diyos sa ating buhay.  Sa kaguluhan sa ating paligid at maging sa ating sarili ay paghariin natin Siya.  Ang Diyos ay dumarating sa kapayapaan.  Kapayapaan ang bakas ng Kanyang presensiya!

Kaya nga sa harap ng maraming kaguluhan at alalahanin sa ating buhay ay turuan natin ipayapa ang ating sarili sa presensiya ng Panginoon.  Ang Diyos ay nagsasalita sa kapayapaan.  Kung hindi tayo marunong makinig sa katahimikan ay hindi natin siya mapakikinggan.  Mayroon dapat tayong malaking tainga para makinig.  Ang malaking tainga na tinutukoy o ay hindi nakakabit sa ating mukha kundi ang nasa loob ng ating puso.  Turuan natin makinig ang puso.  Pansinin ninyo ang salitang puso sa ingles.  Sa salitang hEARt ay makikita natin ang salitang EAR sa gitna.  Kaya nga mayroon tayong tinatawag na "listening heart".  Isang pusong marunong makinig, lalong-lalo na sa mga hinanaing ng mga taong nahihirapan sa buhay at naghahanap ng katarungan. Muli tayong nailagay sa MECQ dahil na rin sa panawagan ng ating mga medical workers na magkaroon ng "time-out" dahil nahihirapan na rin sila sa tila walang direksyon na paglaban sa pandemiang ito.  Pagtigil ng kaunti upang pakinggan ang hinanaing ng marami na magkaroon ng maayos at makatotohanang plano upang hindi masayang ang sakripisyo ng mga taong nagbubuwis ng kanilang buhay araw-araw upang matugunan ang paghihirap ng ating mga kababayan.  Pagkatapos ng ilang araw na MECQ, ipinapakita ba ito ng mga tao sa ating pamahalaan? O ang quarantine na pina-iiral ay naroroon pa rin sa pagharang sa mga naglalakad na walang quarantine pass, mga lumalabag sa patakaran ng social distancing o facemask, etc... Kung pagkatapos ng mga araw na ito ng MECQ ay wala pa ring malinaw na plano ay masasabi nating kulang pa rin talaga sa pakikinig ang mga taong namamahala sa atin.  Matuto tayong makinig sa katahimikan at kapayapaan. 

Kapayapaan ang bakas ng presensiya ng Diyos! Nasaan siya?  Siya ay kapiling natin. Hindi niya tayo iniiwan.  Sa panahong ito ng pandemia, unawain natin na tayo ay hindi binibitawan ng Diyos.  Kaya nga ang GCQ ay nagbibigay dapat sa atin ng bagong kahulugan: God Can't Quit!  Huwag tayong matakot.  Nariyan lang siya sa katahimikan at kapayapaan.  

 

Walang komento: